Paano?
Madaling araw, nagising ako. Laging ganito. Nagising ako na malungkot. Na mabigat ang pakiramdam. Na nasasaktan. Dahil sa'yo. Dahil pa rin sa'yo. Bakit dahil pa rin sa'yo? Paano? Paano ba ako makakalaya sa hawak mo? Sa alala mo? Kasi masakit na. Sobrang sakit na. Halos hindi ko na kaya. Hindi ko na kayang magkunwaring matapang pa sa harap ng mga kaibigan at pamilya ko, na hindi ko man lang masabihan ng mga nararamdaman ko. Bakit hindi? Alam mo naman kung bakit. Dahil ikaw lang. Dahil sa'yo lang. Ikaw lang ang nasasabihan ko ng mga hinaing at bumabagabag sa'kin.
Ang hirap. Sobrang hirap. Gusto kong umiyak ng umiyak pero hindi ko magawa. Ayokong aminin na mahina ako. Na marupok ako pagdating sa'yo. Na hindi ako makahinga sa tuwing iisipin ko na hindi na ako ang laging kasa-kasama mo. Na sa loob ng halos sampung tao, ikaw lang ang nagmamay-ari ng puso ko, pero dinurog durog mo na daig pa ang pamintang pinapabili ni Mommy sa kapatid ko. Paano? Paano ba ito? Madaling araw na pero gising na gising ako. Sakit na sakit ang puso ko. Sampung taon, akalain mo. Pero parang wala lang sa'yo.
Minsan natutulala nalang ako, eh. Minsan bigla nalang babalik sa'kin lahat ng magagandang alaala ng mga alis natin. Nang mga lakad natin. Saklap. Yung madaming madaming mga litrato, ano na gagawin ko? Buburahin ko ba? Yung mga naka-print pa, pupunitin ko na ba? Susunugin ko na ba? Kapag ginawa ko lahat ‘yan, kasama bang mabubura yung kirot na nararamdaman ko? Sana ganun. Sana ganun kadali lahat. Pero alam mong hindi. Alam kong hindi. Alam ng nakararami na hindi. Burahin ko man lahat, punitin, at sunugin, ano'ng gagawin ko sa mga alaala na nasa puso ko, na nasa utak ko? Sabihin mo sana sa'kin, paano?
Ang sabi mo, bigyan ka ng oras? Nang kaunti pang panahon? Ang hinihingi mo buwan. Ilang buwan? Madaming buwan. Para saan? Para kanino? Kung ako lang, ako lang dapat. Kasi ako, ikaw lang. Ikaw at ikaw lang. Na alam na alam mo kaya siguro, nagaganito mo ako. Kasalanan ko din naman. Hinayaan kita na gawin ito. Kaya ayan. Ako din ang talo. Pero sana sabihan mo ako na tama na. Na wala na. Na tigilan na natin. Tigilan na natin. Iyong totoo na. Hindi puro sabi sabi lang natin. Iyong puputulin na din natin lahat. Iyong hindi na din ako makikipag-usap sa pamilya mo. Iyong parang walang tayo, kahit halos sampung taon na. Tang ina… Sampung taon na pala. Paano na ito? Ganun ganun nalang ba talaga tayo?
Pagod na'ko. Matagal na'kong pagod. Sa totoo lang. Kinakaya ko lang lahat, tinitiis ko lang lahat, para sa'yo. Para sa'kin. Para sa'tin. Pero wagas, eh! Ako nalang pala mag-isa. Pero ikaw, may iba na. May iba na naman. Hindi naman na bago iyon. Kaya nga mas masakit. Kasi paulit-ulit. Ako ba problema? Parehas tayo, sa tingin ko. Ang gusto ko ikaw lang, ang gusto mo, iba iba. Pero ayaw mong mapunta ako sa iba. Ang galing! Napakadamot. Paano naman ako? Paano naman ako magiging masaya? Binitawan mo ako, binibitawan mo ako, pero ayaw mong may makasalo? Ayaw mong may kaagaw? Saan ako pupunta? Nasa ere lang? Paano? Paano ako lalapag? Kung ayaw mong may ibang hahatak sa kamay ko… Na ayaw mo namang ingatan kahit na alam mong sa'yo lang gustong kumapit nito. Paano? Paano ba ako makakawala sa'yo kung ako mismo, hirap na bumitiw sa'yo.
Nawawala ako. Hindi ko mahanap ang sarili ko. Sana isauli mo na ang puso ko. Kasi baka hindi na makayanan ang sobrang sakit at dalamhati na ito.
Nawawala ako. Sana naman, may makahanap na sa nawawalang ako.









