Arkeolohiya
ni Eliza Victoria Salin sa Filipino ni J. Daryl Alcantara
Matapos hindi makuntento sa hilera ng mga katawan, paiinitin nila ang mga traktora at magsisimulang mĂĄgdurĂłg ng mga buto sa ilalim ng makinarya, magtitiklop nang magtitiklop hanggang mabura ang kanilang mga ngalan. Lilipas ang mga taon, tutuntunin ito ng mga dalubhasa nang nakaluhod at nakakamay nang makatagpo sila ng mga labĂng pinulbos at kinalat na tila paminggalan sa isang baryong wala na sa mapa. Titingala ang isa sa kanila sa nakalulunod na bughaw at mapapabulalas sa hangin, Masarap sigurong magsaranggola dito. Sa loob ng isa sa apat na raang sakong napuno nila ay ang batang minsang tumakbo rito, siyang pinasĂČ ng pisi ang mga daliring nagturo sa kaniya ng lugod ng pagpapaalpas. Tiyak ang pagpatak ng mga luha sa tuwing sinasala ang laman ng mga sako. Sa nakasisilaw na lamig ng mga laboratoryo, iisa ang rehistro ng bubog at bungo.
Isang ina ang pagkakalooban ng apat na piraso ng tadyang ng kaniyang anak, at ilang araw matapos ang libing, mamamataan siyang lumilibot sa pinagpatagan, at minsang yumuko para pumulot ng maliit na bato. Sagrado ang lugar na ito sa kaniya. Bawat butil ng lugar ay sagrado sa kaniya. Nang minsang magkabagyo, habang pinakakalma niya ang lawanit ng kaniyang bahay, mahihimasmasan siya ng hangin, kaya magmula noon gagalangin na niya ang bawat kapatagan. Sinong mag-aakalang ganito kalakas ang sampal ng langit? Sinong makapagtatakda ng hangganan ng pagbabago ng katawan? Titigilan na niya ang paninipa sa lupa sa tuwing magagalit at mababalisa. Sa mukha niya maiguguhit ang landas ng isang ligaw na manlalakbay sa isang lupaing walang ngalan, umaaninag sa mga balintataw, naghahanap, naghahanap. Baka anak ko rin ito, bulong niya sa sarili, kipkip ang maliit na bato sa kaniyang dibdib.















