Note: Hi! This piece does not necessarily reflect my personal feelings nor situation. Again, this is just a persona. I just felt the need to write this piece. Thank you!
“Sigurado kang ayaw mong kumain? Kumain ka na ba kan—”
“Hindi yun. Ayoko na talaga.”
Sa ganoong paraan mo ako lang binitiwan. Sa ganoong paraan mo sinabi yung dalawang salita na tatatak sa akin.
Pagkatapos ng lahat ng ating pinagdaanan. Hindi mo ba naalala? Nung panahong wala kang matakbuhan, wala kang mapagbalingan ng problema— ako, ako ang nakinig sa mga salitang hindi mo mabigkas, mga hikbi at luha mo na tumatarak din sa akin.
Hindi mo ba naiisip yung mga panahong halos hindi ka makalakad sa sakit ng iyong puson? Halos umiyak at mamaluktot ka na sa daan para lang maihakbang ang iyong mga paa, isa dalawa tatlo... Ilang hakbang lamang at hindi mo na maingat ang iyong kanang paa, hindi ka na makayapak sa lupa. Iniangat kita at pinasan. Pinasan kaysa makita kang namimilipit, naiimpit ang mga luha mo— pinipigilan na tumulo ang mga ito. Ngunit, ang luha ko naman ang paniguradong tutulo kung makikita kang nahihirapan bagama’t hindi mo ito ginusto.
Yung mga araw na naglakad tayo sa kalsada, saksi ang buwan at mga bituin ng ating mga pangarap, takot, hinanakit, pagaalala. Saksi ang mga bato, puno, dahon, jeep, mga pasahero sa ating tawanan. Saksi ang langit sa pagtatagpo ng dalawa nating palad. Nakalimutan mo na ba?
Ganun lang ba talagang kadali sa’yo?
Hindi man lang ba tumatak sa’yo ang mga salitang namutawi sa labi ko. Ang mga salitang “hinding hindi kita iiwan” kahit kailan. Hindi man lang ba sumagi sa isip mo ang mga pangarap na nais nating abutin, paonti-unti. Mga bansang pupuntahan, mga dagat na lalanguyan, mga bundok na ating aakyatin, kalsada pang patuloy na tatahakin. Mahal, hindi mo man lang ba naisip?
Ganun lang ba talagang kadaling lumisan?
Lumisan na parang bang hindi ito lahat nangyari. Lumisan na parang isa lamang akong antigo na may halaga lamang dahil nagagamit ngunit bagama’t mahalaga ay naluluma parin, naluluma at nawawalan na ng pakinabang. Lumisan na para lamang akong pusa na kailangan iligaw, na kailangan takpan ang mata para di matandaan ang daan— para hindi na makabalik.
Mahal, ganun lang ba? Ganun lang ba ang tingin mo sa akin?
Tingin mo ba’y ganun lang kadali na tanggapin kang muli ngayon na ikaw ay bumabalik?
Hindi mo man lang ba naisip kung ano ang sakit na iyong idinulot sa akin. Na ang paglisan mo ay katumbas din ng paglisan ng mga ngiting minsan nang nagawa ng aking labi, ang paglisan mo ay katumbas din ng paglabo ng kislap sa aking mata, katumbas ng pagtapon sa lahat ng aking isinugal, mga pangarap ko na kasama ka.
Hindi mo man lang ba naisip kung ilang gabi akong hindi nakatulog, katabi ang basang basa na unan. Ang unan na saksi sa lahat ng kirot at hapdi at pait na aking nararamdaman. Sumagi ba ni minsan sa iyong isip na mas masaya ako kapag tulog, dahil doon ko lamang nararanasan na wala akong naiisip na problema, hindi ko naalala ang ating pagsasama, napapawi ka sa aking memorya.
Putangina naman. Mahal, ganun lamang bang kadali sa iyo?
Lumisan na para bang hindi ito lahat nangyari.
At ngayo’y bumabalik na para bang walang nangyari.