Ang Babae at Ang Lugar nito sa Pakikibaka sa pelikulang Kwentong Barbero ni Jun Lana
Ang mga kwento ay nagmula sa iba't ibang storya at karanasan ng ating lipunan na kung saan katotohanan itong naganap na siyang nakapaloob sa mga pelikula. Dito naisasalamin ang mga isyung panlipunan pati ang mga bagay na personal sa atin sa kasalukuyan man o maging sa nakaraan.
Ang mga pelikulang ito ay nagsisilbing daan upang matalakay ang kalagayan ng mga mamamayan sa lipunan. Karamihan sa mga pelikulang ito ay nagmula sa impluwensiya ng teoryang marxismo at aktibismo na kung saan naglalayon ipaglaban ang mga karapatan ng uring mangagagawa. Sa pelikulang Barber's Tales o Kwentong Barbero ni Jun Lana ating hihimayin ang kwento patungkol sa isang babae laban sa chauvinism o anyo ng matinding patriyotismo at isang paniniwala sa pambansang kataas-taasan at kaluwalhatian.
Ang Kwentong Barbero na pinagbibidahan ni Eugene Domingo ay kwento ni Marilou, asawa ng isang barbero na kung saan hinimok ang sarili na ituloy ang naturing trabaho ng kanyang asawa mula nang mamayapa ito. Ang pelikula ay naka-sentro sa probinsya at noong panahon ng martial law. Dito ating tatalakaying ang mga ideolohiya gaya ng patriyarkal, mga paniniwala, relihiyon, kurapsyon at paglabag sa karapatang pantao na nagdudulot ng hidwaan sa ating lipunan.
Sa unang parte ng pelikula, tanyag dito ang isyu ng patriyarkal. Ipinakilala si Marilou bilang isang asawa na kung saan gagawin hindi lamang ang kanyang tungkulin bilang may bahay kundi pati na rin ang pagsunod sa utos ng kanyang asawa. Lumitaw rito ang serye ng pangmamaliit sa kababaihan lalo na't kung nakagawa ito ng pagkakamali. Parte pa nito ang magkabaliktad na paglalarawan mula sa kulturang Pilipino na ang mga kababaihan na relihiyoso ay kadalasang tumutugon sa mga padasalan samantalang ang mga kalalakihan naman ay sa prostitusyon. Nang mamatay si Jose dahil sa bangungot isang paniniwala ng mga matatanda, ay sinibukang ipagpatuloy ni Marilou ang pagbabarbero. Kaakibat nito ay ang mga misogonistang pahayag mula sa mga madla na walang kakayahan ang kababaihan sa pagugupit o sa pagiging barbero. Ngunit sa tulong ni Father Arturo, isa sa mga ginupitan ni Marilou, naipakalat niya na ang naggupit sa kanya ay isang babae. Nagsisimbolo lamang ito na si Father Arturo bilang simbahan ay bukas sa mga bagong ideya na taliwas sa dominanteng ideolohiya. Subalit, kahit pa naipahayag ito, wala pa rin dumalo sa kanyang barbershop. Ito lamang ay nagpapakita na ang patriyarkal ay naghaharing ideolohiya na nagsisiil sa mga kababaihan.
Naipakita rin sa pelikula na ang mga naghaharing uri ay ginagamit lahat ng kanilang kapangyahiran upang malinlang ang masa at manatiling mangmang. Si Edmon ay inaanak ni Marilou na nag-aral sa Maynila, rito kanyang ibinunyag ang mga nagpamulat sa kanya laban sa gobyerno kaya't sumapi ito bilang parte ng New People's Army. Sa ikalawang act ng pelikula, binali nito ang ang pamantayan ng lipunan na walang kakahayan ang kababaihan. Dito nagbigyang kapangyarihan si Marilou sa tulong ng mga kababaihan gaya ni Sonya at Tess na kabalikat niya sa pagtratrabaho at kay Rosa, isang prostityut na inutusan ang kanyang kostumer na sa kanya magpagupit. Marahil ay magkaiba man sila ng pananaw bilang tao, nanatili pa rin ang koneksyon nila bilang isang babae sa lipunan.
