Ang Love Story Nila: "Againts All Odds" (Kabuuan)
"Against all odds", yun malamang ang maaring mailalarawan ko sa pag-iibigan ng aking kaibigan. Itago na lang natin sa pangalang Janice (babae) at Emman (lalaki) ang mga tauhan. [parang Dear Charo lang ano? Pang Maalaala mo kaya ang intro] Syempre, mahirap na baka masabunutan pa ako kapag nabasa nila ito. Ganito ang istorya ng pag-iibigan nila.
Nasa 4th year high school sila pareho ng pinagtagpo ang kanikanilang mga landas. Si Janice ay nasa pangunahing seksyon at panghuli naman si Emman. Si Emman ay bagong salta sa kanilang paaralang pinapasukan, kick-out sa dating paaralan. Bad-boy, barumbado, maangas at hambog ang dating nito, mga katangiang si Janice ay dis-gusto, pero matangkad at gwapo sa babae ay panalo. Sa kabilang banda, si Janice naman ay isa sa mga estudyanting kilala, aktibo, at kasali sa mga listahan ng mga matatalino, na ayaw naman ni Emman sa mga ganito dahil boring daw umano ngunit inaamin nya, eto’y maganda kaya maraming nahahalumina.
Sa unang tagpo, ang isa't-isa'y parehong hindi nila gusto. Sa paglalarawan, silang dalawa'y magkakasalungat sa kinatatayuan; matalino vs. barumbado. Si Janice, ay ang tipo ng babaeng mahirap ligawan, at ang pakikipagrelasyon ay wala sa isipan, ito namang si Emman, sa babae’y pawang walang inuurungan lahat ng magaganda’y nililigawan. Dahil di kilala ang isa’t-isa, wala silang paki-alam kung magpang-abot man ang mga landas nila, sa canteen, sa pathway, o kahit saan pa. Pero nang minsa’y magtama ang mga paningin pawang sa mga mata’y may kislap ng mga bitwin na nagnining.
At nung intramurals na, dun na nagsimula ang istorya nila. Pareho silang aktibo sa usapang pang isports, si Emman sa basketbol si Janice naman ay sa balibol. Sa mga interschool competition, sa paaralan ay isa sila sa mga kinatawan. At dahil sa araw-araw sila’y nag-eensayo, at ang mga atleta halos lahat na ay nagkakasundo. Madalas na ang mga biruan at kulitan, at ang iba’y sa isa’t-isa’y nagkakahulugan.
Si Janice ay may angking yumi at ganda, kaya mga lalaki’y humahanga namang talaga. Maraming nagkakagusto kahit na mga nasa kolehiyo,at sa lahat ng mga nanligaw sa kanya ni isa wala pang sinagot ito. Medyo nahahamon itong si ginoo, kaya mukhang may pinaplanong mapasagot ito ng “Oo”. Sa kasamahan nya siya ay kumunsulta sa kasagsagan ng pag-eensayo nila. Nasa bench ng gym, abot tanaw niya si Janice na nagpapraktis.
“Ano kaya kung ligawan ko si Janice, tingin mo mapapasagot ko siya?”.
“Naku, wag mo ng asahan hindi mo mapapasagot yan,” sagot naman ng kaibigan.
Pero si Emman na siyang palaban at sa chicks ay walang inuurungan ay mas lalong pinagbuhayan.
Itong si Emman sa diskarte ay palaban, ang kaibigan ni Janice na si Clarice naman ang ginawang daan upang sa dalaga’y makalapit ng tuluyan.
“Clarice! Patulong naman, gusto ko sanang ligawan ang iyong kaibigan.”
“Ha? Si Janice? Naku hindi ko alam kung may maitutulong ako, pero sige susubukan ko,”
“Sige na naman oh, nagsusumamo ako.”
Pinagpaalam ni Clarice ang binabalak ni Emman na pangliligaw para sa kanya, at sadyang nakapagtataka dahil sumang-ayon siya. Kung manligaw nga naman itong si Emman, napakamasugid at walang patid. Lumipas ang mga araw at buwan silang dalawa’y unti-unting nagkakahulugan. Habang ang mga nakapaligid sa kanila ay nagmamasid, maraming mga mata at tenga ang nakatuon at tila lahat ay di sumasang-ayon.
“Ano bang nangyayari sa’yo? Ang dami naman dyang iba, bakit s’ya pa?”
“Ano bang nakita mo dyan sa lalaking yan?”
“Mabarkada, basagulero at higit sa lahat mabisyo?”
Kahit na ano-ano ang mga naririnig nyang reklamo at kumento. Pero si Janice ay kibit balikat sa mga naririnig at payo ng iba. Minsan pang napatawag siya ng kanilang prinsipal, at kina-usap ng masinsinan. Ito’y di nya maintindihan, kung bakit ganun, bakit ganyan lahat nakiki-alam. Iilang guro na rin ang sa kanila’y bumabatikos, bumababa daw ang kanilang mga marka sa eskwela.Si Emman, ay nanganganib baka daw hindi grumadweyt, at naglalaho na raw ang matataas na kuha sa mga pagsusulit komentaryo naman kay Janice. Dumaan ang mga buwan, ito’y kanilang pinaglabanan, hindi ininda ang mga sabi-sabi ng iba. At dahil dun, mas lalong tumapang si Emman, at ang pagtingin kay Janice ay kanyang pinaglaban at pinatunayan.
Nagsumikap sila lalo sa pag-aaral nila. Lalo na si Emman, ang dating basagulero at sa pag-aaral ay walang paki-alam, ay kitang-kita na siya’y nakatuon at nagpupursige na ngayon.
At nang lumipas ang apat na buwan, sa isang kaarawan ng pareho nilang kaibigan, sila’y nagkaroon ng panahon upang magkasarilinan.
“Janice, Alam mong hindi kita minamadali, alam mong handa akong mag-hintay sayo hanggang makapagtapos tayo at makapagkolehiyo, pero itatanong ko lang kung may pag-asa ba talaga ako?”.
“OO na? Anong oo na? Ibig sabihin ba nun ay tayo na?”.
“Oo Emman, Oo tayo na, sinasagot na kita!”
Sa sobrang galak si Janice ay kanyang inakap at sa mga kasama ay idiniklara ng may nag-uumapaw na saya. Ang katuwaang nadarama ay hindi maitago sa mga mukha nila isang kasiyahang tiyak na nakakahawa. Mga linya ng pag-iibigan ay nag-uunahan na mga bulalas galing sa bibig ni Emman.
“Janice, hindi mo lang alam kung gano mo’kong pinasaya dahil sa wakas napasagot na kita, Mahal na mahal kita.”
“Mahal na mahal rin kita Emman, sa unang pagkakataon ngayon ko lang ito naramdaman.”
Ang dalawa ay muling nag-akapan,tuwang nararamdaman ay walang pagsidlan. Kahit marami pa ang humadlang sa pag-iibigan ng aking mga kaibigan, isa lang ang kanilang pinatuyanan,
Bumagyo man at bumaha, hadlangan man ng langit at lupa, walang makakatigil at walang sinumang makakapigil sa dalawang pusong pinagbigkis ng pagmamahal na labis.”