a lost document found from archive..
bwahahaha.. habang inoorganize ko ang mga files ko sa pc ko, bigla kong nakita itong file na ito.. thesis-thesis-an ito nung 1st yr college (memories flashing back)..
sino ba nmn ang mkklimot sa Filipino nmin? the subject seems very easy pero nako xempre it depends pa rin sa prof, ayt?.. siya lang nman ang kilalang Dr. Trinidad Legaspi.. filipino Division Supervisor siya sa Cavite.. ayun na.. physical characteristics palang nako.. matakot kana.. bwahahaha.. imagine a big, fat (yes, not really fat, obese i think is the right word) penguine (that's her manner of walking) approaching you and the whole place is like suffering from earthquake.. (wahahaha... sorry for that.. yun yung pinaka-mild na way kung papano ko sia madedescribe)
bwahahaha... anyway.. isa kasi sa requirements namin for finals ay magsubmit ng thesis anything and everything about nursing.. at first mukhang madali lang kasi naexperience ko n nman gumawa ng thesis nung highschool (hi mam verna, hi groupmates! c carlo, dona, jannelle, at nico ata ang mga ka-groupmates ko kung ndi ako nagkakamali), pero ndi pala.. and to think, tagalog kailangan.. filipino nga eh.. bwahahaha...
trip trip lang itong post na ito, pero ang secondary purpose nito ay para na rin ma-preserve yung file at baka makaltulong pa sa iba.. wahehehe...
as is yung pagpopost ko nito, page per page, topic per topic.. :D
“MGA SALIK AT DAHILAN NG PANGINGIBANG BANSA NG MGA
PILIPINONG NARS”: ISAANG PAG-AARAL
Guro, Sining ng Komunikasyon (Filipino 1)
Bilang pagtupad sa isang pangangailangan sa asignaturang
Sining ng Komuniksyon ng kursong Narsing
Bilang pagtupad sa mga kailangan para sa asignaturang Filipino 1, Sining ng Komunikasyon, at bilang relasyon sa aming kursong Narsing ay isinulat ng may akda ang paksang: “Mga Salik at Dahilan ng Pangingibang Bansa ng mga Pilipinong Nars”.
Dito ibinahagi ng may-akda ang kanyang mga nasaliksik at pinag-aralang mga datos na nauukol sa mga Pilipinong nars na naghahap-buhay sa ibang bayan. Dito ay ibinahagi ng may-akda ang kanyang malawak na persepsyon na nauukol sa mga kalagayan ng mga Pilipinong nars sa ibang bansa, ang kanilang mga masalimuot at may-galak na mga karanasan, ang kanilang mga dahilan ng pangingibang bayan, ang kanilang mga isinakripisyo upang makapunta sa ibang bansa, ang mga magagandang katangian ng Plipinong nars at ang mga diskriminasyon at suliranin na kinaharap, kinakaharap at kakaharapin ng mga Pilipinong nars sa ibang bansa.
Umaasa ang may-akda na ang pananaliksik ito ay magbigay ng kaalaman at maging inspirasyon sa mga mambabasa.
Sa Poong Maykapal sa pagbibigay ng patnubay habang ginagawa ko ang pananaliksik na ito;
sa custodian ng silid-aklatan ng Saint Joseph College at ng Cavite City sa pagpapahiram sa akin ng mga sanggunian upang makakakuha ng mga datos;
sa aming minamahal na guro, Dr. Trinidad D. Legaspi, sa walang sawang pag-bibigay kaalaman sa aming mga mag-aaral at sa pasensyang kanyang walang sawang ibinibigay sa amin;
sa aking mga magulang, Dina Ibiaz Junio at Romeo Junio at mga kapatid, Rona Junio at Rodin Junio, sa kanilang suporta sa paggawa ko ng pananaliksik na ito; at
sa aking mga kaibigan na tumulong sa ilang mga impormasyon at nagbibigay-saya sa tuwing ako ay malungkot.
Taos-pusong inaalay ng may-akda ang term paper na ito sa Pilipinong nars na nais mangibang bansa. Nawa ay maging inspirasyon ang pananaliksik na ito sa mag-aaral upang pagsumikapan nila ang kanilang mga pag-aaral upang makamit nila ng kanilang mga pangarap hanggang sa tugatog ng tagumpay. Inaalay ng may-akda ang ulat pananaliksik na ito sa kanyang guro sa Filipino 1 na nagbahagi ng kanyang mga kaalaman sa mga mag-aaral. Inaalay ng may-akda ang term paper na ito sa Panginoon, sa pagbibigay ng gabay sa paggawa ng pananaliksik na ito; sa mga magulang at kapatid ng may-akda at sa mga kaibigan.
