First Speech
Cabilauan Day Care Center
Moving-Up Ceremony
April 7, 2016
Delivered by: Miss Genevieve C. Serilo, Faculty Ateneo de Iloilo
Maraming salamat sa magandang pagpapakilala.
Hon. Liecel Mondejar-Seville, alkalde ng bayan ng New Lucena, Hon. Nestor Sibolinao, bise-alkalde ng ating bayan, Hon. Erwin Sustento, miyembro ng Sangguniang Bayan, Gng. Agnes R. Germo, MSWDO, Gng. Florencia Gardenia, isa sa mga naging una kong guro; ang ating Day Care worker, sa lahat ng nagsitapos ngayong araw na ito, mga magulang, magandang hapon sa inyong lahat.
Bago ko simulan ang aking maikling talumpati ay gusto kong pasalamatan si Gng. Gardenia sa pag-imbita sa akin na sa loob lang ng sampung segundo ay napa-oo ako. Alam din naman niya na hindi ako makakatanggi sa kanya. Bigyan natin siya ng masigabong na palakpakan!
Marahil ay iilan sa inyo ay nagtataka bakit ko ginamit ang wikang Filipino sa aking talumpati bagaman ngayon ay kinakabahan ako kay Propesor Sustento, isang dalubhasa sa Filipino, ay sa pagnanais ko na magkaroon tayo nang malapitang koneksyon dahil ito ay wika natin. Nararapat rin na bigyang-pugay ang kagandahan ng kung anong meron tayo. Sinasabi ko ito hindi dahil ako ay guro ng kasaysayan kundi tayo ay Pilipino.
Magsisimula ako sa panahon kung saan ang tanging kinakaharap ko na problema ay maghintay ng alas-kwatro sa hapon upang maglaro. Bakit kasi parang ang bagal ng ikot ng mundo pagkatapos ng tanghali? Kaya mapipilitan ka na lang matulog para na rin siguro tumangkad ka sabi nila. Noong nagsimula akong pumasok sa Day Care Center na mga dalawampung hakbang lamang mula sa bahay ay hindi ko alam bakit kailangan kong makinig kay Ma’am Eskay,kumanta’t sumayaw ng paa, tuhod, balikat, ulo at bigkasin ang angel of God, my guardian angel na hindi ko naman naiintindihan kung anong ibig sabihin nito hanggang sa nagustuhan ko na ang bumalik sa Day Care at makipaglaro sa mga naging una kong kaibigan. Ang ipinagtataka ko lang noon ay bakit matapos ang isang taon, ay kailangan ko pa ring manatali sa Day Care at ang iba kong kaibigan ay lilipat na sa kabilang kalsada. Noong hayskul ko lang napagtanto noong tumitingin ako sa mga luma kong larawan na dalawang beses akong umihip ng kandila sa cake sa loob ng Day Care. ‘Yun pala, tatlong taon lang ako nang simulang pumasok kaya kailangan ko pang manatili ng isa pang taon. Ano ang natutunan ko sa kaganapang ito?
Mga bata hindi niyo man lubos na maintindihan kung bakit kailangan ninyong maupo sa silya, makinig sa guro, sumulat, kumanta’t sumayaw at bumilang pero sumunod tayo sa sinasabi ng ating mga magulang. Kahit nakakatamad mang gumising nang maaga at pumasok sa paaralan araw-araw ay sumunod tayo sa sinasabi ni Nanay at Tatay, Lolo o Lola, Tiya o Tiyuhin o sinumang tumulong na magpaaral kayo. Alam nila kung ano ang makakabuti sa atin. Naranasan na nila ang pagsubok ng buhay at kung gaano kahalaga ang edukasyon. Ang pagsisikap nila na ihatid kayo araw-araw sa Day Care at maghintay sa inyo, ibigay kung ano ang inyong pangangailangan ay nararapat lang na suklian ninyo nang pagsusumikap sa inyong pag-aaral.
