Walang emosyon
Makulimlim na naman. Pati panahon nakikiramay na ata sa nararamdaman ko. Yung totoo ano nga ba ang dahilan bakit ganito ang nararamdaman ko? Pero sandali nga muna. Ano nga ba ang nararamdaman ko? Mukha mang kabaliwan pero hindi ko rin alam ang nararamdaman ko. Marami na nagsasabi na bakit ang tahimik ko daw, bakit ang seryoso ko, bakit ganito, bakit ganyan? Isa lang ang tanong ko sa kanila pabalik “Bakit nga ba?” Pinaka mahirap sa lahat ung may natatanong sayo ng isang bagay na hindi mo alam kung ano ba ang dapat mong isagot. Minsan naman may maisasagot ka nga pero hindi mo alam kung maiintindihan ka naman nila. Hindi naman sa naghahangad ka ng atensiyon pero wala namang masama na maghangad na kung hindi man nila maintindihan ang nararamdaman mo, intindihin man lang nila ang lagay mo. Mahirap yung napakaraming laman ng isip mo, ang dami mong gustong sabihin, ang dami mong napapansin, ang dami mong kwento na gusto mong may mapagsabihan man lang. Yung tipong nandun yung galak na may mapagsasabihan ka, makkwentuhan ka at makikinig sa lahat ng laman ng isip mo. Pero sa panahon na gustung-gusto mo magsalita saka naman wala ang lahat at kung kailan wala ka naman ng masasabi saka magdadatingan ang lahat para magtanong ng, “Ano na? Magsabi ka naman!” Di mo alam kung pagkakataon o sadyang ganun pero pagkakataon pa rin ba kung paulit ulit na lang na ganun.? Sa dami ng naiisip ko at sa dami ng mga nais kong sabihin kahit isa wala man lang handang makarinig sa mga sasabihin ko. Napakagulo ng isip ko at ginawa ko ito para man lang mabawasan ang nararamdaman ko kasi hindi ko rin alam pero ang pakiramdam ko wala. Walang wala.

