I. Paunang Salita ----------------------- i
II. Pagkilala ---------------------------- ii
III. Pag-aalay ---------------------------- iii
I. PANIMULA ----------------------------- 1
III. PAGLALAHAD NG SULIRANIN -------------- 3
III. LAYUNIN NG PAG-AARAL ----------------- 3
IV. KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL ------------- 4
PAG-UUGNAY NG MGA LITERATURA
I. Literaturang Dayuhan ----------------- 5
A. Mga Salik at Dahilan ng Pangingibang Bansa
ng mga Pilipinong Nars ---------- 10
B. Magagandang Katangian ng mga Pilipinong
Nars sa Ibang Bansa ------------- 14
C. Ilang Epekto ng Pangingibang Bayan ng mga
Pilipinong Nars ----------------- 15
D. Mga Hindi Magagandang Karanasan ng mga
Pilipinong Nars sa Ibang Bansa -- 16
I. PARAAN NG PANANALIKSIK --------------- 18
PRESENTASYON, INTERPRETASYON AT ANALISIS NG MGA DATOS
I. PRESENTASYON ------------------------- 19
II. ANALISASYON -------------------------- 19
III. ITERPRETASYON ------------------------ 19
BUOD, KONGKLUSYON, AT REKOMENDASYON
I. BUOD --------------------------------- 25
II. KONGKLUSYON -------------------------- 27
III. REKOMENDASYON ------------------------ 28
IV. TALASANGGUNIAN ----------------------- 29
A. Terminolohiya ------------------- 30
B. Talambuhay ng May-akda ---------- 31
Marami ng mga institusyon at paaralan na nagbibigay ng kurso tungkol sa pagna-nars. Dahil na rin marami sa ating mga kabataan ang gustong malapunta sa ibang bansa upang kumita ng mas malaki upang masuportahan at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay at para mapaginhawa nila ang kanilang buhay.
Marami sa ating mga kababayan ang nais mangibang bansa at karamihan sa kanila ay mga nagsipagtapos ng medisina. Sila ay kumukuha ng mga karagdagang kaalaman kung ano ang mga gawain ng isang nars. Kung dati ay pawang mga kababaihan lamang ang naghahangad na maging isang nars, may makikita ka na ring mga kalalakihan na kumukuha ng kursong “nursing”.
Ang pagiging isang nurse ay isang napakadakilang propesyon katulad ng isang guro dahil hindi lang pag-aalalay sa isang doctor ang kanilang tungkulin kungdi, may obligasyon din sila na pangalagaang mabuti ang kanilang mga pasyente. Ang kanilang pangangalaga ay hindi nagtatapos sa pagkuha ng temperatura, pagbigay ng mga gamot sa tamang oras at pagpapalit ng kanilang mga kobre-kama. Mayroon din silang obligasyon upang tulungan nilang gumaling ang kanilang mga pasyente sa moral, sikolohikal at ispiritwal na aspeto ng kaniyang buhay. Marami sa kanila ang nangangailangan ng kalinga at atensyon buhat sa ibang tao. Ito ay dahil sa ang kanilang pamilya ay wala ng panahon sa kanila at may kanya-kanya ng mga buhay at sariling pinagkakaabalan. Lalung-lalo na ang mga matatanda, na dahil sa kanilang katandaan at karamihan sa kanila ay bumabalik sa pagkabata, minsan ay naiinis na silang alagaan ng kanilang mga pamilya. Dito pumapasok ang iba pang tungkulin ng isang nars bilang tao sa kanilang mga pasyente at alam nila ang mga kadahilan ng kanilang mga sakit ay puro sama ng loob at puro kalungkutan sa buhay.
Sa mga sumusunod na kabanata, matutunghayan natin ang iba’t-ibang kadahilanan kung bakit ang isang nars sa ating bansa ay gustong makarating at magtrabaho sa ibang bansa.
Ang pag-aaral na ito ay tuwirang sasagutin ang mga sumusunod na mga katanungan na binuo ng mananaliksik.
1. Anu-ano ang mga dahilan ng pangingibang bansa ng isang nars?
2. Anu-ano ang kanilang mga naging karanasan sa ibang bansa ukol sa kanilang trabaho?
3. Paano nila nalalabanan ang lungkot sa ibang lugar?
4. Anu-ano ang kanilang mga isinakripisyo upang makarating sa ibang lugar?
5. Paano nila maihahambing ang kanilang trabaho sa ibang bansa at ang trabaho nila sa ating bansa?
Ang pag-aaral na ito ay may layuning malaman ng mga mambabasa kung anu-ano ang mga kadahilanan ng isang nars kung bakit kailangan pa niyang lumayo sa kaniyang mga mahal sa buhay upang mangibang bansa at doon magtrabaho bilang isang nars.
