Salat
ni Lawrence Ypil salin ni J. Daryl Alcantara
“Una mang magsiklab, salat ang pandamang huling nauupos: matapos tayong ipagkanulo ng ating mga mata, ang ating mga kamay ay mananatiling nananalig sa daigdig.” -Frederick Sachs
Tiyak na batid ito ni Tomas noong nagpaalam siyang salatin ang Panginoon damhin ang lalim ng pinagpakuan ang sugat sa pinagsibatan
Batid niyang itong liwanag, itong sipat ng buhok, bibig, mata ang unang lilipas kasunod ng alaala ng Kaniyang mga salita
hanggang ang tanging manatili ay ang malumanay na pakiramdam ng kanyang daliri sa pílas ng lamáng muling lalang
Bagaman sa kanyang mga kasama’y hangal siya at lapastangan sa paghiling ng katunayan, naturan pa ngang mapag-alinlangan,
ang totoo ay siya lámang ang nakadadalumat sa lalim ng kahulugan ng paniniwala.
Mayroong mga daluyong ng liwanag na hindi niya mamamataan, mga ugong na hindi niya mauulinigan
At ang pananalig, batid niya’y, wala sa paniniwalang mababatid natin yaong hindi naririnig at nakikita ng ating mata at tainga.
Ang ating mga palad, batid nila kung paano manalig— ang kapitan ka pabalik ng iyong kapit.















