Isang araw nanaman ang lumipas
Pauwi na ang ina bitbit ang pinagpaguran ng lagpas otso oras
Sa likod ng pag-ani ay ang pagtalikod sa dapat na pantay na pagtrato
Pero payag na din kesa mawalan ng trabaho
Hinde pantay ang hatian kaya siya lang ang nakalangoy sa paraiso
Bitbit ang ngiti na ala-sindikato
"Pasalamat ka may trabaho ka!" Sabi ni amo
"Yung iba namamalimos halos mamatay na sa gutom. Habang ikaw may inuuwi sa mga anak mo!" Talim ng kanyang salita na bumaon sa ina kaya pikit mata habang bitbit ang walis at pandakot
Sa munting tahanan binilin ang ihahanda sa hapag-kainan
Yung bigas na pang-mahirap at sardinas na pang mayaman
Sa bawat hiwa ng sibuyas naalala ang yakap ng asawa na ngayon ay yumayakap na sa ibang may asawa din
Facemask na ilang ulit ginamit
Hinde mapalitan dahil kukulangin ang butil na ihahain sa kumakalam na sikmura
Facemask sa umaasang proteksyon
Na hinde madadala sa loob ng bahay na pugon
Hinde pwedeng magkasakit ang mahirap
Pang mayaman lang ang sakit
Pang mayaman lang ang facemask na bago at hinde inuulit
"Saan ako tatakbo?" wari ng Ina
"Yung mga lumalaban ay may maganda din naman buhay. At wala din naman kasiguraduhang may magbabago" sabi ni Ina "Kaya sino ang aasahan ko kung hinde ako dahil ako lang ang nakakaintinde sa sarili kong paghihirap"
Mga salitang narinig ng anak
Na may hawak na drogang pang-limot sa realidad na hinaharap
Ang facemask ng anak ay facemask din ng Ina
Hiniram dahil sasaglit lang sa kabilang kalsada
Lumipas ang lagpas otso oras
Anak ay hinde na nagpakita
Ang ina nanghiram muna ng facemask sa kapitbahay para makalabas
Mailap pero lakad pa din na walang kapaguran
Hanggang makita ang kumpulan sa pangalawang eskinita
Doon napaluhod na lamang ang Ina sa kanyang nakita
May dalawang butas ng bala sa ulo
Nakatitig na lamang sa buhay na winakasan
Suot ang facemask ng Ina sa putikan