Layunin din nito ang ipaalam sa ating mga mambabasa kung anu-ano ang mga karanasan ng ating mga nars sa ibang bansa.
Dahil sa pananaliksik na ito, magkakaroon sila ng ideya tungkol sa kanilang pangarap na makapunta sa ibang bansa at magtrabaho bilang isang nars.
Ang kahalagahan ng pag-aaral na ito ay upang malaman natin kung anu-ano ang kanilang mga kadahilanan kung bakit kailangan pa nilang mangibang bansa upang doon ituloy ang kanilang mga propesyon bilang isang nars. Malalaman din natin ang kanilang mga kadahilanan sa pagpunta nila ng ibang lugar upang doon sila magtrabaho at kung ano ang kanilang isinakripisyo upang makamit nila ang kanilang pangarap.
PAGBALIK SA KAUGNAY NA LITERATURA (Review of Related Literature)
LITERATURANG DAYUHAN (Foreign Literature)
Noong panahon ng Acapulco-Galleon trade, ang mga Pilpinong marino ay tumatalon sa kanilang barko pagdating sa Acapulco. Ang iba sa kanila ay kung saan-saan pumupunta upang mamasyal at maglibot. Ang unang komunidad ng mga Pilipino ay naitala na matatagpuan sa lugar ng Santo Mailo, isang lugar sa Lousiana, USA, noong 1830. Sa katagalan, pumunta sila sa Espanya pagkatapos ng Suez Canal noong huling taon ng 1800’s. May mga matatalino na namuno sa propaganda, mayroon ding mga Pilipinong marino at iba pang mga manggagawa na nauwi sa Espanya. Marami sa kanila ay mga Pilipinang tangapangalaga sa huling taon ng 1800’s sa Espanya. Kahit ang mga katulong na mga Plipina ay kailangang-kailangan sa mga aristokratang pamilya ng Espanya.[1]
Nang dumating ang mga Amerikano, nagsimulang pumunta at manirahan ang mga Pilipino sa bansang Amerika at sila ay dumami. Ang mga tinatawag na may suporta ng bansang Amerika, “pensionados”, ay kinuha ng bansang Amerika upang doon na manirahan. Ang mga magsasaka ay nagsimulang dumating sa Hawaii at California. Dahil sila ay ”technically US nationals”, ang mga Pilipino ay nakapunta sa Amerika na hindi nahirapan hanggang sa dumating ang taong 1930, at dumating ang panahon na ang mga dayuhang trabahador ay pinagbawalan.[2]
Ang pagpunta ng mga Pilipino sa Amerika ay dumagsa ulit sa taong 1965, kung saan sa ilalim ng bagong batas, na malayang makakapunta ang mga kamag-anak ng mga “naturalized migrants”, at yung mga may kakayahang teknikal katulad ng mga doktor at narses kung saan ito ay kulang sa kanilang bansa noong panahon na iyon. Kadalasan na ang nakakapunta lamang sa Amerika ay yung mga propesyonal at naging isyu na ang mga propesyunal na mga Pilipino ay napapakinabangan ng bansang Amerika.[3]
Sa kasalukuyan, mayroong 2 milyong Pilipino sa Amerika.
Noong taong 1970 at simula ng 1980’s ang rehimeng Marcos ay nagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Gitnang-Silangan at Asia. Kasama na rito ang pagpapadala ng mga nars na Pilipina at mga marino na ipinadala naman sa parting Europa. Dahil sa pagkakaroon ng krisis sa ating ekonomiya, marami sa mga nakatapos ang hindi makakuha ng trabaho sa ating bansa kung kaya’t sila ay nakipagsapalaran na magpunta sa ibang bansa upang magtrabaho. Marami sa ating mga guro at iba pang propesyonal ang naging katulong sa ibang bansa. Marami ang nagtayo ng mga paaralan na may kursong narsing at marino dahil may malaki silang pagkakataon para makapagtrabaho sa abroad.[4]
Ngayon, higit sa limang milyon na mga Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa labas ng ating bansa. Nabibilang dito ang 2 milyon sa Amerika, 1.2 milyon sa Gitnang Silangan at 600,000 sa Europa at 200,000 na mga marino. Ang mga Pilipino na nasa ibang bansa ay may iba’t-ibang uri ng trabaho, mayroon ditong guro, nagtatrabaho sa konstruksyon, transportasyon, negosyante, mga kasama sa bahay, mga nasa larangan ng medisina at iba pa.[5]
