Sana may pagkakataon pa.
Sana pwede pa. Kahit isang beses na lang. Kahit sa huling pagkakataon. Hayaan mong mahalin kita ulit.
Katulad ng una tayong nagkita kung saan malugod mong pinakilala ang iyong sarili sa harap ng madla na kahit wala kang ideya kung sino 'ung mga nasa harapan mo, gusto kong malaman mo na nabihag mo agad ang puso ko. Mula sa unang pagbigkas mo ng mga letra, sa hindi malamang dahilan bigla na lang ako napasabi na "ikaw, ang gusto kong makasama balang araw" Hindi ko lang alam kung bakit o kung anong sagot sa tanong na 'yan pero ang tanging alam ko lang ay mahal na kita simula pa lang.
Katulad ng unang nagkatagpo ang ating mga mata kahit madaming tao ang nakapaligid sa'ting dalawa. Kahit 'di kita lubusang kilala at wala akong alam sa'yong kaluluwa sa hindi malamang dahilan natagpuan ka ng mga matang ito na naghahanap ng totoo. Medyo may ilang pa at 'di maipaliwanag ang kilig, kaya sinubukan kong ilihis ang aking pagtingin na baka siguro ay nagkataon lang na napatingin ka din sakin. Ngunit sa pangalawang paglingon ko ay muli kitang nakita at bigla mo akong binigyan ng matamis na ngiti na siyang nagpaibig ng tuluyan sa'kin.
Katulad ng una mong pagyakap sa'kin at paghawak sa aking kamay na tila ba ayaw mo nang bumitaw. Sa init ng yakap mo na sayo lang nakatagpo ng pahinga at sayo lang nakahinga. Hindi ko maipaliwanag ngunit isa lang ang gusto kong maging hiling sa oras na iyun na sana saiyo na ako tumira, ang tahanan na matagal ng hinahanap ng puso ko. Alam ko medyo maaga pa para magbitaw ng mga ganitong salita pero ayoko na muling mahuli at makalimot.
Katulad ng unang halik ko sa'yo sa ilalim ng mga bituin matapos madaanan natin ang mga nagvivideoke kinakanta ang mga madalas kong patugtugin na nagpapapaalala sa'yo. Medyo maguumaga na iyon at nagusap tayo tungkol sa buhay. Pinapasok kita sa mundo ko at ganun ka din naman sa'kin. Para bagang matagal na tayong magkakilala. Pinagmasdan ko kung gaano ka kasaya na kasama ako at kung gaano mo kagustong salubungin ang umagang bitbit ang mga alaala ng isa't isa. Ayoko sanang sirain ang gabing iyon ngunit gusto kong hindi mo makalimutan ang isa sa pinakamasayang pangyayari sa ating buhay kaya tinanong kita na walang pagmamalabis kung puwede ba kitang halikan. At doon, bigla kong nilapit ang labi sa iyong labi ngunit... tumama ako sa braces mo. Nakakatawang isipin na nangyari 'yun pero binigyan mo ulit ako ng isang pagkakataon at inayos ang unang nating paglapat.
Katulad ng unang kong nakita ang iyong pagkalungkot at pagkalunod sa mga alaalang alam kong hindi ako nakarating para masamahan ka. Masakit na nakikita kitang nagdudusa na sa bawat kibot mo ay maaalala mo nanaman na muli kang naiwan ngunit mas masakit para sa'kin na hindi ka masamahan sa mga susunod mong laban. Alam kong huli na ako para sa mga nakaraan mong labis ang dalang saya ngunit kailan man hindi ako magiging huli sa buhay at kinabukasan na sa wakas ay ako na ang iyong magiging sandalan.
Katulad ng unang kitang nahandugan ng aking mga tula. Inubos ko ang aking sarili, ang mga salita, ang kwento nating magkasama upang sa ganun ay hindi mo makalimutang may nagmamahal sayo. Inilarawan kita gamit ang mga metapora, hindi ako magaling sa paglabas ng aking nararamdaman ngunit hinayaan kong angkinin mo ang aking pag-ibig, hinayaan kitang maging buhay ko. Ngunit tulad ng aking sarili, ang mga salita ay nagkukulang, nauupos, nauubos, nawawala. Kaya sa mga sandaling nilalamon ako ng takot, bigla na lang ako naglalaho at nalulunod sa lungkot. Kaya ang mga salitang nakakapangibig ay nagiging sandata upang makasakit.
Hayaan mo akong makabawi. Bigyan mo ako ng pagkakataon upang magsimula tayong muli. Kung puwede pa, kung puwede lang. Kahit isang beses na lang. Kahit sa huling pagkakataon. Hayaan mong mahalin kita ulit.