Bigyang-pugay din natin ang di matatawarang serbisyo ni Ma’am Eskay. Bukod sa nagpasalamat na ako kanina kay Ma’am Eskay ay gusto ko ulit bigyang pugay ang halos ilang dekada niyang pagtuturo sa mga bata sa Barangay Cabilauan. Kaming limang magkakapatid ay dumaan sa kanya. Naalala ko pa na minsan kung mayroong importanteng lakad si Nanay ay iniiwan muna ako sa bahay ni Ma’am Eskay; maglalaro lang kami ni Bordz Aprille at doon lang ako susunduin ni Nanay. Ang kanyang dedikasyon, pagpapasensya at pagsusumikap na hubugin kayo ay hindi matutumbasan.
Kaya mga bata gusto ko kayong bigyan ng pagkakataong mapasalamatan sa inyong mga magulang at guro, maari bang magsipagtayo kayo ngayon.
Mga bata, tumayo kayong lahat. Humarap kay Nanay at Tatay, Lolo o Lola, Tiya o Tiyuhin o sina Ate at Kuya at sundin ninyo ang sasabihin ko: Maraming Salamat! Mahal namin kayo!
Palakpakan ninyo ang inyong mga magulang!
Ngayon humarap kayo kay Ma’am Eskay at sundin ang sasabihin ko: Maraming salamat Ma’am Eskay! Mahal namin kayo!
Palakpakan ninyo si Ma’am Eskay!
Maaari na kayong magsiupo mga bata. Maraming salamat.
Ngayon, bigyan naman natin nang masigabong na palakpakan ang mga nagsitapos o graduates natin sa araw na ito!
Kayo ay napakaespesyal sa araw na ito. Nararapat lang na bigyang-pugay din kayo dahil natapos ninyo ang isang taon nang pag-aaral sa mga bagay na bago sa inyo. Nagsumikap din kayo na makinig, matuto, maglaro at makipagkaibigan. Kayo ay haharap na naman sa isang bagong taon – taon na puno ng bagong kaalaman at pagsubok na lalong huhubog sa inyong katauhan.
Nang tumuntong ako ng Kinder II ay tinanong ako ni Ma’am LecLec kung ano ang gusto ko paglaki ko, at walang pag-aalinlangan na sinabi kong: gusto kong maging nars! Noong panahong kasing yun napakaraming nars na pumupunta sa abroad at gusto ko din yun para matulungan ko rin naman sina Nanay at Tatay. Nagsumikap akong mag-aral nang mabuti. Pagdating galing sa paaralan ay nakasanayan ko nang tingnan ang aking notebook at pag-aralan ulit ang pinag-aralan namin, gawin ang mga assignments at kapag natapos na ay pwede na akong manood ng Doraemon, Dragon Balls, Teletubbies, Sineskwela, MathTinik at Batibot. Nung minsang pa-sekreto akong nanood muna ng TV ay hinabol talaga ako ni Nanay at pinapa-bigkas sa akin ang ABAKADA sa likod nang lumang kalendaryo. Kahit napipilitan dahil hindi ko na napapanood ang cartoons sa TV ay ginawa ko pa rin ang gusto niya. Nung tumuntong ako ng Grade 1 doon ko lang napagtanto na malaki ang tulong nang sapilitan kung pag-memorya ng ABAKADA dahil mabilis akong natutong magbasa.
Dito ako sa Cabilauan Elementary School nakapagtapos ng elementarya at nung tutuntong na ako ng hayskul ay maraming oportunidad ang dumating. Mga presteryosong hayskul sa Iloilo ang nagbukas ng pintuan sa akin. Handa naman ang mga magulang ko na suportahan kung ano man ang gusto ko ngunit pinili ko ang manatili dito at pinagpatuloy ang aking pag-aaral sa New Lucena National High School. Hindi ko pinagsisihan na nanatili ako dito. Isa sa pinakamakulay na kabanata ng aking buhay ang aking pag-aaral sa hayskul. Hanggang sa kolehiyo ay napagdesisyonan kong mag-aral sa isang state university; hindi ko na ipinagpatuloy ang pangarap ko na maging nars at sa hindi malamang dahilan ay kumuha ako ng BSEd Social Studies. Ngayon, ano ang natutunan ko sa mga pagsubok na kinaharap ko sa loob nang anim na taon ng pag-aaral sa elementarya, apat na taon sa sekundarya at apat na taon sa kolehiyo?