Sila ay kalat sa iba’t-ibang parte ng mundo. Mahirap makakita ng isang bansa na wala isa mang Pilipino na nagtatrabaho. Ang isang epekto nito ay dahil ang manggagawang Pilipino ay kasama sa iba’t-ibang pangyayari sa ibang bansa. May mga Pilipino na namatay sa World Trade Center sa pagpapasabog ng mga Palestinian bombers, kapag may nawawalang barko na lumubog, siguradong may kasama ditong Pilipino.[6]
Ang mga manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan at Hongkong ay mga binansagang mga “bayani” ng ekonomiya ng Pilipinas, samantalang ang mga doktor na naging mga nars na umalis sa ating bansa upang maghanap ng magandang oportunidad ay naging mga “makasarili at walang pagmamahal sa sariling bayan.” Ang pagdagsa ng maraming manggagamot na kumuha ng kursong narsing upang makahanap ng magandang pagkakitaan sa ibang bansa lalo na sa Amerika at parting Europa ay nakapukaw ng atensyon ng mass media. Hindi ito dapat maging katawa-tawa kung bakit ang mga doctor natin ay kumukuha ng mga karagdagang units upang pagpuno sa pagkuha ng kursong narsing at upang makapunta sa ibang bansa. Marami pa sa ating mga manggagamot na ito ang pupunta sa ibang bansa upang maging nars sa mga ospital doon dahil na rin sa kakulangan ng mga nars sa kanilang lugar. Hindi rin natin dapat husgahan na ang kanilang intensyon para magpunta sa ibang bansa ay para kumita ng malaki at pagsilbihan ang ibang bansa. Ngunit kung iyong iaanalisa na ang kanilang kinikita lamang sa isang buwan ay P 43,823.00. Ito ay sapat lamang sa kanilang mga pamilya na kung ikukumpara sa sahod ng mga nars sa ibang bansa ay napakababa.[7]
Marami sa mga guro natin na isinakrispisyo ang kanilang propesyon para lamang maging isang katulong sa ibang bansa dahil na rin sa kakulangan ng sweldo, ito na rin ang pangunahing dahilan kung bakit ang “MD” ay naging “RN” sa ibang bansa. Ngunit, hindi rin natin pwedeng hamakin ang isang trabaho ng isang nars dahil katulad ng isang doktor, ito ay isang dakilang propesyon. Ang kagustuhang maisaayos ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya ang nagbunsod sa kanila upang lumayo sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ito rin ang iniisip na ang ganitong sitwasyon ay isang hakbang na lamang upang pwedeng maging “physician assistant” o isang lisensiyadong doctor sa ibang bansa.[8]
MGA SALIK AT DAHILAN NG PANGINGIBANG BANSA NG MGA PILIPINONG NARS
Ang mabigat na pangangailangan ng mga nurses sa ibang bansa ay lumalaki. “Sa Estados Unidos pa lamang, mahigit na 600,000 sa pagitan ng taong kasalukuyan at 2020,” ang sabi ni Chief Romeo Cagas habang nasa diskusyon sa mga narses sa Davao.[9]
Iniulat ni POEA regional director, Delfina Camariollo na mayroong 33, 964 narses ang nakatalaga simula pa noong 1995 hanggang 2000. Ngunit sa taoong 2001, may 13, 536 o 39.85% na mga narses na Pilipino ang nakatalaga noong 1995-2000.[10]
Ang pag-uusap na ito ay nakatuon sa isyu ng propesyong narsing sa Pilipinas para maiwasan nila na ang mga nakatapos ay makaalis at sa ibang bansa nila magamit ang kanilang mga natutuhan. Iminungkahi nila na ipataw ang bagong batas sa narsing o R.A. 9173, na nagsasaad na dapat ay magsilbi muna ang mga nakatapos na mga nars dito sa ating bansa, bago sila umalis.[11]
Mas pinili ng mga nars na magtrabaho sa ibang lugar dahil sa mataas na pasahod. Ang problema sa ekonomiya at di magandang kondisyon ng ating ekonomiya ay pinaniniwalaang isa sa mga kadahilanan ng kanilang pangingibang bayan. Ang pagkuha ng mga lokal na doktor ng kursong pang-narsing upang maging registered nurse sa ibang bansa, ay hindi dapat husgahan dahil kung iisipin natin, ito ay ginawa lang nila upang kumita sila ng malaki.[12]
