Katangiang Dapat Taglay Ng Bawat Mag-aaral Ng National University
Bawat paaralan sa iba’t-ibang dako ng mundo ay mayroong core values na dapat gampanan ng mga estudyante. Ang core values ay tumutukoy sa mga prinsipyo na gumagabay sa pagkilos at pag-uugali na maaring makatulong sa mga mag-aaral upang malaman kung ano ang tama at mali. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng kaayusan sa buong eskuwelahan at magandang samahan sa pagitan ng mga guro, mag-aaral at administrasyon.
Sa National University kung saan ako ay nag-aaral ay mayroong walong core values. Dito nakikita ang disiplina at tunay na responsableng Nationalian pati na rin ang pagiging isang totoong mamamayan sa labas ng paaralan. Mahalaga ang mga ito sapagkat hinuhubog nito kung ano ang magiging ikaw sa pagdating ng panahon at may kaakibat ito na pangaral tungo sa ikabubuti ng bawat isa. Ang mga core values na pinapaigting ng institusyon ay ang mga sumusunod:
Patriotism. Ito ang isa sa pinakamahalagang katangian na tumutukoy sa pagmamahal sa sariling bayan na hindi matutumbasan ng anumang bagay. Nakikita ito sa mga Pilipino na nagpapakita ng respeto sa kapwa tao at taos-pusong tinatangkilik ang mga bagay na nakapaligid sa kanila. Pagkamakabayan ang isa sa nararapat na pangunahing ugali ng mamamayan dahil dito nagbubunga ang mga magagandang bagay. Bilang estudyante magagampanan ko ito sa larangang accountancy na aking napili sa pamamagitan nang pag-aaral nang mabuti, pagsunod sa aking mga guro, pagpasa ng mga kinakailangan at paghangad ng matataas na grado upang pagdating ng panahon magiging matagumpay ako sa larangan na aking napili at magkakaroon ako ng pagkakataon na ako naman ang tutulong sa mga taong kapos palad at nahihirapan sa buhay.
Resiliency. Ang katangian naman na ito ay ang pagkakaroon ng positibo na pamamaraan ng pamumuhay at pag-iisip ng mga bagay-bagay. Ito ay tumutukoy sa abilidad ng indibidwal sa pagharap ng bawat hamon na ating mararanasan sa buhay. Sa mga pagsubok na dumaraan, kinakailangan ang pagiging matatag dahil dito masusukat ang katangian na ito. Natututunan at nadedevelop ang pagiging resilient sa tuwing ang tao ay nakakaranas ng matinding problema. Ito ay dapat itinuturing na proseso at hindi ugali na dapat ay mayroon na tayo dahil dito tayo mas matututong bumangon at harapin ang bukas. Bilang isang kolehiyala na mayroong mahirap na kurso, pinag-aaralan ko talaga ang bagay na ito dahil sa pamamagitan nito, makakakuha ako ng lakas at pag-asa nang dumating man ako sa punto na hirap na hirap na sa pag-aaral, maiisipan kong huwag sumuko at sumubok muli.
Integrity. Ito naman ay tumutukoy sa pinakamataas na anyo ng katapatan. Isa rin ito sa pinakamahalagang pag-uugali na mayroon dapat ang bawat isa dahil dito masusukat kung gaano katapat ang isang tao sa kanyang kapwa. Hindi lang dapat ito ginagamit sa paaralan kundi maging sa labas ng paaralan sapagkat ito ang dangal at kabuuan mo bilang isang tao. Kapag ang isang tao ay gumawa ng isang bagay, hindi lang ang sarili niya ang niloloko niya pati na rin ang iba. Pinaniniwalaan na marumi ang budhi kapag ang bagay na iyong nagawa ay labag sa batas. Ako na laging pumapasok at halos araw-araw mayroong pagsusulit, sinisigurado ko na nakapag-aral ako para alam ko ang mga isasagot ko sa mga tanong at maiwasang magkasala. Sa mga maliliit na bagay maaari ko nang magampanan ang pagkakaroon ng integridad.
