Ilang araw na ako nag-iisip ng gusto ko sabihin kasi hindi ko talaga alam kung paano to sisimulan. Gusto ko na ilabas ‘to kasi sobrang bigat na talaga ng loob ko at umabot pa sa punto na naaapektuhan na mga pinaggagawa ko. Hindi kita sinisisi dahil alam kong ako ang may kasalanan sa epekto ng mga nangyayari sa akin ngayon. Hindi kasi talaga ako magaling mag-hawak ng problema.
Para matapos na, gusto ko na magpakatotoo. Isang bagsakan na lang para masabi ko na lahat ng tinatago ko rito.
Sa totoo lang, gusto ko mainis sayo at pairalin yung hinanakit ko pero hindi ko kayang gawin sa'yo yun. Bukod sa mahal kita, hindi ko talaga magawang magalit sayo kasi naiintindihan ko sitwasyon mo. Alam kong nahihirapan ka. Walang madali sa nangyayari ngayon at sa nararamdaman mo kaya huwag ka mag-alala, wala kang maririnig na sumbat sa akin. Binibigay ko sa'yo yung oras ng paghihilom na kailangan mo. Alam ko namang gusto mo pa matuto at umunlad kaya sana magkaroon ka ng kusa na gawin ang mga bagay na alam mong nararapat sa’yo. Pinatawad ka na ng tao at ng tadhana kaya sana patawarin mo na rin sarili mo.
Pasensya kasi humantong sa ganito na parang dumagdag pa ako sa pampagulo sa buhay mo. Hindi ko naman intensyon maging dagdag pasakit, sa totoo lang, sinisisi ko pa sarili ko kung bakit naging umabot sa ganito yung sitwasyon nating dalawa. Siguro I gave too much, I loved you too much. Responsable ako sa sariling hinagpis na nararamdaman ko kaya hindi kita masisisi, may mga bagay ka pa sa nakaraan na hindi mo magawang iwan pero sinubok ko pa rin ang tadhana para lang mahagkan ka kaya siguro nga epal ako. Pasensya na.
Akalain mo yun? Sa kabila ng lahat ng nangyari, nagpapasalamat pa rin ako sayo nang sobra. Ang lakas mong emotional support. Ikaw pa rin ang best plot twist ng 2019 ko, hindi magbabago yun.
Katunayan, hindi ko talaga alam gagawin ko ngayon. Hihintayin pa ba kita? Titigil na ba ako? Sinabi mong maghintay ako sa'yo pero ano ba ang kasiguraduhan na babalik ka? Gaano ba kasigurado ang tadhana kung may ikaw pa ba na dadating sa akin? Masyadong alanganin ang sitwasyon na ‘to para magsalita ako sa ating dalawa. Bilang pasaway ako at hindi ko rin naman mapipigilan damdamin ko. Kaya kung sakali man, gusto ko lang sabihin na may babalikan ka pa kung mahanap mo sarili mo. Nandito pa rin ako, handa kang tanggapin nang buo. Dibale kung magbago ang isip mo, may magagawa ba ako? Wala akong ibang dapat gawin kundi maging ayos at tanggapin kung ano ang sa tingin mong mas makabubuti sa’yo. Anuman ang mangyari, naka-suporta lang naman ako sa’yo lagi.
Paniguradong hindi ngayon, pero sana dumating yung panahon na walang dedmahan, yung hindi na tayo dyahe sa isa’t isa. Ito pa rin naman ako, hindi ka magiging iba sa akin. Umaasa akong ganun din sana ako sayo, dating gawi lang. I would like to keep you the same way. Nandito lang ako lagi, wag ka mahiya sa akin.
I don't want to consider this as a last message, ayokong matapos 'to nang ganito. Sana may marinig ako sa'yo, maghihintay at aasa ako ng sasabihin mo. Ewan, basta mahal pa rin kita; hayaan mo lang akong mahalin ka.
Sobrang pasensya at salamat ulit sa maikling panahon na mayroon tayo at binigay sa atin.