Mula rito ay lumitaw na ang mga kalupitan ng mga awktoridad laban sa mga rebelde pati na rin ang mga nadadamay na inosente. Marahil kontrolado ni Marcos lahat ng aspeto noong Martial Law, hindi naiiwasan ang mga maling kuro-kuro na itunutuon sa mga madla. Layunin nitong takutin ang mga mamayan at para maduwag na lumaban kahit na inaalipusta hindi lamang ang mga karapatan kundi pati na ang mga buhay na kapalit nito. Isa sa mahalagang engkwentro sa pelikula ay nang patayin ng mga awktoridad ang pari. Nagpapahiwatig lamang ito na hindi titigil ang gobyerno sa kanilang kasuklaman tutol man ang simbahan. Mula sa mga ganitong pangyayari, ito ay naging daan upang isulong ng simbahan ang mapayapang rebolusyon upang patalsikin si Marcos.
Ito ang naging dahilan upang lumaban si Marilou at imulat ang kanyang mga mata sa tulong ni Edmond. Ang pagiging martyr ni Father Arturo ang nagsilbing posporo upang lumiyab ang kanyang pakikipaglaban. Subalit may isang pangyayari na nagbunyag kay Marilou na siya ay kasapi sa mga rebelde kaya't itinuring na siyang social outcast dahil na rin sa takot ng madla na madamay. Bilang isa siya sa tagagupit ng Mayor, naging kaibigan niya ang asawa nito na si Cecilia. Rito naman ibinunyag ang mga pangaabuso na natatanggap ng isang babae mula sa isang makapangyarihan na lalaki. Umabot pa ito sa punto na nawalan na sa katinuan mula sa mga malulupit na karahasan niya rito. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagpakamatay si Cecilia sa harap ni Marilou. Sa kasagsagan ng pagkamatay ni Cecilia, si Marilou ay pwersang pinatahimik ng Mayor na may halong pagbabanta. Itinago sa publiko ang tunay na pagkamatay ni Cecilia at itinugon ang sisi sa mga rebelde kung bakit ito nasawi. Nagpatunay lamang na sinungaling at traydor ang gobyerno na gagawin lahat para lang sa kani-kanilang personal na interes. Palibhasa'y isang mayor at nakuha ang sympatya ng madla mula ng isisi ito sa rebelde, nakuhang imbitahan si Marcos upang dumalo pa sa lamay ng patay. Kaya naman naimbitahan si Marilou upang gupitan ang Mayor bago magpakita sa lamay.
Matapang na ipinamalas ni Marilou ang puot at galit matapos nitong mapuno sa lahat ng kasakiman ng gobyerno. Dito nagsimula ang tunay na laban. Ito ang pagkislap ng mga pagbabago kasabay ng kanyang mga pinaglalaban bilang babae sa pakikipagbaka. Sa tulong ng kolektibong aksyon ng mga babae, nakatakas si Marilou sa kanilang bayan upang magampanan ang kanyang tungkulin at pakikipaglaban. Pinutol nila ang kani-kanilang buhok upang mahirapan ang militar sa paghahanap at tanda ng pagsibol ng pagbabago.
Sa huli, siya ay kasapi na ng rebelde na lumalaban para sa karapatan ng mga uring mangagawa at nasa laylayan. Rito tinutululan ang pasismo na kung saan ang tanging layunin lamang ay makamtan ang hustiya at kaayusan.
Sa pelikulang ito, hindi lamang ang papel ng babae sa lipunan ang isiniwalat bagkus pati rin ang kakayahan ng mga pilipino kumilos tungo sa pagbabago.