Prosperity. Ang pang-apat ay kaginhawaan, kapayapaan, kasaganaan at kayamanan. Napakaswerte at napakasarap ng buhay ng isang tao kung mayroon siya nito. Ako na nabibilang sa kursong accountancy na nasa isang kilalang institusyon, magagampanan ko ito kapag ako ay nakatapos na at naging matagumpay na sa buhay. Kapag ito ay nangyari na, magkakaroon ako nang maginhawa, mapayapa, masagana at masayang buhay kaya bilang estudyante, gagawin ko ang parte ko upang makamit ang pangarap na aking inaasam.
Respect. Ang panglima ay respeto na siyang dapat ginagawa ng bawat isa saan mang lupalop ng mundo. Ito ay napakahalagang salita na kadalasan ay ginagamit sa mga nakatatanda at sa ibang taong nakapaligid sa atin. Ako ngayon ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo sa larangan ng accountancy. Ang respeto ay hindi ko lamang ginagamit sa aking mga guro kundi pati na rin sa aking mga kaklase at sa lahat ng tao na nakikita o nasasalubong ko. Ang paniniwala ko ukol sa katangian na ito ay dapat sa sarili na muna natin magsimula upang makamtan natin ang respeto ng iba.
Innovation. Ito naman ay tumutukoy sa paglikha ng bagong ideya sa pamamagitan ng malikhaing imahinasyon na nagreresulta sa makabagong kaalaman na maaaring maiambag sa pamayanan na siyang ika-uunlad ng bawat isa at ng bansa. Sa pamamagitan ng matinding pag-iisip, pagkalap ng impormasyon at pagsasagawa ng pinal na output patungkol sa isang paksa, magagampanan ko ito kahit na ako ay isang hamak na mag-aaral pa lamang.
Compassion. Ang pangpito ay tumutukoy sa malalim na kamalayan at simpatya sa paghihirap ng iba. Ito ay makataong pag-intindi sa kalungkutan, kahirapan at kapighatian ng ibang tao at ang kagustuhan mong makatulong sa pasanin na kanilang dinadala sa buhay. Bilang isa sa may mahirap na pinag-aaralan, pinapakita ko ang pakikiramay ko sa iba sa pamamagitan nang pagtulong. Halimbawa na lamang sa aking kaibigan, sa tuwing may problema siya sa mga aralin namin sa klase, bukas-palad ko siyang binibigyan nang tulong sa paraan na ipa-iintindi ko sa kanya haggang sa malaman na niya. Sa mga simpleng bagay nalalaman at natututunan natin ang mga bagay-bagay at mas nahuhubog pa tayo bilang isang epektibong mag-aaral.
Excellence. Ang pinakahuli sa core values ay ang pagkakaroon ng husay. Hindi lang ito dapat sa mga extra-curricular kundi pati na rin sa akademya. Sa kahusayan nahuhubog ang bawat indibidwal at dahil dito nagiging matagumpay ang lahat. Isa ito sa pinahahalagahan ng institusyon at dahil dito hinahasa ang galing ng mga mag-aaral upang ang kalidad ng edukasyon sa unibersidad ay mapataas. Bilang isa sa nasasama sa proseso nang pagsasanay, nagsisikap na ako ngayon pa lang upang lubos kong maintindihan ang napili kong kurso dahil alam ko pagdating ng panahon dito sa napili ko ring larangan ako aasenso at magiging matagumpay.
Masasabi kong malaki talaga ang naitutulong ng pagkakaroon ng core values sa bawat unibersidad dahil natuturuan ang mga estudyante at mas napupunta sila sa tamang daan kung saan ikatatagumpay nila sa pagdating ng tamang panahon. Ito ang gumaganang gabay sa ating mga mag-aaral at mainam na solusyon sa katuparan ng ating mga pangarap.
















