Naaalala mo pa ba ang small but terrible na si Juan Flavier?
Hindi kumpleto ang araw ko noon kapag hindi ako nakakapakinig ng iba’t ibang mga kanta sa FM radio stations. Nakalakihan ko ang kainitan noon ng request portion sa Kool 106 at minsan ding nakiloko sa pagte-text sa ‘info-pop’ segment ng Campus Radio lalo na kapag si John Hendrix ang DJ tuwing umaga. Hindi naman talaga kasi maitatangging malaki ang naitutulong ng pakikinig ng musika sa atin. Nagkakaroon ng kakaibang aura ang buhay kumporme sa pinakikinggang musika.
Subalit bukod sa musika, minsan din akong nasanay makinig sa AM radio station na karaniwang pinakikinggan ng tatay ko habang nag-aalmusal kami tuwing umaga. Sa programang “Todo Balita” ng batikang broadcaster na si Neil Ocampo sa DZMM noon, maririnig mo ang kanyang pagbabalitang may halong komedya. Naging paborito ko itong pakinggan noon bago pumasok sa eskwela dahil nakakatawa si Neil Ocampo. Para s’yang si Willie Nepomuceno na nag-iimpersonate ng iba’t ibang personalidad. ‘Yun nga lang, kay Neil Ocampo ay puro boses lang ng ilang pulitiko at artista ang kanyang ginagaya.
Kabilang sa versatile na boses ni Neil Ocampo ay sina Congressman Manhik-Manaog (Leo Martinez), Ser Apo (Fidel V. Ramos), Rico JP (Rico J. Puno), Ka Blas (Blas Ople), Ser Erap (Joseph Estrada), Mang Tonio (isang ordinaryong tao lamang pero pinaka-kwela sa lahat at may pagka-manyakis ang dating), at si Kiskis Flavor na impersonation ng dating senador na si Juan Flavier.
Huwag na tayong magpakalayu-layo pa. D’yan tayo pumirmis sa huling personalidad. Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa pulitikong si Juan Martin Flavier na mas kilala bilang si Dr. Juan M. Flavier? Ipinanganak sa Maynila noong June 23, 1935, s’ya ay nakapagtapos ng kursong Medisina sa University of the Philippines noong 1960 at Masters in Public Health sa John Hopkins University noong 1969. Nailuklok din s’ya bilang senador at nakapagpatupad ng iba’t ibang batas sa loob ng labindalawang taon n’yang panunugkulan.
At dahil nga isang doktor, itinalaga s’ya ni dating pangulong Fidel V. Ramos bilang kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan o Department of Health magmula taong 1992 hanggang 1995. Marahil dito din s’ya nakilala ng buong publiko. Sa pagiging health secretary n’ya ay marami s’yang naiambag na kaalaman tungkol sa kalusugan, lalo pa’t isa s’yang doktor (kanina ko pa sinasabing doktor s’ya ah, pansin ko lang. Ang kulit ko). Para sa mga hindi nakakaalam, sa kanya nanggaling ‘yung katagang “Let’s DOH It!” (let’s do it) with matching thumbs up sign (na ‘aproove’ o ‘aprub’ sign para sa akin noong bata pa ako).
Sa pagiging health secretary ay marami s’yang nailunsad na programa. Isa na dito ang “Yosi Kadiri” campaign. Sa pangalan pa lang ay malalaman kaagad na mahigpit na tinututulan ni Juan Flavier ang matinding paninigarilyo ng publiko na makasasama daw sa kalusugan at alang-alang na din sa pagkakaroon ng malinis na baga. Bilang panghikayat sa mga taong tumigil na sa pagyoyosi, nagkaroon pa ng mascot nito na tinawag na Mr. Yosi Kadiri. Makikita din si Mr. Yosi Kadiri sa music video ng Parokya ni Edgar na “Inuman Na”. (Panoorin ang video sa link na ito)
Makikita sa larawan si Mr. Yosi Kadiri. At talaga namang nakakatakot, mukhang demonyong nakalimutan mag-ahit ng pilikmata.
Isa pa sa nakilalang kampanya ni Juan Flavier ay ang “Oplan Alis Disease” na naglalayong mailayo ang mga tao sa iba’t ibang sakit, lalo na ng polio at malnutrisyon. Hinihikayat ng DOH noon na magpunta ang lahat sa “Patak Center” sa kani-kanilang mga barangay upang mapabakunahan ang mga bata ng anti-polio at mapatakan din ng gamot para dito. Naaalala ko pa ‘yung lasa ng gamot na ‘yon, medyo manamis-namis pero mananawa ka lang dahil may bahid pa din ng pagiging gamot.
