SA PANULAT NI JELLY CHRONOLOGY
Hindi naniniwala sa Diyos si Lola.
Hindi rin siya naniniwala sa anghel. O kahit sa demonyo. Pero kapag nagagalit naman siya, lagi niyang bulalas ‘yong mga salita na ‘O jusko!’ o kaya ‘Pisting yawa!’. Hindi siya naniniwala sa langit o sa impyerno. Tinanong ko siya isang beses tungkol sa afterlife. Sabi niya, isa lang naman daw ang buhay ng mga tao. Kapag namatay ka na, e’di deads ka na. Hindi ka na tutubuan ng pakpak o ng sungay kapag nalagutan. Kumbaga, e, YOLO (You Only Live Once) ang peg ni Lola sa buhay.
Kung gaano naman ka-atheist si Lola, e kina-religious naman ni Mama. Present na present siya sa bible studies. Puro memory verses ang status sa Facebook. Kahit nga ‘yong mga selfies niya e words from the Bible pa rin ang caption. Mga amiga niya rin ang mga asawa ng Pastor sa Church namin at minsan nag-le-lead pa sa pagkanta ng worship songs kahit madalas ay hinahabol naman siya ng band.
“Ma, sama naman kayo sa Bible study minsan. May libreng pa-pansit doon.”
Iiling si Lola kapag sinasabihan siya ni Mama ng ganito. Favorite ni Lola ang pansit. Minsan nga ay bakas sa mukha niya na natutukso siyang tanggapin ang invitations ni Mama, pero in the end, lagi namang ‘Ayoko’ ang final answer niya.
Hindi rin naman ako relihiyosa pero naniniwala ako sa Diyos. Kaya nga may mga pagkakataon din namang pinipilit ko si Lola magsimba. Halos gabi-gabi rin akong nagdadasal na sana dumating ‘yong panahon na matuklasan niya ‘yong pananampalataya niya.
Kaya nga isang araw, hindi ko alam kung ano’ng pumasok sa isipan ni Lola at parang nagka-himala yata.
“Miraquel,” ani Lola habang nanonood ng Eat Bulaga. Nabaling ang tingin ko sa kanya at napansin na hindi naman umalis ang tingin niya sa TV pero nakaupo siya nang tuwid. Lagi namang nakasandal si Lola kapag kumportable, kaya naramdaman kong seryoso ang sasabihin niya no’n at hindi niya lang ako uutusang hanapin ang salamin niya kahit nasa ulo niya naman.
“Pupunta akong simabahan ninyo.”
Tuluyan niya nang naagaw ang atensyon ko no’n. “Ha? Totoo po?”
Nakapokus pa rin siya sa TV pero umusog siya kaunti palapit sa tabi ko. “Oo, pero may mga kondisyon ako.”
Pinilit kong hindi makinig sa nakakakilig na mga banat ng AlDub at pinakinggan nang mabuti ‘yong mga kondisyon niya. Hindi simple. S’yempre. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa’kin kung ano ba talagang naging dahilan para humingi siya ng mga kondisyon na ‘yon: tatlong himala na kailangan matupad patungong kaligtasan.
I. ANG UNANG HIMALA: ANG DYIPNI NI MANG BERTING
Frenemies sina Lola at Mang Berting. Minsan makikita mong nagtatawanan at minsan din naman ay magkakasagutan… madalas tungkol sa jeep ni Mang Berting. Kahit ako rin naman naiinis, paano ba naman kasi, ginawang parking space ni Mang Berting ang labas ng gate namin. Sa tuwing lalabas ako ng bahay, ‘yong kulay blue na may yellow na jeep niya agad ang bubungad sa’kin.
Kaya nga napataas ang kilay ko nang sinabi ni Lola ‘yong unang himala niya: ‘Jusko, himala na lang kung mawala ‘yong dyipni ni Berting sa labas ng bahay natin.’
Himala nga. Tatlong taon na ang lumipas, pero consistent na nakaparada ang jeep niya ro’n, talo pa ang attendance ko sa school. Never kong nakitang pumasada ito. Never ko rin namang nakitang sumakay si Mang Berting dito.
Pinilit kong ngumiti pero unting-unti namang nawala no’ng papalapit na si Mang Berting sa’kin. Nakasuot na naman siya ng kulay Indigo na T-shirt at kulay Khaki na tokong. Abot-tainga ang ngiti niya kaya kita ang nawawalang dalawang ngipin niya sa gitna.
“O, Mirakel, ‘no’ng sadya mo?”
Parang mapupunit ‘yong labi ko no’n kakangiti. “A, ano ho kasi, e itatanong ko lang po kung gising na si Zen.”
“A, si Zen ba? Tulog pa, e. Alam mo naman ‘yon, laging nagpupuyat kasi nag-aaral nang mabuti. Kahit sembreak, ayaw pa ring magpatawad.”