Hindi sila pumunta ng ibang bansa upang maging utusan lang mga kano, kung hindi upang matugunan nila ang pangangailangan ng kanilang asawa at pamilya. Marami sa ating mga kababayan ang gustong makarating sa ibang bansa dahil gusto nilang maranasan ang mamuhay sa ibang lugar. Dahil na rin sa mga nakikita natin sa telebisyon kung gaano kaganda ang Amerika, maraming na-engganyo na sila ay makarating dito. Gusto rin nilang maranasan na magsuot ng mga damit na “imported” dahil sa kagandahan ng kalidad at dahil iba ang tingin ng tao sa mga balikbayan. Kapag ikaw ay nanggaling na sa ibang bansa at doon ay nakapagtrabaho ka na, mataas ang tingin sa iyo ng iyong mga kababayan. Dahil na rin sa ganitong konsepto marami tuloy sa ating mga kababayan ang kumukuha ng kursong narsing para lamang makapangibang bayan. May mga nakakausap ako na mga kumukuha ng kursong marino na kaya lamang nila kinuha ang kurso na ito ay dahil na rin sa may pagkakataon sila na mangibang bansa at kumita ng mas malaki kung ikukumpara sa Pilipinas. Dahil na rin sa kahirapan ng buhay dito sa ating bansa, nakikipagsapalaran ang ating mga kababayan na mangibang bansa upang makasiguro lamang sila na mabibigyan nila ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Mayroon naman na gusto talaga nilang mag-abroad dahil alam nila na dito sila uunlad at dito kahit ano ang pagod nila ay tama o mas malaki ang kikitain nila. Dito kasi sa ating bansa, kahit na magpakahirap ka sa pagtratrabaho, hindi parin nadadagdagan ang iyong sahod at dahil na rin sa krisis na ating nararanasan, pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin kung kaya’t hindi rin kumakasya sa isang pamilyang Pilipino ang kinikita ng isang mag-asawa upang matustusan nila ang pangangailangan ng kanilang pamilya.[13]
Gayundin ang nagiging kadahilanan kung bakit may mga doktor tayo na gustong makarating ng ibang lugar dahil na rin sa gusto lamang nila na bigyan ng kaginhawaan ang kanilang pamilya. Ang alam kasi natin, ang dahilan niya kung bakit siya kumuha ng kursong medisina at narsing ay para makatulong sa mga maysakit, ngunit kailangan din niyang isipin ang kanilang mga mahal sa buhay. Kailangan lang nilang maisiguro ang kinabukasan ng mga ito. Minsan ay hindi rin natin sila masisisi dahil nakikita nila ang kahirapan ng pamumuhay dito sa ating bansa. May mga nars na gusto nilang makarating sa ibang lugar upang pagdating ng araw ay maisama nila ang kanilang mga pamilya at magkaroon ng maayos na buhay sa ibang lugar. Mas madali kasing makapunta ang isang bata sa ibang bansa kaysa sa mas matanda sa kanya dahil alam ng ahensya na ito ay may plano na mag-trabaho doon at mag-TNT. Ito lamang ang masaklap, dahil sa ganitong gawain ng ibang mga Pilipino, nahihirapan na tayong makakuha ng visa para makapunta sa kanilang lugar dahil imbes ang gawin nila ay ang pagbisita lamang o pagbakasyon, karamihan sa kanila ay hindi na bumabalik sa ating bansa.[14]
Ang iba pang dahilan ng pag-aabroad o pangingibang bansa ng ating mga nars ay dahil, may mas malaking oportunidad sila na makahanap o magkaroon kaagad ng trabaho dahil sa may kakulangan ng mga nars sa Amerika. Dito sa ating bansa, marami dati ang mga nars at marami na rin na dito ang tumanda na sa kanilang mga propesyon ngunit sila ay unti-unting lumilisan sa ating bayan.[15]
MAGAGANDANG KATANGIAN NG MGA PILIPINONG NARS SA IBANG BANSA
Gusto ng mga dayuhan ang ugali ng ating mga kababayan pagdating sa trabaho dahil kapag Pilipino na ang nagtrabaho, ito ay masisipag at tapat sa kanilang tungkulin. Gusto nilang mag-alaga ang mga Pilipinang nars dahil mabait sila sa pag-aalaga nila sa kanilang mga pasyente. Minsan ay masyado pa silang napapalapit sa kanilang mga pasyente at nagkakaroon ng ibang relasyon ang Pilipinong nars at kaniyang pasyente. Gusto rin ng mga dayuhang doktor at ating mga nars na Pilipina dahil sa kanilang kasipagan at dedikasyon sa kanilang tungkulin. Hindi lang tayo in-demand sa Amerika, kundi pati na rin sa Europa at iba pang parte ng mundo.[16]
ILANG EPEKTO NG PANGINGIBANG BAYAN NG MGA PILIPINONG NARS