Napaka-memorable ng bakunang ito para sa akin dahil noong dinala namin sa Patak Center ‘yung bunso kong kapatid eh napatawa n’ya kaming lahat pati ‘yung mga doktor doon. Paano naman kasi, noong iiniksyunan na s’ya, hindi pa dumadampi ‘yung karayom sa kanyang braso eh ngumawa na! At bigla na lang s’yang tumigil nang para bang maramdaman n’yang hindi pala masakit ang matusok ng karayom na ‘yon! “Hu-waaaaaaa—“. Ganyan talaga, bigla na lang naputol sa climax! Nakakaloka, matatawa ka na lang kapag narinig mo! K.
Noon pa man ay kilala na ang paggamit ng Iodized Salt bilang masustansyang sangkap sa mga lutuin dahil sa taglay nitong iodine na nakakapagpagaling ng sakit na goiter (o ‘yung parang may bukol sa leeg na akala mong namamagang Adam’s Apple). Si Juan Flavier lang naman ang unang nagpakilala nito sa Pilipinas. Kinuha pa ng DOH para maging endorser nito ang sikat na child star noon na si LA Lopez. Inaamin kong na-LSS ako noon sa jingle ng commercial n’yang ‘yon dahil sinulat ko pa ‘yung lyrics sa notebook kong Lion King ang disenyo. “Iodized Salt, Iodized Salt, mag-Iodized Salt tayo... Iodized Salt, Iodized Salt, mag-Iodized Salt tayo. O, ha? Let’s DOH it! Let’s DOH it!”
Hindi ko naman maalala kung nasa termino pa si Juan Flavier noon nang mailunsad ‘yung commercial na TKO na may patungkol pa din sa kalusugan. Nakalimutan ko na ang meaning ng TKO pero hindi ‘yon ‘yung may kinalaman sa boxing. Grabe, nakalimutan ko na talaga. Wala akong masabi sa TKO campaign na ‘yan. Mukhang na-Total Knock-Out ang utak ko dahil d’yan (OA). Pero natatandaan kong may damit pa ako ng tungkol sa TKO na ‘yan. Kulay puti s’ya na manipis at mahinang klase ng tela kaya madaling mabutas, kaya ginawa na lang naming basahan noon.
Bukod sa pagiging health secretary at senador, aakalain mo bang naging author din itong si Juan Flavier? Nakapag-publish s’ya ng sariling mga libro na pawang tungkol pa din sa kalusugan. Ito ay ang Doctor To The Barrios (1970), My Friends In The Barrios (1978), Back To The Barrios (1978), Mobilizing Local Leaders For Rural Development (1980), Parable Of The Barrio (1991), Let’s DOH It! How We Did It (1998), at Paano Tumangkad In Five Easy Steps (joke lang ‘to. Ang sama ko).
Hindi na naman ako sigurado dito, pero ayon sa nabasa ko sa Wikipedia, si Juan Flavier ay kasalukuyang host ng longest running public service program ng GMA 7 na “Kapwa Ko, Mahal Ko” (ito ‘yung programang may nagsa-sign language sa lower right corner ng TV screen). Tuwing umaga kasi ‘yan, mga 5-6 AM, kaya hindi ko alam kung s’ya pa din ba ang host n’yan. (Teka, may “Kapwa Ko, Mahal Ko” pa din ba hanggang ngayon? Ah, ewan!)
Kilala ang boses ni Juan Flavier bilang magaralgal, maliit (parang s’ya. Biro lang), at parang minamalat, kaya naman maraming nagi-spoof sa kanya at sa kanyang boses noon. At dahil din sa kakaiba n’yang boses, appearance, at ‘cute’ na mukha na para bang mukha ng isang sanggol ay nagkaroon pa ng pagkakataon na lumabas s’ya sa isang pelikula (special guest appearance lang naman). Nakalimutan ko na ang titulo ng nilabasan (bastos!) n’yang pelikula pero sa ilalim ‘yon ng OctoArts Films kasama sina Ogie Alcasid, Michael V., Francis M. at Patrick Guzman.
Isa si Juan Flavier sa mga nagbigay ng kulay sa magulong mundo ng pulitika. Bagamat meron s’yang kakulangan sa height ay hindi s’ya nagpadaig sa mga mas matangkad sa kanya. Sa halip ay idinaan n’ya ito sa pamamagitan ng kanyang angking kaalaman pagdating sa pangangalaga ng kalusugan. Hindi lang s’ya nakapaglingkod sa kapwa Pilipino, kahit paano ay napasaya din n’ya tayo sa kahit paanong paraan. Tunay ngang si Dr. Juan M. Flavier ay maituturing na pangunahing testamento sa kasabihang walang malaking nakakapuwing – small but terrible!
Bilang pangwakas, alam n’yo ba kung bakit hindi nag-promote si Juan Flavier ng paggamit ng condoms at contraceptives noon? Kasi naman, ano na lang ang iisipin ng mga manonood kapag nakita nila sa TV si Juan Flavier na may hawak na condom at sumisigaw ng “Let’s DOH it!”. Parang ang sagwang pakinggan, ‘di ba? (Nakuha ko sa Pugad Baboy ang punchline na ‘yan. Tawa kayo, dali. K)