Napatingin ako sa bahay nila. Hindi naman mahirap sina Mang Berting. Actually, ‘yong bahay nila e isa nga sa pinakamaganda rito. ‘Yong Mama ni Zen, nars ‘yon sa Dubai kaya feeling ko mataas ang sweldo niya… mataas para hindi na magtrabaho si Mang Berting at mahiga na lang sa kama para manood sa Dabarkads.
Mukhang imposible naman talaga ‘yong himala ni Lola. Kaya nga himala, ibig-sabihin, malabong mangyari. Hindi ko alam no’n kung paano ko sasabihin kay Mang Berting na kailangan niya nang alisin ‘yong nakaparada niyang dyipni sa may gate namin. Hindi pa ako agad umalis sa gate ng bahay niya at mukhang nahalata niya na may gusto akong sabihin.
Nasa isip ko no’n, hindi ako aalis hangga’t hindi ko natutupad ang unang himala ni Lola.
“Mang Berting, ang tagal na ng dyipni ninyo, ano?”
Nagbago ang facial expression niya. Medyo nawala ang ngiti sa labi at napalitan ng mapagtanong na mga mata.
“Naisip ko lang po kasi, ano, e, may nasabi po si Zen sa akin noon…”
“Gusto niya raw po kumuha ng Multimedia Arts na course sa College of Saint Benilde. Kaya po nag-aaral nang mabuti. E sabi ko sa kanya, mahal doon.”
Totoo namang gusto talaga ni Zen ang kurso na ‘yon at mas totoo rin naman na mahal nga ‘yong gusto niya. Kahit 2 years pa ang hihintayin naming kasi may Senior High School pa, desidido na talaga siya sa course na kukunin niya.
Mukhang may nagbago sa tingin ni Mang Berting. Nginitian ko na lang siya at nagpaalam, kahit deep inside e aminadong olats na ako. Noon din nag-decide ako na tanggalin ang Marketing sa possible courses na ite-take ko.
Pero, nagkaroon ng isang malaking himala dahil sa hindi malaman na dahilan, e kinabukasan, wala na ang dyipni ni Mang Berting sa may gate naming at himala rin na wala akong narinig na malakas na volume ng TV mula sa bahay nila.
II. ANG IKALAWANG HIMALA: YOTPA DA OLATS
Medyo nakakatawa ‘yong ikalawang himala ni Lola. Ito ‘yong masasabi kong personal na, ay oo nga, himala nga talaga kung mangyari man ‘to. Ang sabi niya no’n, in non-verbatim, “Si Yotpa, laging talo sa mga laro, ang tanda-tanda nang bata. Magpo-portin na nga ‘yon, pero ni isang laro e wala pang naipapanalo!” Tama nga naman. 2 years mas bata sa’kin si Yotpa, pero hanggang ngayon e nakikipaglaro pa rin sa mga bata. Kahit nga ‘yong mga mas bata sa kanya e mas prefer nang maglaro ng computer games, pero siya, go pa rin sa larong pambata kahit pumipiyok na ang boses dahil sa pagbibinata.
“Ayokong kakampi si Yotpa, ang bagal-bagal n’yan e!” sabi ni Angeli.
Kung may varsity man sa larong pambata, sigurado akong si Angeli ‘yon. Halos lahat ng laro e naipapanalo kaya naman sa tuwing bibili ‘yon ng RC Cola sa’min e nakikita kong palaging pawis na pawis. Hindi nga katangkaran si Angeli para sa isang siyam na gulang pero ika nga, ‘small but terrible’ ang peg niya.
Pinagmasdan ko lang si Yotpa no’n. Sobrang payat niya kaya nga Yotpa ang tawag sa kanya. Bata pa lang e akala mo naglalakad na walis-tingting. Sa sobrang nakasanayan na namin na tawagin siyang Yotpa, weird na lang marinig ‘yong Mama niya na tawagin siyang Pio kahit totoo niya namang pangalan ‘yon.
“Psst, Yotpa,” tawag ko sa kanya no’ng isang hapon.
“Piko lalaruin niyo sunod?”
Tapos ngumiti pa siya. Ewan ko kung saan siya nakakahugot ng optimism at determination, pero hanga talaga ako sa kanya. Binalik ‘yong ngiti niya at tinawag siya para lumapit pa sa’kin. “May bibigay ako sa’yo,” sabi ko sa kanya. “Agimat. Epektib ‘to, galing pang Antique. ‘Yong mga gumagamit nito e mga sundalo na nananalo sa giyera.”
