Hindi nila naiintindihan na kaya ako pumunta sainyo kasi gusto ko lang tuparin yung deal natin; na yun na yung huling beses nagagawa ako ng bagay na para sayo kasi tanggap ko naman na lahat. Tanggap ko na wala nang katuloy yung kwento natin. Tanggap ko na na hindi ka pa handa at naiintindihan ko na yun at ngayon humihiling na ako ng panibagong simula, yung simula na hindi ka kasama sa bagong kwento.
Oo nga pala. Hindi ko pa nasasabi say’o na tapos na ako sa stage na “umaasa pa rin.” Kasi hindi na ako umaasa na may maibabalik pa sa kwento natin. Tapos na ako dun. Sa ngayon, nandun ako sa stage na tinatanggal na kita sa sistema ko. Sobra kasi akong nasanay na nandiyan ka. Kapag hihiga ako sa kama at ipipikit ang mga mata ko, ikaw agad ang unang pumapasok sa isip ko. Naaalala ko kasi yung mga pag-uusap natin at mga kulitan natin. Tapos bubuksan ko yung mga mata ko para ma-realize ko na, wala na nga pala kaya pipilitin ko na lang yung sarili kong matulog para wala akong maramdaman.
Ganun katindi yung epekto mo sakin. Lahat ng ginagawa ko, ikaw yung naaalala ko. Baka ilang beses mo nang nakakagat yung dila mo kasi oras-oras kitang naiisip. Naiinis na nga ako sa sarili ko minsan.
Pero kahit ganun pa man, alam kong matatapos ko rin ‘tong stage na ‘to. Dadating din yung araw na gigising ako at hindi na ikaw yung dahilan ng paggising kong iyon.













