Ahon
Masakit.
Limang araw na ang nakalipas mula nang mangyari ang insidente pero hanggang ngayon iyon pa rin ang laman ng mga balita at ng mga talakayan sa bawat sulok ng unibersidad. Maging sa kada pindot ko ng social networking sites, dinadala lang ako sa alaala ng mapait na trahedyang sinapit ng pitong mga estudyante ng turismo sa ilog ng Madlum-- ang siyang kumitil sa mga buhay nila.
Parang tinatadtad ang puso ko sa tuwing makikita ko 'yung mga litrato ng mga batang biktima. Ang sarap titigan ng mga mukha nilang puno ng ngiti at binabalot ng kainosentehan.
Para akong pinipira-piraso sa tuwing nababasa ko lahat ng pangungulila ng mga naiwan nilang kaibigan, karelasyon at kapamilya. Kung paano sila magmahal, kabuti, at kapuno ng mga pangarap sa buhay. Nakakapanlumo. Masyadong maaga.
Para akong binubuhusan ng malamig na tubig sa tuwing maaalala kong hiram at panandalian nga lang pala ang lahat ng bagay sa mundong ‘to.
Pero kahit na sa mga ganitong kalunos-lunos na pangyayari, Siya lang talaga ang makakapitan mo. Sa ganito kadilim na yugto ng buhay, Siya lang ang ilaw na kaya mong masilayan. Ang tanging nakakapagpalubag ng loob na lang siguro ay ‘yung isipin na sa wakas, nakapagpahinga na rin sila. Na protektado na sila mula sa anumang trahedya dahil nasa bisig na sila ng Panginoon. Napakarami ng mga nagmamahal na tao dito sa kanila ngayon pero kahit pagsama-samahin mo man ang lahat ng pagmamahal na ‘yun eh hindi pa rin kayang mahigitan ang pagmamahal na mayroon ang Ama sa mga anak Niya. Kaya nakakakampante na rin sigurong isipin na sa mga kasalukuyang sandali, nararanasan na nila ‘yung pinakahigit at tunay na kahulugan ng pagmamahal.
Sa bawat tulo ng luha at hinagpis para sa nangyari, alam ko rin na hindi kumakawala sa pagkakayakap ang Panginoon. Gaano man kalalim ang Madlum, hindi pa rin nito matatalo ang lalim ng nag-uumapaw na pagmamahal at grasya na mayroon Siya.
Michelle Ann Rose Bonzo, Mary Magdalene Navarro, Maiko Eleva Bartolome, Jeanette Rivera, Helena Marie Marcelo, Sean Rodney Alejo, at Mikhail Alcantara, maraming salamat sa mga naiwan ninyong legasiya. Mananatili kayo sa puso ng bawat taong nagmamahal sa inyo at maging sa lahat ng BulSUan. Natatangi kayong mga kabataan sa lahat ng aspeto at hinahangaan namin kayong lahat. Inaabangan ko ang araw na makikilala ko rin kayo diyan sa itaas, mga kapatid.
Malamang napagod kayo nang husto sa trekking pero ngayon sige, puwede na kayong magpahinga.