Pinakita ko sa kanya ‘yong batong kumikinang. Mga ilang araw ko ring pinag-isipan ‘yong himala para kay Yotpa, actually. Hindi man ako sigurado kung gagana ‘yon, pero sinubukan ko na ring bigyan siya ng isang bato (na galing sa decorations ng vase ni Mama) at paniwalain siyang Agimat nga iyon. Doon ding time na iyon na re-rediscover ko ang passion for Marketing at tuluyang binalik siya sa list ko.
“Basta dapat ‘yan ang ipambabato mo sa Piko. Kapag ‘yan ang binato mo, porsyur na panalo ka na. Basta maniwala ka lang sa Agimat, pak ganern!”
Kinuha niya sa’kin ‘yon. Ang mga sumunod na pangyayari ay masarap sariwain pero mahirap ikuwento… masyadong mabilis kasi, pero sabihin na lang nating isa ‘yon sa mga memorable na araw para sa mga tambay sa kanto at mga batang amoy-araw kakalaro.
Hiyawan at katuwaan. Si Yotpa na may malaking ngiti sa kanyang labi habang hawak ang Agimat niya. Si Angeli na napanganga. At s’yempre, isang random citizen na biglang sumigaw ng “Aba, himalang nanalo si Yotpa!”
III. ANG HULING HIMALA: MARLBORO LIGHTS NI TITA RUBY
Sa lahat ng himala ni Lola, ‘yong huli ang pinakamahirap. Last but not the least talaga.
Sa tindahan namin, isa si Tita Ruby sa mga suki, lalo na ng sigarilyo. Kaya nga rin siguro hindi kaya ni Mama na alisin ‘yong sigarilyo sa tindahan e dahil doon naman talaga kami kumikita. Tapos tatawanan siya ni Lola at sasabihing, “Hindi ba sinabi ng Pastor niyo na bawal ang bisyo? Ba’t nagbebenta ka?” na may sense nga naman.
Hindi ko naman close si Tita Ruby, at sa lahat ng mga dapat kausapin e siya ‘yong mahirap lapitan. Medyo malakas kasi ang personality niya. Hindi ko siya totong Tita, pero ayaw niyang nagpapatawag ng ‘Aling’ kahit pa nasa 40+ na ang edad niya.
Anyway, heavy smoker talaga si Tita Ruby. Minsan nga e isang buong kaha na ‘yong binibili niya at bukas makalawa e bibili pa siya ng tatlong sticks. Lagi siyang tatambay roon sa may tindahan naming at mukhang may malalim na iisipin, tapos bibili ng candy, at babalik sa bahay nila na sa tabi lang naman.
Kaya nga siguro mukha talaga akong ewan nang tanungin ko siya no’ng bumili siya ng sigarilyo kasi hindi naman kami nagkakausap talaga.
“Kumusta po si Ate Hazel?”
Inabot niya ‘yong twelve pesos niya para sa tatlong sticks na kwatro ang isa. “Si Hazel? A, ayun. Uuwi ngayong Sabado.”
“Talaga po? Wow, himala… after 3 years e makakauwi siya ulit!”
Tumango si Tita Ruby at ngumiti. Hindi naman pala siya gaanong masungit. “Oo. Kapag may pasalubong na chocolates, bigyan kita.”
“E ‘yong boyfriend niya po, kumusta?”
Napahinto siya. Doon ko napagtantong hindi ako pwedeng maging TV Host or News Editor dahil walang kwenta ang mga tanong ko, nakakasira ng mood palagi. Nagkibit-balikat siya at hindi sumagot. Kinuha niya na lang ‘yong sticks at bumulong ng “Salamat.”
Umuwi si Ate Hazel mula Japan pagdating ng Sabado. Nakarinig ako ng sigawan at iyakan mula sa bahay nila na tumagal din ng dalawang oras. Pero hindi ko alam, dahil ‘yong pinaka-challenging na himala e biglang ‘yong pinakamadali rin pala. Dahil kinabukasan, hindi na bumili si Tita Ruby ng sigarilyo. Kahit isang araw pagkatapos no’n. At hanggang isang linggo. Pumunta lang siya isang beses sa tindahan para bigyan ako ng chocolates na pinangako niya.
Ilang linggo rin ang nakalipas, nabalitaan ko na lang na may lung cancer na pala siya.
Matapos kong matupad ang mga himala ni Lola, hindi rin naman siya pumunta ng simbahan. Hindi rin naman ako nainis kahit pa may napagkasunduan, pero habang nakaupo siya sa couch sa salas at nanonood ng TV, tinabihan ko siya para itanong ang ilang bagay. Hindi pa nga ako nakakapagsalita e sumagot na siya, na para bang alam niya na kung ano’ng sasabihin ko.
