#FF0000
Scammers. Hackers. Posers. Cyber bullies.
Lahat ay napupuksa ni Super #FF0000. Sa isang mundong mapanganib, isang superhero ang may taglay na kapangyarihan para kalabanin ang masasamang loob. Gumagamit siya ng mga 'codes' bilang kanyang mga sandata. Ang kanyang 'security password' naman ang nasisilbing panangga niya laban sa mga kampon ng kadiliman. Gamit ang kanyang 'links' o ang kanyang teleportation powers, nakakapunta siya sa iba't ibang 'sites' o lugar nang mabilisan. Marami siyang mga natutulungan na mga tao sa iba't ibang dako ng mundo. Pilipino man o Kano. Hapon man o Bumbay. Nagagawang kausapin ni Super #FF0000 ang mga ito. At sa tuwing humihingi ng tulong ang mga ito ay handa niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya. Sa tuwing nagtatagumpay siya laban sa mga kampon ng kasamaan ay natutuwa sa kanya ang mga tao at binibigyan siya ng premyo na tinatawag na 'Likes'. Gustong-gusto ni Super #FF0000 ang Likes dahil nakakagaan ito ng kanyang kalooban at masaya siya na kinikilala siya bilang isang ekspertong superhero.
Tunay ngang marami nang nagawa si Super #FF0000 para sa mundong iyon na tinatawag na 'World Wide Web' o sa mas madaling sabi ay 'Internet'. Ngunit, kagaya na lamang ng ibang mga superhero, may mga malalakas din siyang mga kalaban na tinatawag na 'virus'. Dalawa sa kanyang mga nemesis ay sina Trojan at Heartbleed. Sila ay umaatake sa mga inosenteng 'netizens' at walang awa nilang pinapahirapan ang mga buhay nila. Ninanakaw nila ang kanilang mga pagmamay-ari at sinisira nila ang kanilang mga bahay na tinatawag na 'accounts'. Ngunit dahil sa kakaibang kapangyarihang taglay ni Super #FF0000, nagawa niyang talunin ang mga virus at naprotektahan niya ang mga netizens laban dito. Kilalang-kilala na nga si Super #FF0000 ngunit kung tutuusin ay wala naman talagang nakakakilala sa kanya. Hindi nila alam kung ano ang kanyang tunay na pangalan o kung saang lupalop siya nanggaling. Basta may kaylangan ng tulong, bigla na lamang siyang magpapakita at kapag nasolusyunan na ay bigla rin namang aalis. Gayunpaman, marami siyang tagahanga at maraming umiidolo sa kanya. Dahil para sa kanila, si Super #FF0000 ay isang makabagong bayani sa modernong henerasyon at isang kakaibang superhero na may taglay na espesyal na kakayahan.
Ngunit kahit ganoon, may kahinaan din si Super #FF0000. At ang araw ngayon ay isa sa mga araw kung saan nagpaparamdam sa kanya ang kanyang kahinaan.
'Error 404 Not Found' ang nakasulat sa screen. Pindot nang pindot si Red sa refresh button pero hindi pa rin naglo-load ang Website na pinuntahan niya. Napansin niyang walang Internet connection.
"Ma! Ba't wala na namang connection?" sigaw ni Red pagkalabas niya ng kanyang kwarto. Naglakad siya sa may pasilyo ng kanilang bahay at bumaba ng hagdan. Nagpunta siya sa may kusina kung saan naroroon ang kanyang ina na nagluluto ng pananghalian.
Lumingon sa kanya ang kanyang ina at nginitian siya. "Himala at bumaba ka ng kwarto na hindi pa kita tinatawag ha," sabi ng kanyang ina.
"Ma. Wala na namang connection," sabi naman ni Red.
"Tinawagan ko 'yong PiElDiTi kanina. May sira lang daw, pero aayos rin ng ilang oras."
"Ilang oras pa? Ang tagal naman! Sabi ko kasi sa'yo palitan mo na lang, e. Sabado pa naman ngayon. Ano'ng gagawin ko?"