Sa pagtitiis ng mga nars na magtrabaho sa ibang bansa, nakakalungkot isipin na marami sa kanilang mga anak ang kanilang napapabayaan at pulos sa materyal na bagay na lamang nila napupunuan. Dahil dito, nagiging materyalosa ang mga bata at na ito ay nagiging waldas at walang pagpapahalaga sa salapi na pinaghihirapan ng kanilang mga magulang. Kung napanood lang natin ang isang pelikula ni Bb.Vilma Santos na pinamagatang “Anak” na kung saan si Claudine Barreto ay napariwara at nagrebelde dahil sa paglayo ng kaniyang ina upang magtrabaho. Nang ito ay bumalik, nakita niya na malayo na ang loob ng kanyang anak at malaki ang hinanakit sa kanya dahil hindi na ito naalagaan at nakasama sa kanyang paglaki.[17]
Karamihan sa mga anak ng mga Pilipino na nasa ibang lugar ay ganito ang nangyayari. Marami sa ating mga kabataan na may magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa ay nagkakaroon ng mga anak na kung minsan ay nagiging drug addict o nabubuntis ng wala sa tamang panahon. Karamihan sa kanila ang nalululong sa barkada at hindi na nakakapagtapos ng kanilang pag-aaral.[18]
Iba pa rin kapag buo ang pamilya at may masasandigan na mga magulang ang mga kabataan na ito. Iba pa rin ang mga bata na may nanay at tatay kaysa iba ang sumubaybay sa kanila. Maswerte na lamang ang mga magulang na may mga anak na marunong umunawa ng kanilang sitwasyon na kung bakit kailangan lumayo ang kanilang nanay o tatay para magtrabaho sa ibang bansa.[19]
MGA HINDI MAGAGANDANG KARANASAN NG MGA PILIPINONG NARS SA IBANG BANSA
Minsan ay hindi rin natin maiiwasan na marami sa ating mga Pilipinong nars ay nagkakaroon ng di-magandang karanasan sa kanilang pinasukang trabaho o ospital. Minsan, di pa rin maiwasan ang magkaroon ng “racial discrimination” dahil minsan ay mas lamang ang trabaho ng ating mga Pilipinang nars kaysa sa mga dayuhan na kanilang kasama sa departamento. Ngunit alam natin kung gaano ka-matiisin ang mga Pilipina lalo na sa kanilang trabaho kung kaya’t ito ay kanilang ipinagwawalang bahala na lamang. Marami din sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa ang natutukso na magkaroon ng relasyon sa ibang tao dahil sa sobrang kalungkutan at ito ang nagiging dahilan kung bakit nasisisra ang relasyon ng mag-asawa, ganun din minsan ang kanilang mga asawa dito sa Pilipinas na hindi mapaglabanan ang tukso at nagiging sanhi ng pagkawasak ng kanilang pamilya.[20]
Minsan ay nakakasama ng loob dahil ang ating pamahalaan ay walang ginagawang paraan upang ma-protektahan ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na sa batas ng ibang bansa lalung-lalo na sa Gitnang Silangan. Marami na sa ating mga Pilipino ang napapariwara o nasisiraan ng ulo dahil sa pagmamalupit na nararanasan nila sa kamay ng kanilang mga amo, at dahil na rin rito ay umuuwi silang kung hindi isang malamig na bangkay, ay isang sira ang ulo o baldado na. Sa Amerika, o sa ibang bansa, makakatagpo ka ng isang lugar na kung saan ay puro mga Pilipino lamang ang nakatira. Dito ay mayroon silang pagkakaisa at nagtutulungan sila upang magkaroon sila ng maaaring sandigan kung may isang Pilipino na naapi ng kanyang amo. Dito mo rin makikita kung paano magbuklod ang mga Pilipino sa ibang bansa at kung paano nila tulungan ang kanilang kapwa Pilipino sa bago pa lamang salta sa kanilang lugar.[21]
[1] Mercadante, Lucille, “Education for Service-their Challenge” Nursing Forum, Vol. VIII, 1969,p.124
[9] www.mb.com.ph/filipino/nurses/abroad
[10] Morgan, John S. and Philip, J.R. You can’t manage Alone, (Michigan: Zondervan Publishing House, 1985), p.432
[13] Mercadante, Lucille, “Education for Service-their Challenge” Nursing Forum, Vol. VIII, 1969,p.43
[14] Spalding, Eugenia. Professional Nursing (Philadelphia: J. B. Lippincot. 1971),p.67
[16] Andres, Tomas D. Management by Filipino Vales. (Quezon City: New Day Publishers, 1985),p.85
[17] Spalding, Eugenia. Professional Nursing (Philadelphia: J. B. Lippincot. 1971),p.132
[18] Potter, Patricia A., Fundamentals of Nursing, (Mosby, Inc., 2001).
