Isla del Fuego
Salogdoong Beach Resort | Siquijor
Ang larawan na ito ay aking ini-screenshot sa GoPro video noong huli naming paglalakbay ng aking pamilya (kaya’t mababa lamang ang kalidad ng nakuhang larawan). Mula pa noong Hulyo 20, 2019 sa Salagdoong Beach Resort sa Maria, Siquijor, kasama ko ang aking pamilya sa panandalian naming pag-uwi sa aming probinsya sa Negros Oriental. Matagal na panahon na rin ang nakalipas mula pa noong huli akong nakabalik sa isla ng Siquijor, at dahil sa karanasan ko dito ay nakaramdam ako ng nakakarelaks na kaligayahan nang nakipag-usap ako sa aking mga pinsan ko sa tagal naming di nagkikita. Nakakain na rin ako sa wakas ng aking mga paboritong espesyal na lutuing bisaya na niluto ng aking mga tiya, at ang mga kapatid ko naman ay nakipagusap at nakipag-laro ng basketbol kasama ang aming tiyo sa may dalampasigan. Ang lugar ng Siquijor ay maaari kong ilarawan bilang misteryong paraiso, sapagkat alam naman natin na kinikilala rin ang “Isla del Fuego” sa karamihan bilang lugar ng engkantadong isla dahil sa kuro-kuro ng mga tao dito, ngunit di naman daw iyon totoo ika-nga ng ama kong lumaki sa islang ito. Dito sa Siquijor ay mailalarawan nga nating misteryoso ngunit may ibang positibo at magagandang bagay naman ang tunay na nakaukit sa likod nito. Bukod sa maraming mga turista at dayuhan na pumupuno sa resort naming ito, kilala din ang Siquijor bilang “Magical Island of the Philippines” ‘di lang dahil sa mga mahiwagang pamahiin pero dahil sa nakaaakit nitong ganda at nagbabaga nitong kalinisan at kadalisayan. Ang maliit na bayan namin sa Isla ng Siquijor ay para ko na ring ikalawang tahanan sa halip na ako ay pinalaki sa Maynila, ngunit kung di pa kayo nakakabisita sa lugar na ito, sulit ang hinihintay niyong bakasyon dito. Aira A. Maglinao











