Pag nawala doon lang mami-miss
Kahapon pala (4/25/2020) sinugod ako dito sa kwarto ko ng childhood friend kong si jhairus ng walang pasabi sa akin. Lagi kasing sa labas muna yun ng bahay tatawag or imemessage ako kung may kailangan. Kaya nagulat at nawala ako sa focus ko kasi umupo sya sa tabi ko <hindi katulad ng upo na napapanood nyo sa mga romance drama> para manood sa kung anong ginagawa ko. Hindi ko na sya nakumusta kasi naunahan na nya ako ng tanong na, “Anong ginagawa mo?” At dahil di ko maexplain ng madali sa kanya yung ginagawa ko, kinuwento ko na lang yung pinaka ginagawa ko sa trabaho hanggang sa tuluyan ng nawala sa isip kong may trabaho akong tinatapos. Mahabang kwentuhan. Kumbaga sa pamamangka, ako ang sumasagwan para umusad ang bangka. Para di awkward. Pero yeah, tuluyang naubusan ako ng kwento at di naman awkward pero di ako makapagfocus sa pagpapatuloy ko sa trabaho ng may nanonood sa akin. At hanggang nakita nya yung gitara sa tabi ng working place ko. Sinipat sipat nya. Dahil magkasabay lang kaming lumaki at natutong tumugtog, comfortable akong ipagamit sa kanya yung mga personal kong gamit. Hanggang sa naisipan nyang hiramin. At iyon na nga, di ko naman magagawang pagdamutan yun kaya ako pa nag-insist na sige dalhin nya na sa kanila, para matapos na rin ako sa ginagawa ko kasi inabot na ng gabi.
So andito na ako sa moment na to. Napapalingon sa pwestong kinalalagyan dati nung gitara. Wala dun yung gitara. Dama ko na gusto ko ulit magkwento sa pamamagitan ng pagkanta. Gusto kong tumugtog at kumilansing ng gitara. Gusto kong makarinig ng tunog ng gitarang magtatago sa sumasabay kong pangit na mahinang boses. Parang nakukulangan ako ngayong araw dahil di ako nakapaggitara. Hinahanap ko yung pakiramdam nya sa mga kamay ko. Yung higpit ng hawak at yakap ko. Yung lungkot na kinukwento ko habang marahang pinapadausdos itong mga daliri ko sa mga kwerdas. Kakaiba sa pakiramdam, yung satisfaction at pleasure ng tunog na parang nauunawaan ako ng gitara. Namimiss ko na yung gitara ko. Isauli mo na Jhai yung gitara ko.
