[19] www.mb.com.ph/filipino/nurses/abroad,p.4
[20] Barret, Jean, et. al., The Fundamentals of Nursing. (St. Louise: C.V. Mosby, 1976), p.629
[21] Potter, Patricia A., Fundamentals of Nursing, (Mosby, Inc., 001),p.679
Ang mananaliksik ay gumamit ng diskriptibong pamamaraan ng pananaliksik kung saan siya ang kumuha ng mga impormasyon sa mga libro, magasin, pamplets, internet at iba pang uri ng babasahin kung saan siya makakakuha ng mga datos ukol sa kanyang paksa.
Kumuha siya ng 50 katao sa komunidad upang sumagot sa kanyang mga katanungan na kaniyang ginawa upang makabuo siya ng datos para sa kanyang konklusyon at rekomendasyon.
PRESENTASYON, ANALISASYON AT INTERPRETASYON
Sa tsart blg. 1, ipinakikita rito na 50% o 25 ang sumagot ng “OO”, para sa kanila sapat ang kanilang mga kadahilan upang sila ay pumunta sa ibang bansa upang magtrabaho at iwanan ang kanilang mg anak at asawa dahil ito ay para rin sa magandamg kinabukasan ng kanilang pamilya. May 15 o 35% ang sumagot ng “HINDI” sapat ang kanilang dahilan dahil sa hindi magandang epekto ang naidudulot ng paglayo ng isang magulang sa kanyang asawa at anak. Marami sa kanilang pamilya ang nasisira dahil wala silang “bonding” at ang nag-uugnay lamang sa kanila ay ang pera. Marami sa mga anak ang nawawala sa landas dahil hindi kumpleto ang magulang na sumusubaybay sa kanila. May mga asawa naman na dahil sa sobrang kalungkutan ay natutukso sa ibang kandungan at nagiging dahilan ng pagkasira ng kanilang pamilya.
Sa tsart blg. 2, ipinakikita na ang madalas na dahilan ng kanilang pag-alis sa Pilipinas upang magtrabaho bilang nars sa ibang bansa ay mas malaki ang kanilang kikitain kung ikukumpara sa kanilang sahod dito sa ating bansa.
Kaya kahit na malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay, ito ay kanilang tinitiis para lamang may maipadala na malaking halaga sa kanilang pamilya. Sabi nila, sa ibang bansa, pwedeng magkaroon sila ng dalawang trabaho kung kanilang gugustuhin, na kung dito sila sa ating bansa, alam nila na hindi nila ito kikitain. May 30 o 80% ang sumagot na kaya sila nagtatrabaho sa ibang bansa ay para kumita ng malaking pera. May 10 katao o 10% ang sumagot na may magandang oportunidad kung sa ibang bansa sila magtatrabaho. Marami sa ating mga doktor na naging nars sa ibang bansa ay nakikitaan ng potensyal sa isang ospital kungsaan siya talaga ay magaling at dahil na rin dito, nabibigyan sila ng pagkakataon upang ipamalas ang kanilang kakayahan sa larangan medisina. Nagiging alalay sila ng mga dayuhang doktor at dahil dito marami silang natututunan.
May 10 katao o 10% ang sumagot na para na rin silang makarating sa ibang lugar at pwedeng dito na sila tumira.
Dito sa tsart blg. 3, ipinakikita na may 40% o 20 ang sumagot ng “OO”, na nakaranas sila ng “racial discrimination” sa ospital na kanilang pinapasukan na kung saan nagiging maliit minsan ang tingin sa kanila ng mga kapwa nilang mga nars na puti. Minsan ay hindi na nila ito pinapansin upang wala na lang gulo at alam nila na hindi rin sila papansinin. Natatakot sila na baka ito pa ang sanhi ng kanilang pagkatanggal sa kanilang trabaho. May 25 o 50% ang sumagot ng “HINDI” marahil ay alam na rin ng kanilang mga kasama na di na rin matawaran ang kakayanan ng mga Pilipinong narses pagdating sa kanilang dedikasyon sa trabaho. Nakikita rin ng mga dayuhan kung paano magtrabaho ang isang Pilipino at minsan ay kahit hindi na nila trabaho ay ginagampanan nila ito. Samantalang 5 o 10% naman ang sumagot ng “EWAN”, at ang mga ito marahil ay hindi rin nakakaranas pa ng mga paghihirap ng pakikisama sa kaniyang mga kasama sa trabaho.
Sa tsart blg. 4, 25 katao o 50% ang sumagot na gusto nilang manirahan na sa ibang bansa dahil sa malaki ang kinikita nila dito. Nasanay na rin sila sa pamumuhay nila sa ibang bayan kung kaya’t gusto na nilang manirahan na lamang sa ibang bansa at marahil ay magbabakasyon na lamang o bibisita sa mga kamag-anak. Samantalang may 25 o 50% din ang sumagot na sa Pilipinas pa rin nila gustong tumira dahil iba pa rin ang kultura ng ibang bansa at hindi nila ito makasanayan. Para sa kanila, mas gusto pa rin nilang mamatay sa sarili nilang bayan. May mga sumagot na pwede rin silang manirahan sa ibang bansa o umuwi dito sa ating bansa kung hindi na sila pwedeng magtrabaho. Hindi nila mapagdesisyunan kung ano ang kanilang gagawin dahil parang di rin sila maka-adapt sa pamumuhay sa ibang lugar.
