Isa sa pinakamabigat at malaking bahagi ng kulturang popular ngayon ang internet.
Madalas mapagalitan ang kontemporaryong kabataan dahil sa pagbababad sa kompyuter o sa cellphone. Oo, hindi maganda ang sobra sobrang paggamit ng mga ito, ngunit, ano nga ba ang nangyayari kapag ang isang bata, o isang taong kahit ano mang gulang ay nagbababad sa internet? Hindi lang naman puro laro, pornograpya, at walang kuwentang pang ubos ng oras ang nasa internet.
Tingnan natin ang ilang aspekto sa lahat ng pwedeng gawin ng mga teknolohiyang ito, ng internet.
Una sa lahat, ang kalakihan ng lahat ng impormasyon at kaalamang maaring makuha sa isang pindot. Lahat, o malapit sa lahat ng kaalamang bukas sa lahat ay maaring makita rito. Masama ang reputasyon ng wikipedia sa paaralan, ngunit pag tayo'y umapak palikod, at tiningnan ito nang ang mata'y bago, makikita natin kung ano talaga ito. Ito'y impormasyon. Ito'y kaalaman. Tungkol sa sobra sobrang daming bagay. Libre. Walang kapalit. Walang kahit ano mang masamang kalabasan.
Kung tapos mo ng basahin ang milyon milyong pahina, o nainip ka na rito, may libo libong mga website na may mga libreng libro. Hindi ka mahilig sa agham, o wala kang interes sa mga pahina ng wikipedia o kahit ano man, ito parin ay pwedeng isang malaking aklatan. Libro, nobela, tula, dula. Kahit ano. Hindi lang rin libro. Mga pelikula, mga kanta, mga sining at mga litrato.
Kung gusto mong magsulat ng sarili mong nobela, aba, bakit hindi? May mga lugar na pwedeng ibahagi ang iyong mga kasulatan, at babasahin ito ng mga tao: hindi dahil kilala ko, o binabayaran sila, dahil gusto nila. Gagawin mo rin ito ng walang bayad, ng walang kapalit.
Hindi ka mahilig magsulat? Ano nga ba ang hilig mong gawin? Kahit anong napakaibang bagay pa ito, mayroong lugar sa internet na puwede mong ipahayag ang sarili mo. Mayroong taong makikinig, manunood, makikidamdam sa iyo. Kahit gano pa ka kakaiba ang iyong kagustuhan, sa laki at sa lawak ng internet, may makikilala ka ring gusto iyon.
Kahit ang mga taong ito pa ay nasa kabilang parte ng mundo, wala pang isang segundo, kausap mo na sila. Ang lugar na nasa kapiligiran nila: Alemanya, Pranses, Inglatera, kung ano man. Kahit hindi mo ito kayang puntahan, kahit sa panaginip mo lang ito malalakad, sa internet, kaya mo pa rin itong bisitahin.
Ano pa ba? Marami pa. Hindi pa nagtatapos roon. At hindi rin magtatapos kahit kailan, dahil napaka rami ng puwedeng gawin.
Kaya, pasensya na po, lolo, lola, tito, tita. Opo, nagbababad na naman ako sa internet. Pero mas malalim doon ang tunay na ginagawa ko.
At dahil dito, dahil sa walang hangganang dugtong-dugtungan na dinadala ng internet, nagiging impluwensiyal ito sa pagaanyo ng kulturang popular.