Una, hayaang ang iyong pangarap ang iyong makakapitan.
Kung dumating man ang umaga na tinatamad kang bumangon, mayroong di pagkakaunawaan sa iyong klasmeyt at napakahirap talaga ng matematika; ituon ang isipan sa nag-iisang dahilan kung bakit ka nag-aaral – ang iyong pangarap. Walang shortcut pagdating sa pagkamit ng pangarap. Hindi ito madali. Madadapa ka. Papawisan ka. Iiyak ka. Sige lang. ‘Yan talaga kapag nangangarap ka. Kailangang paghirapan.
Pangalawa, ang palaging sinasabi sa akin ni Tatay kapag sinasabi kong parang sasabog na ang utak ko sa kaka-memorize ng countries and capitals of the world, mga bundok, bulkan, karagatan, lawa, ilog na kilala sa buong mundo, mga bayani ng kasaysayan at mga napakahalagang kaganapan na bumago sa kasaysayan ng mundo: huwag matakot magSAKRIPISYO.
Kung tutuusin kaya akong pag-aralin sa mga pribadong kolehiyo sa lungsod. Kumuha ng nursing, engineering o ipagpatuloy ang pag-aabogasyo ngunit bakit ko pinili ang maging iskolar ng bayan? Sabi ko. Dapat hindi mahirapan ang mga magulang at kapatid ko sa pag-aaral sa akin sa kolehiyo. Kukuha ako ng entrance exam sa isang state university at sisikapin kong maging iskolar hanggang sa makatapos ako. Kaya, kinaya ko ang magsakripisyo. Napakahirap ng entrance exam sa West; dalawang exam at madugong interview pa. Sa awa ng Diyos nakapasa ako at tiniis ko ang apat na taon na maging government scholar; salamat sa SK at Academic scholar. Hindi imposible ang lahat kapag nagsasakripisyo. Marami akong mga klasmeyt na sobrang hirap nang pinagdaanan ngunit sa huli, sama-sama pa din kaming nakapagtapos at ngayon ay may trabaho na. Oo, iilan lang ang nabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa kolehiyo at iilan lang din ang nakapagtatapos ngunit hindi imposible ang lahat basta’t nagsasakripisyo.
Pangatlo, manalangin.
Alam ko Day care pa lang ay tinuturuan na kayong manalangin kasi noong panahon ko ay “angel of God, my guardian angel” ang tinuro sa amin. Hindi niyo man lubos na maintindihan kung gaano kalaki ang tulong ng panalangin sa inyo ngunit darating ang araw na pasasalamatan ninyo ang mga taong nagturo sa inyo na mapalapit sa Diyos. May mga pagsubok na darating sa buhay natin na ang unang makakatulong sa atin ay Siya dahil mamahalin niya tayo ng walang kondisyon.
Uulitin ko, una, hayaang ang iyong pangarap ang iyong makakapitan.
Pangalawa, huwag matakot magsakripisyo.
Pangatlo, manalangin.
Sa ngayon, ito lang muna ang maibabahagi ko. Marami pang pagsubok ang haharapin natin dahil mga bata pa tayo di ba graduates? Bago ko tapusin itong talumpati ay iiwan ko sa inyo ang isang napakagandang tula na isinulat ni Forest Witcraft para sa mga guro, magulang at mga taong tumulong upang makamit ng mga graduates natin angayon ang unang hakbang patungo sa kanilang pangarap.
One hundred years from now It won't matter What kind of car I drove What kind of house I lived in How much money I had in the bank Nor what my clothes looked like BUT The world may be a little better Because, I was important In the life of a child.
Maraming Salamat at magandang hapon sa inyong lahat.










