“Ang Banal Na Aklat Ng Mga Kumag”
Kung paano nga ba nagsimula ang mundo ay walang nakakaalam. Ang mga sinabi ng mga eksperto sa siyensya, kasaysayan at relihiyon ay pawang teorya lamang ng pinagmulan ng mundo. Malapit man o malayo ito sa katotohonan ay walang nakakaalam bukod sa sinuman na gumawa talaga ng mundong ating ngayong kinabibilangan. Kung sino man siya o ano ay idagdag na rin natin sa ating listahan ng misteryo’t kababalaghan.
Sa kwento o alamat ng pagkabuo ng mundo, ano nga ang dapat basehan para ito ay dapat yakapin at tanggapin ng mga tao? Kailangan nga ba malapit ito sa katotohonan?Kailangan nga ba kapani-paniwala? Dahil kung ako ang tatanungin ang bersyon ni Allan Derain ang aking bersyong pinaniniwalaan kung paano nabuo ang mundo. Kung inyong maririnig ay sadyang malayo ito sa katotohonan at halos hindi tama. Pero nasaan nga ba katotohanan at sino ang makakapagsabi kung ano ang tama lalong lalo na sa usaping kung paano nabuo ang mundo— na wala naman talaga nakakaalam kung paano.
Ayon sa kanya ang ating mundo ay ginawa o hindi sinasadyang nagawa ng mga anak ng Diyos Amang Kaama-amahan. Galing ito sa kanilang mga kulangot, sipon at laway. Kung bakit magulo, masikot at hindi maintidihan ang mundo at ng buhay nang naninirahan dito ay dahil galing ang mga ito sa mga rumi ng mga anak ng Diyos Amang Kaama-amahan. Malayo sa katotohanan. Pero hindi rin naman malapit sa kasinungalingan.
Ang pinagmulan ng mundo, ng dakilang manunubos, ng tao, ng hayop, ng mga halimaw na mula sa pinakadambuhala hanggang sa pinakamaliliit, ng mga demonyo, at ng lahat pa ng kwento ng lahat ng simula ng mga pwedeng pagsimulan, ay pilit na pinagsiksikan dito ng nag-iisang Allan Derain sa kanyang librong: Ang Banal Na Akalat Ng Mga Kumag.
Pabiro ang kanyang tono kaya matatawa ka sa bawat talata pero hindi ka niya papayagan walang makuhang aral pagkatapos ng isang kabanata. Pinaghaluhalo ang mga kwentong pambata at pambayan, alamat, mito at kasaysayan para makabuo ng isang librong punong-puno ng dasal, saya, aral at sakit ng tiyan. At minsan sa kalagitnaan ng iyong tawa, pagtakip ng bunganga at pagpahid sa mga luha dahil sa hindi mapigil na saya ay biglang maglalatag ng katotohanan na sadyang nakakasakit sa puso. Hindi mo na lang mahahalata sa pagkatapos mong mabasa ang huling kabanata ay may nagbago na sa iyo at sa iyong pananaw sa iyong buhay nang hindi mo napapansin dahil sa pagkakaabala sa pagbantay sa Tres Pilares na bida sa kwetuhang inihain sa ating harapan ni Derain kasama ng kanilang Amang si Jojo, ang Dakilang Manunubos ng mga Kumag. Kung gusto mo talaga malaman kung sino si Jojo; ano ang Tres Pilares; kung kailan nagkaroon ng kahulugan ang salitang simula at kung kailan mararanasan ang totoong wakas; sino nga ba ang madaya at ang dinaya sa kwentong pambata tungkol sa pagong at matsing; saan at ano nga ba ang langit; ano nga ba ang mga kumag; paano nga ba sila matutubos; sa anong halaga; at kay sino sila tutubusin, ay gumawa ka nang paraan para makabili, makapuslit o makahiram ng librong ito. Kung bibili ka, hindi talaga masasayang ang iyong pera sa dami ng tawa, dasal, at aral ng iyong makukuha. Kung pupuslit ka naman, promise, hindi rin sayang ang mga araw na ilalagi mo sa kulungan sa iyong makukuhang karunungan. Kung manghihiram ka naman, siguraduhin mong walang galos mo itong ibabalik sa may-ari dahil baka sa susunod na libro ni Derain ay hindi ka na pahiramin.
Sabay-sabay na ating buklatin ang bibliya ng mga taong naniniwalang may pag-asa at halaga pa ang mga kumag, malakumag at mga nag-aastang kumag. Maniwala sa majica, makinig ng mabuti sa bawat ejemplo o pahimbangan, magbigay ng pera at ari-arian, makisali sa sayawan at kantahan, huwag magdududa sa bawat dasal at huwag mag-ingay dahil baka hindi gumana ang orasyon. Maki-“ Mamatay, mabuhay ka, walang kuwenta sa akin” na. At magkakapit libro tayong magtamo ng buhay ng walang hanggan kapiling ng Dakilang Manunubos na may apat na pangalan.