Gusto mo bang maramdaman kung gaano kalamig ang gabi?
Ilapat mo ang isa mong kamay sa pader at pakiramdaman ang lamig nito. Ang lamig hindi ba? Ngunit nasasalungat pa rin ito ng init ng iyong katawan kaya hindi mo gaano maramdaman. Patuloy pa rin kitang hahawakan kahit ako'y nahahawa na rin sa 'yong kalamigan.
Subukan mong ilapat ang isa mo pang kamay at pakiramdaman ang lamig nito. Malamig hindi ba? Natitiis mo pa naman ang lamig nito pero unti-unti ka nang napapangiwi sa ginaw. Ramdam na ramdam ko na ang lamig, para bang papasukin na rin pati ang kalamnan at buto ko. Pero kakapit pa rin ako sa'yo, magbabakasakaling mahawaan ka ng init ko.
Ngunit habang tumatagal ay napapaso ako. Hindi dahil sa init, kundi sa taglay ng lamig mo. Kaya ginawa kong lumayo ng kaunti upang huminga, upang padaluyin muli ang init sa aking mga kamay at magkaroon ng lakas loob na hawakan kang muli.
Napaatras ako. Dahil hindi ko inaasahan na makakahinga ako sa pagbitaw ko sa'yo. Ang sarap sa pakiramdam nang maramdaman ko ang pagbabalik ng aking mga kamay mula sa ngimay at manhid na dinala mo sa'kin. Parang ayoko nang bumalik.
Ganoon na lamang siguro ang aking pagtatanto, na kung parehas tayong manlalamig ay sino pang kakapit at magtitiis?
Kaya sumuko ako dahil parehas na tayong parang mga pader na yelo, na walang ibang pakiramdam kun'di pagkamanhid mula sa panlalamig.
Naging gano'n na lang ako katigas para tuluyang sumuko, para madama ko rin kung sino at ano ako habang malayo ako sa'yo.