Humarap kay Red ang kanyang ina at ibinaba ang hawak nitong sandok. Hinubad nito ang suot na pulang apron at isinuot sa kanyang likod na tila isa itong kapa. "Ayan. Maglaro ka muna sa labas, kunwari isa kang superhero. 'Di ba 'yon naman ang ginagawa mo sa Internet? Dahil sikat na superhero ka na sa Internet, ba't hindi mo kaya subukang iligtas din ang mga nangangaylangan ng tulong sa totoon mundo? Bata ka pa, Red. Subukan mo namang makipag-usap sa mga tao sa paligid mo at lumipad ka sa himpapawid ng realidad."
Lumabas si Red ng bahay habang suot-suot ang pulang apron na iyon sa likuran niya. Napabuntong-hininga siya.
Ito ang totoong Super #FF0000, isang labing-tatlong taong gulang na nagngangalang Red Dela Cruz. Nag-aaral sa isang pampublikong paaralan kung saan ang mas matatangkad at malalaking lalaki ay pinagkaka-isahan siya. Kung saan ang mga babae ay tinatawanan at inaasar siya. Isang batang wala pa sa 5 feet ang tangkad at underweight. Isang lampa, isang duwag, isang outcast. Ito ang totoong Super #FF0000, at sa mundong ito na kanyang ginagalawan ay malayo sa kanya si Super #FF0000. Dahil sa mundong ito, na tinatawag nilang 'Realidad', ay wala siyang mga tagahanga. Walang humihingi ng kanyang tulong at umaasa sa kakayahan niya. Sa mundong ito, hindi siya superhero.
Bata pa lamang si Red ay pangarap niya nang maging superhero. Ngunit sa kanyang paglaki ay napagtanto niyang malabong mangyari iyon lalo pa't hindi siya kasing-lakas at kasing-macho ni Superman. Pero nang matuto siya sa teknolohiya at napadpad siya sa Internet, pakiramdam niya ay tila ba natupad na ang kanyang mga pangarap. Dahil sa mundo ng 'Internet', siya si Super #FF0000, isang superhero.
"Tulong!" Nakarinig siya ng isang sigaw. Napatingin siya sa kanyang paligid at nakita niya ang isang batang babae sa gitna ng kalsada. Umiiyak ito dahil nadapa at sumubsob ang tuhod nito sa lupa. Agad namang tumakbo si Red papunta sa batang babae at binuhat ito. Naglakad siya at sa may labas ng isang tindahan ay may ginang na umiiyak. Nang makita si Red ng ginang na buhat niya ang isang batang babae ay agad itong tumakbo papalapit sa kanila at kinuha nito mula sa kanya ang bata.
"Maraming salamat, superhero." Sabi ng ginang kay Red na may ngiti sa kanyang labi.
Sa unang pagkakataon ay nakaramdam si Red ng tunay na saya. Napakasarap pakinggan ang katagang 'superhero' na tumutukoy sa kanya. Napakasarap sa pakiramdam na may nailigtas siyang bata at may nagpasalamat sa kanya. Doon niya naisip na iba pala talaga sa pakiramdam kung sa 'Realidad' ka nakatulong, kung saan ang mga tao ay nakikita ka sa kung sino ka talaga.
Napakamot si Red ng ulo sa hiya. "Walang anuman po. Sige ho, mauna na ako."
Nagsimula nang maglakad si Red. Isang ngiti ang nakapalitada sa kanyang mukha habang papatawid siya ng kalsada.
"Isa na akong superhero," sabi niya sa kanyang sarili. "Pwede akong maging superhero kahit dito."
Ngunit sadyang mabilis ang pangyayari. Dahil sa mundong ito, wala siyang superpowers kung kaya't hindi niya nakita ang paparating na pulang kotse. Isang pulang kotse na mabilis ang pagtakbo, isang pulang apron na lumipad sa ere, at isang batang naliligo sa kanyang sariling pulang dugo. Pinaligiran siya ng mga tao at inilabas ang kanilang mga cellphone para kumuha ng litrato. Sadyang mabilis ang mga pangyayari, dahil sa isang iglap, isang batang naghahangad na maging isang bayani ang nawala. Umpisa pa nga lang ng kanyang pag-asang maisakatuparan ang pangarap na iyon ay agad namang nagwakas ang kanyang buhay.
Dahil sa totoo, si Red Dela Cruz ay namumuhay sa mundo ng 'Realidad', kung saan malayo siya kay 'Super #FF0000', na isang superhero.













