Sa tuwi-tuwina'y naririnig ko sa maputik na landas at mabuway na andamyo ang mga tinig na lipos na hinagpis at galit, mga tinig na hinuhugot sa baradong lalamunan, mga tinig na napgpupumiglas sa nagsisikip na dibdib, itinataghoy ang litanya ng dalita sa isang panahon na ligalig: Alang-alang sa masaganang dugo nabumulwak sa batok na pinasok ng punglo, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa sampal, suntok, dagok, kulata, pangunguryente ng bayag, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa masakit na hampas ng batuta sa likod at ng tubo sa balakang kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa alambreng tinik na iginapos nang mahigpit sa tuhod at hita, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa pagkaladkad sa lansangan ng bangkay na inihulog nang walang kabaong sa hukay, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa damit na natigmak ng dugo at pinaknit sa katawan ng ginahasang puri, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa nilalangaw na katawan at pugot na ulong itinulos sa libis na nayon, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa mga kamay na pinutol para hindi na kailanman makapagaawait ng gitara, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Alang-alang sa tagilirang binuksan at pinagpasakan ng utak mula sa biniyak na bungo, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian? Sa panahon ng paggawad na katarungan, sa panahon ng paniningil ng utang, kaaawan ba o patatawarin, bayan ko, ang mga berdugo at naghahari-harian?
— Jose F. Lacaba, Litanya ng Dalita