“Hindi ako naniniwala sa Diyos, hindi dahil sa may masamang pangyayari sa buhay ko at Siya ang sinisisi ko,” panimula niya. “Hindi lang ako naniniwala dahil na rin siguro masyadong malaki ang paniniwala ko sa mga tao. May mga bagay na inaakala nating himala, pero sa totoo lang, tama pala talaga si Nora Aunor. Wala nga talagang himala at nasa puso lang natin ang mga ‘yon. Ang himala ay hindi isang bagay na imposible. Ang himala e ‘yong bagay na malabong mangyari, pero kayang mangyari.”
Hindi na ako sumagot pa. Pagkatapos din kasi no’n, mga ilang linggong nakalipas, bumuhos din ang mga sari-saring himala sa isang makulimlim na umaga.
Himala na umuwi si Tita Gay galing Dubai pagkatapos ng labinglimang taon. Ni hindi ko nga alam na may Tita Gay pala ako. Hindi rin naman siya nakukwento ni Mama at never ko rin namang narinig na nabanggit ang pangalan niya kaya isang himala rin kung paano sila nagkakausap ngayon na akala mo’y close na close sila sa isa’t isa.
Himala rin na namimigay ng pagkain si Tito Onyok, ‘yong mataba kong tito. Kapag may family reunions, siya ang umuubos ng pagkain kahit na never naman siyang nag-ambag para sa potluck. Never ko ring nakita na wala siyang hawak na pagkain at never din naman siyang nang-alok kaya it’s a mirakol.
Isa pang himala na nandito ngayon si Candy, ang pinsan kong mas maarte pa sa’kin. Apat na taon siyang mas matanda pero parang isip-bata naman. Once in a blue moon lang kung magpakita sa mga kamag-anak niya. Friend ko rin siya sa Facebook at nakakabasa rin ako ng mga posts niya ro’n, kaya himala rin na puro ‘po’ at ‘opo’ ang lumalabas sa bibig niya na medyo iba sa ‘ph0ewszx’ niya sa mga status niya.
Hindi rin ako tinatanong ni Tita Mela kung may boyfriend na ba ako. Hindi niya rin ako niyakap ngayon at sinabihan na tumataba na ako. Hindi rin siya naglabas ng cellphone, pansin ko, na matuturing kong himala dahil palaging nakatitig sa cellphone ‘yon kapag may mga okasyon sa pamilya.
Pero ang pinakamalaking himala sa araw na ito ay si Lola Milagros. A, si Lola Milagros na paborito kong Lola (dahil wala rin naman akong choice) at paborito rin naman akong apo (paboritong pagalitan). Himala dahil tahimik si Lola ngayon. Sa araw-araw ba namang magkasama kami, talo pa ng volume ng boses niya ang volume ng earphones ko. Nakalunok yata si Lola ng megaphone no’ng bata siya, kasi nasa kabilang kanto pa lang ako pag-uuwi ay naririnig ko na ang sigaw niya. Pero tahimik siya ngayon.
Himala rin na naka-porma siya. E paano ba naman kasi, tatlo lang yata ang damit ni Lola. Tatlong itim na dresses na floral.
At aba, himala rin na naka-make up pa siya ngayon! Palagi niya akong pinapagalitan kapag masyado raw makapal ang kilay ko kahit 3D lang naman. E habang tinititigan ko naman siya ngayon, siya nga itong kung makapag-kilay e akala mo kilay on fleek, kilay is life.
Sa pagitan ng pigil na tawa e hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko. Dahil sa dinami-rami ng pag-ulan ng himala ngayong araw, ang ulan galing sa mga mata ko ang pinakahigit na himala sa lahat.
Himala na iniiyakan ko si Lola. Hindi ko naman akalain na isang umaga e hindi na siya gigising at babangon sa kama. Himala na walang manonood ng Eat Bulaga sa tanghali at himala na naiwan ni Lola ang tsinelas niya sa ilalim ng dining table. Maraming himala; mga bagay na hindi inaasahan, mga bagay na malabong mangyari pero posibleng magkatotoo.
Sabi ni Lola hindi siya naniniwala sa Diyos. Pagkatapos kong tuparin ‘yong tatlo niyang himala, na-realize ko na may point nga siya. Hindi naman talaga imposible ‘yong mga pinagawa niya. Himala lang kasi inisip kong imposible.
Pero habang nakatitig sa katawan niya ngayon, sa huling pagkakataon bago siya ilibing sa lupa, humiling ako ng isang himala. Himalang malabong mangyari, lalo na para sa isang tulad niya, pero hindi naman imposibleng magkatotoo. Humiling ako na sana napunta siya sa isang lugar na masaya. Kahit walang halo o pakpak. Kahit walang masarap na pagkain o Eat Bulaga.
Basta isang himala na paniniwalaan kong magkakatotoo dahil ‘yon ang nasa puso ko.
Ang “Miraquel’s Miracles” ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8 para sa kategoryang “Maikling Kwento” na may paksang Himala.