Kaya't ang counter cinema gaya nito ay nagbigay daan upang gumawa ng pelikulang lantarang tinututulan ang ideyolohiyang nagmumula sa sa mga mapangabusong namumuno at makapangyarihan sa lipunan. Ang layunin nito ay magudyok ng malawakang diskurso ukol sa sistemang mayroon noong Martial Law pati na rin ang pagpatay sa mga aktibista at rebeldeng may layunin na para sa kabutihan ng masa.
Ang pelikula ay may kapangyarihang ikiling ang perspektibo ng masa. Hindi lamang ito panglibangan bagkus ihamon at itulak sila papalapit sa katotohanan. Sa platapormang ito, mas naipalalakas natin ang boses ng masa lalo na ang mga hindi makapagsalita. Marapat lamang na tumungo tayo sa masa. Mahalaga na mabigyan sila magandang representasyon at mailahad nang malinaw ang boses na ipinagkait sa kanila. Bilang isang manlilikha dapat ang tanging layunin natin ay matulungang makamtan ang panglahatang ikabubuti para sa lipunan. Sa panahon na mayroon tayo ngayon na puro panreredtag, ito ay isang peligro lalo na't marami na rin ang walang awang namasker dahil sa kanilang pinaglalaban. Kung si Marilou ay tinawag na rebelde dahil ginagawa niya kung ano ang tama, iginigiit ang hustiya, lumalaban at sumusulong para sa ating karapatan. Ikaw? Rebelde ka rin nga ba?
Never Not Love You: Love in Millennial Labor Diaspora Film Review
Marami ng mga romantikong storya ang nakwento – nagsimula sa pagkikita, nagkakilanlan at nagkatuluyan. Hinahaluan na lamang ito ng sub-plot o mayroong kakaibang tema, pati na rin ang pagbibigay ng sariling istilo at boses ng isang kwentista sa kanyang istorya upang maging kakaiba ang naturang pelikula. Isa ito sa naging daan ng karamihan sa mga sikat na loveteams noon at ngayon sa bansa. Ang Never Not Love You (2018), pelikula ni Antoinette Jadaone ay tumatalakay sa storya ni Gio (James Reid) at Joanne (Nadine Lustre), sa kanilang 20s na walang bahala, marubdob, at padaskul-daskol sa pagmamahal. Ngunit sinubok/produkto ng socio-economic conditions at posisyon sa political economy pati na rin ang kanilang mga pangarap na nagdala sa kani-kanilang landas. Matapang itong tinanggap ni Nadine Lustre at James Reid bilang isa sa mga malalaking loveteams sa kasalukuyan dahil ito ay kakaiba at realidad na representasyon ng pag-ibig na hindi lamang sa konsepto ng pagbuo ang pinakita kundi sa pagpapanatili rin. Sa aking pagsusuri ng pelikula, hahatiin ko ito sa limang bahagi, mula sa sipi ng official poster ng Never Not Love You, ito ay ang “Ang pag-ibig ay m̶a̶s̶a̶r̶a̶p, m̶a̶d̶a̶l̶I, f̶o̶r̶e̶v̶e̶r, bullshit. “
Ang pag-ibig ay m̶a̶s̶a̶r̶a̶p.
Sinimulan ang pelikula sa isang kanta ni Kitchie Nadal na “Bulong”. Sa pagsusuri pa lamang ng mga liriko ng kanta, makikita ang metaporang istilo nito. Malalim at di mawari kung ano nga ba ang ibig sabihin nito pero inilapat ng pahapyaw ang kanta sa unahan ng pelikulang Never Not Love You na kung iintindihin ang nangyayari sa eksena habang tumutugtog ang kanta ay simbolo ito ng pagkapit sa kung anong meron ang dalawang karakter, na wala pa bakas ng kung anong mangyayari, pero ramdam ang koneksyon nila. Gaya nga sa liriko “Minsan ang kagitingan ay wala sa bigat ng pinapasan. Sa pagsuko’t pagharap ng kabiguan.” Maaaring ang kahulugan nito ay kailangang harapin ang mga pagsubok sa buhay dahil ang kaginhawaan na mararating kapag nalampasan ay di mararamdaman ang bigat na ating pinapasan. Sumakatuwid, kung aanalisahin ito ng malalim, maaari itong patungkol din sa mga labor workers na biktima ng sistema sa Pilipinas. Ika nga sa liriko ng kanta, “tumatakbo ang oras, gumising ka’t bumangon na pagka’t hindi na ikaw ang biktima”, kailangang kumayod ng mga labor workers at mahalaga ang oras sa kanilang nasa ilalim ng food chain. Katulad ni Joanne sa kanyang pagmamadali na makarating sa kanilang opisina na nagudyok sa paghatid ni Gio. Makikita rin ito sa mga sumunod na mga eksena sa pelikula. Batay sa aking pagsusuri, ang buong kahulugan ng kanta ay pagsusumikap sa kabila ng napakaraming pagsubok sa buhay.
