Ang pagmamahal ay hindi pabigat. Maihahalintulad ang pag-ibig sa simoy ng hangin, na kaya tayong itangay patungo sa kalangitan kung saan natin makakamtan ang pinakamagaang na pakiramdam. Ang pag-ibig ang siyang may kakayahang alisin ang bawat problemang humahadlang sa’tin upang makalipad, at hindi ito ang dapat na ugat ng iyong mga problema. Hindi dapat maging problema ang pag-ibig. Ang pag-ibig ang dapat na nagdudulot sa’yo ng saya at hindi kasawian, pero bakit parang hindi tayo ganoon? Bakit parang ang pagsasama natin pa ang bagay na nakakasira sa’tin? Bakit hindi na ako natutuwa sa pag-iibigan natin? Pag-ibig pa ba ang tawag dito o nag-iba na siya ng anyo? Ang dati nating pagmamahal ang bagay na tuluyang dumurog sa puso ko. Hindi na ‘to pagmamahal, kaya ako bumitaw.
Pasensya na at iniwan kita dahil unti-unti nang umiiba ang tingin ko sa pag-ibig. Napapaisip ako kung totoo nga bang ang tunay na pag-ibig lang ang magdadala ng kasiyahan sa buhay ng isang tao. Nababaluktot na ang pagtingin ko sa pag-ibig at napapaniwala ako na imbis na saya ang dala nito, ang dala niya ay hapis at sakit. Hindi na kasi tayo tumutugma sa tunay na kahulugan ng pag-ibig. Kaya ako bumitaw. Dahil kung hindi ako bumitaw dito, hindi ko na ata kakayaning magmahal muli. Kung kumapit pa ako kahit na ngalay na ngalay na ang munti kong braso, mapapaniwala ako na sugat lang ang mauuwi ko sa pagmamahal sa isang tao. Madudumihan ang dati kong pagtingin sa pag-ibig at hindi na ako maniniwala sa mga sabi sabi ukol dito.
Ayoko rin sana maapektuhan ang tingin ko sa’yo. Sa ngayon naaalala ko pa kung paano tayo nagsimula. Kung paano ako nahulog sa kalaliman ng iyong mga mata. Kung paano mo ako lagi pinapasaya. Pero sigurado ako na kapag pinagpatuloy ko lang ang ginagawa na’tin ngayon, matatakpan ng madilim nating kasalukuyan ang maaliwas nating nakaraan. Hindi ko na maalala ang ngiti mong nakakatunaw, ang tawa mong nakakahawa at ang puso mong napakataba. Maalala kita bilang ang taong nagdala ng hapdi sa puso ko. Maalala ko ang mga pagkakamali natin. Maalala ko ang mga pagkukulang mo. Maaalala kita bilang ang taong sumira sa napakagandang tingin ko sa pag-ibig. At ayokong makalimutan ang kagandahan ng iyong loob dahil sa mga sunod-sunod nating mga pagkakamali ngayon.
Eto ang dahilan kung bakit ako bumitaw, dahil nakakalimutan ko na ang saya na dati kong taglay at ang sigla na dati mong dinadala sa aking buhay. Bumitaw ako dahil gusto kong bumalik sa maganda nating simula, sa kung paano tayo nagkita at kung paano natin minahal nang lubusan ang isa’t isa. Kaya, mahal, bumitaw ka na rin. ‘Wag mo nang kapitan ang nasisira nating relasyon. Maghanap ka na ng ibang bagay, isang bagay na bago at maganda, na puwede mong kapitan. Kung gusto mo, sasamahan kita ulit. Kung gusto mo, kumapit ulit tayo at puwede tayong magsimula ulit. Kung gugustuhin natin, puwede tayo bumuo ng bagong kakapitan at sisiguraduhin kong hindi ko uulitin ang mga mali kong ginawa. Kung gugustuhin natin, puwede nating balikan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig na ito ang siyang magdadala ng tunay na kaligayahan sa ating buhay.
Kaya mahal, bitaw na, at sa pagbitaw mo, puwede pa tayong lumigaya at kumapit ulit.