REGULATORI
Bilang isang estudyante, responsibilidad mong gumawa ng takdang-aralin, sa ayaw mo man o gusto. Paano ka maglalakad patungo sa diploma mo kung hindi mo gagawin ang pinapagawa sayo? Sa lahat ng takdang-aralin, binibigyan ka ng panuto kung paano ang dapat gawin. Sabi nga sa kanta ni Toni G., “Kapag nagbigay ng homework, wala ka ng magagawa kundi sundin ito.”
Ang pagkontrol o paggabay sa kilos o asal ng ibang tao ay tungkuling regulatori. Ibig sabihin, ito ang pagsasabi kung ano ang dapat o hindi dapat gawin. Halos sa lahat ng gawain, may mga binibigay na panuto. Katulad ng simpleng utos ng nanay mo na maglinis ng bahay, dapat makintab ang sahig; magsaing ng bigas, dapat hindi sunog. Kapag tatawid ka ng kalsada, may nakapaskil na “Bawal tumawid, nakamamatay.” Sabi ng kapitan ng barangay niyo itali mo ang aso mo kung ayaw mong katayin niya at ipangpulutan. Sa mga simpleng utos na yan umiikot ang ating pamumuhay. Ito ang humuhubog sa kalidad ng ating kapaligiran.