BUOD, KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON
Ang pagtatrabaho ng mga Pilipino ay hindi lamang kailan naging ugali, ito ay likas na sa mga Pilipino. Kahit hindi naman mahirap ang pamumuhay noon, ang ating mga ninuno ay nagustuhang manirahan sa Amerika dahil kaakit-akit ang kagandahan nito. Sila ay na-engganyo dahil sa kabaitan na ipinamalas ng mga Amerikano noon unang panahon. Nang magsimula ang krisis sa ating ekonomiya, lalong naging masigasig ang mga Pilipino na pumunta sa ibang bansa upang doon magtrabaho dahil nakita na nila na mahirap maghanap ng trabaho lalao na’t hindi sila nakatapos.
Dahil sa kakulangan ng mga nars sa ibang lugar, nagtayo ng maraming mga institusyon ukol sa kursong narsing na kung saan maraming mga kabataan ang kumuha dahil sa ambisyon na makapunta sa ibang bansa. Gusto nila na mabigyan ng maayos na pamumuhay at kinabukasan ang kanilang pamilya dahil sa kahirapan ng pamumuhay dito sa ating bansa.
Marami sa ating mga manggagamot ang kumukuha ng kursong narsing upang makapunta sa ibang bansa lalung-lalo na sa Amerika at dahil dito ay nakakaranas sila na pagtawanan at husgahan kapalit ng pagtalikod nila ang kanilang bayan. Sinasabi na sarili lamang nila ang kanilang iniintindi kaya gusto nilang mangibang bansa upang kumita ng malaki. Ngunit ang katwiran nila, ay pwede rin nilang magamit ito upang maging isang paraan para mabigyan sila ng pagkakataon sa ibang bansa sa larangan ng medisina. Marami rin sa ating mga nars na nagsasakripisyio para lamang maging maayos ang kanilang pamilya ngunit minsan ay ito pa ang nagiging sanhi ng pagkawasak ng kanilang pamilya at pagkasira ng relasyon ng isang mag-asawa.
Marami sa ating mga manggagawang Pilipino ang nakakaranas ng “racial discrimination” mula sa mga dayuhan na kanilang mga kasama sa trabaho at dahil dito ay hindi nagiging pantay ang pagtingin sa kanila. Kahit na ganoon pa man, pinagtitiisan na lamang nila para hindi sila mawalan ng trabaho. Maraming hirap ang kanilang dinaranas para lamang kumita ng mas malaki at minsan ay may part-time jobs pa sila upang may karagdagang kita at upang hindi nila maranasan ang pangungulila.
Marami sa ating mga kabataan ang kumukuha ng kursong narsing para lamang makarating sa ibang bansa. Dahil ay kailangan pa nilang kumuha ng mga pagsusulit para makarating at matanggap sila sa ibang bansa lalung-lalo na sa Amerika.
Dapat sana ay magkaroon g programa ang ating pamahalaan o isang batas para mapangalagaan ang bawat karapatan ng ating mga kababayan sa ibang bansa, lalung-lalo sa Gitnang-Silangan, dahil marami rito ang pinahihirapan ng kanilang mga amo at umuuwi na may sakit o may diperensiya na sa pag-iisip.
Dapat lang na mabigyan sila ng kaukulang pangangalaga dahil sila ang “dollar earner “ ng ating bansa at dahil na rin sa kanilang angkin kakayanan sa kanilang trabaho,
minsan ay nabibigyan sila ng parangal at ito ang nag-aakyat ng karangalan sa ating bansa.
OCW (Overseas Contract Workers) - mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Nars - iyo ay isang tao na katulong ng isang manggagamot para maalagaan ang isang pasyente.
Ospital- isang institusyon na kung saan dito dinadala ang mga maysakit upang pagalingin.
Migrant- tawag sa isang tao na matagal ng naninirahan sa ibang bansa.
RN (Registered Nurse) – nars na may lisensya at rehistrado
TNT (tago ng tago) – mga Pilipinong naiiwan sa ibang bansa kahit tapos na ang kanyang araw na pagtigil sa isang bansa, sila ay nagtatago sa ahensya upang di mahuli
Racial discrimination – pagmamaliit sa kakayahan ng mga Pilipino ng ibang dayuhan