Biguin Ang Atake sa Demokratikong Karapatan #NeverAgain #NeverForget
Sa ika-49 na anibersaryo ng Martial Law, nakikiisa ang Muni-Muni sa libo-libong biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng diktaturyang Marcos. Ang araw na ito ay hindi lamang simpleng pag-alala kung hindi bangungot na maituturing para sa mga Pilipino na sumailalim sa rehimeng pinamumunuan ng isang diktador.
Sa henerasyong kinalalagyan natin, dapat natin panghawakan ang lagim na naidulot ng 20-taong diktatoryal ni Marcos upang hindi maibaon sa limot ang isa sa pinakamasalimuot na yugto sa ating kasaysayan. Hinding-hindi natin pwedeng kalimutan na lamang ang kawalan ng kalayaan, libo-libong biktima ng pagpapahirap, at kamatayan ang naganap noong panahon ni Marcos. Maging ang mga kabataan ay hindi nakaligtas sa kalupitang ipinaranas ng batas militar. At hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin tapos ang rebolusyong ito. Lalo na’t sa kasalukuyang administrasyon, nangangamba na naman ang demokrasyong ipinaglaban noong panahon ng Martial Law. Nakakagalit dahil ang problemang kinakaharap noon ay ‘yon at iyon pa rin hanggang ngayon. Muling nagbabalik ang mga mamamayan sa karahasan at lagim ng nakaraan.
Tama na ang diktadurya,
Tama na ang kasakiman,
Tama na ang mapagsiil at mapang-abusong sistema.
Kalayaan mula sa kagutuman.
Kalayaan mula sa kahirapan.
Kalayaan mula sa mapang-aping sistema.
Kalayaan mula sa kawalang-katarungan.
Kaya, ang araw na ito ay nagsisilbing paalala na hindi dapat natin hayaang manatili sa kapangyarihan ang mga tulad ni Marcos at Duterte
Ang tao, ang bayan - kasama ang mga mamamahayag at pahayagan - ay patuloy na maninindigan para sa isang demokratikong bansa na malayo sa korapsyon, pasismo at panunupil. Hindi na natin hahayaang maulit ang madilim na kasaysayan!














