Ano kaya ang pakiramdam ng pagiging tunay na malaya? Malaya—malaya sa pagiging masaya, malaya sa pananampalataya, malaya sa pagmamahal, at higit sa lahat, malaya sa sariling bayan na ginagalawan. 'Tila ba ang sarap lumipad at abutin ito, ngunit ang pangarap ba na ito ay magiging tulad ng mga ulap? Na hindi maaaring mayakap at mapanghawakan?
Tayo ba ay malaya?
Sinasabi nilang naasam na natin ito mula noong binigyan tayo ng kasarinlan ng mga Espanyol noong 1898, ngunit tunay nga ba tayong malaya kung nakakulong tayo sa tatsulok na sistema ng lipunan? Masasabi ba natin na tayo’y malaya kung nakakulong tayo sa kuwadrado nating mga isipan? Masasabi nga ba natin na tayo’y malaya kung ang kumokontrol sa ating panlipunang sektor ay ang ibang mga bansa, partikular na ang Estados Unidos at Tsina? Hindi natin maikakaila na tayong mga mamamayan ay patuloy na namumuhay nang nakiki-ayon na lamang sa kung anong patok, at kung anong sikat.
Ang nais ko sa aking bayan ay maasam ang tunay na kalayaan. Ang tunay na kalayaan na kung saan magagamit natin ang ating kalayaang magsalita, upang alisin ang takot sa bawat puso, at maipahayag ang tunay na nilalaman ng isipan. Maunlad na ang panahon ngayon. Masalimuot iisipin na imbis na tayong mga Pilipino ang nagtutulungan ay tayo pa ‘tong nagsisiraan, mga nagmistula tayong talangka sa kahihila natin sa isa’t-isa pababa. Ako bilang ako, ay ayoko na dumagdag pa rito. Kaya ngayon, pipiliin kong maging iba sa mga ito—Bayan muna bago ang sarili ko.
Nawa’y palayain tayo ng huwad na sistema ng pagkakuntento dahil hindi tayo uunlad kung mananatili tayo sa lugar kung saan tayo komportable, dahil ‘di kalaunan sisikip ang lugar na ating ginagalawan. Oo, masasabi natin na tayo ay masaya, ngunit hindi natin masasabi na tayo nga ay tunay na malaya.
Nawa’y palayain tayo ng mapang-aping kalakaran ng mundo,
bago pa mapudpod ang pag-asang minsan lang kung dumungaw sa bintana. Ang pag-asang nagbibigay liwanag sa madilim na kabanata.
Nawa’y palayain natin ang ating mga sarili na nakabilanggo sa takot,
sa takot na mahusgahan, mabalewala, at ipagkaila sapagkat hindi natin mapapalaya ang bayan kung sa mismong sarili natin ay hindi tayo mapagparaya.
Hindi pwede ang “Pwede na” dahil higit pa tayo sa kung ano tayo ngayon. Hindi naman tayo tulad ng punong Bonsai na mananatiling maliit, bagkus dapat tayong maging isang Narra, nakatayong matayog at may maipagmamalaki. Nawa’y lahat tayo ay lumaya at maging mapagpalaya, dahil ang bagay na ito ang siyang isa sa mahalagang sangkap tungo sa pinapangarap nating bayan.
Ang pangarap ng ating bayan, na ginahasa, inalipusta ng mga dayuhan at pati na rin ang mga sarili nitong mamamayan.
Tatanungin ko muli kayo,
Tayo nga ba’y tunay na malaya?