November 3, 2017
Ilang gabi ko ng iniisip ang isang bagay na hindi ko alam kung ano. Para bang isang damdamin na hindi mo alam kung oo o hindi. Mahirap sagutin, mahirap disisyonan. Ilang beses ko na ring sinabi sa sarili ko na isulat ko ito, subukan kung ano ang lalabas sa utak kong hindi ko alam ang nilalaman. Kaya’t ito nagbabakasakaling malaman ko ang kasagutan. Ako’y tila nawawala na parati, kung saan ako pupunta, ano ba talagang gusto ko sa buhay, ano nga bang nag papasaya sa akin, meron pa ba akong dapat na gawin? Pilitin ang sariling gawin ang mga bagay na ayoko ngunit wala naman akong choice kundi sumunod dahil ito ang makakabuti para sa lahat.
Ako’y isang guro sa isang paaralan dito sa tabi-tabi. Ilang buwan na ba mula nung natanggap ko ang aking unang sahod, mag 3 na rin pala. Naka bili na ako ng laptop, damit at kung anu ano pang kailangan ko sa pagtuturo pero hindi parin ako masaya. Sabi ng mga co-teachers ko noong hindi pa ako sumasahod, baka mag bago yang nararamdaman mo once na natanggap mo na ang sahod mo, pero hindi eh, hindi parin ako masaya sa ginagawa ko. Badtrip! Ano bang mali sakin? Maraming nagkakandarapa na makapasok at makapwesto sa kinalalagyan ko ngayon, but what can I do and say, I’m just expressing what I truly feel inside. Hindi ako masaya.