Sa unang sampung minute ng pelikula, tanda na si Joanne ay may mapagka-konserbatibo. Naglalakihan man ang kanyang dibdib ay balot naman ito ng mahabang mangas. Batid niya rin na siya ay galing sa probinsya ngunit may pagtatangkang hindi siya basta-basta malilinlang at mayroong malaking ambisyon sa buhay. Taliwas naman ito kay Gio, isang happy-go-lucky at walang pakialam sa anuman ang kanyang itsura. Base rin sa kanyang accent ay may halong banyaga ang dugo nito. Sa kanilang pagtagpo, walang pagmamalabis, hindi pilit at natural ang mga pagkilos na klaro na si Gio at Joanne ay magkakatuluyan. Isa sa mga alindog ng tambalang JaDine (James at Nadine) ang effortless chemistry na nagbibigay kilig on-screen at malalim na pagunawa sa kanilang mga karakter. Nagsimula ito sa mga serye ng pabor o tulong – paghatid at sundo, sabay at paglibre ng pagkain, pagtulong sa paggawa ng Powerpoint at iba pa na nakakahulog sa isang halaghag at walang taros na pagmamahal.
Maliwanag sa pelikula gaya ng mga ilaw sa kalsada ng Makati ang pagpapakita ng kasalukuyan, simple lamang ngunit pamilyar ang depiksyon ng mga sandali ng ating kabataan o pagiging millennial. Bilang isang corporate worker, isa ito sa nagbigay linaw kung gaano ka kintab at kagaspang ang siyudad. Maaring oda ito ng direktor sa kanyang sarili noong siya ay nagtapos sa kolehiyo at nakikipagsapalaran sa lungsod. Lugar na karamiha’y pinupuntahan upang makamtam ang kanilang mga pangarap na may halong pangamba sa mga pagkabigo at pagkamatay ng hangarin para lang sa pera at karir. Ang syudad na ito ay hindi na kasing tulad ng Maynila: Sa Kuko Ng Liwanag (1975) ni Lino Brocka o Working Girls (1984) ni Ishmael Bernal. Kalimitan nakikita na natin ang mga obrero tuwing gabi kasabay ng mga call center agents at mga lugar na itinatambayan ng panandalian pagkatapos ng nakakapagod na araw. Kadalasa’y nakikita natin si Joanne at Gio sa isang 24-hour convenient store tuwing gabi, magkasama at kung minsan ay nagtratrabaho dahil nakalubog sila sa isang lipunan na inaasahang magtrabaho ng bente kwatro oras upang maitawid ang kanilang mga sarili at pamilya sa kahirapan. Sa kadihalanang iyon, mas lumago pa ang pagmamahal ng magkasintahan. Malinaw na tuwing gabi lamang nagkikita sina Gio at Joanne pagkatapos ng kanilang trabaho. Ika nga sa soundtrack ng pelikula na Prom ni Ebe Dencel, “Parang atin ang gabi, para bang wala tayong katabi.” Inilalarawan ang gabi bilang pahinga ng isang mangagawa sa kanyang mga tungkulin bilang isang alipin ng trabaho. Oras na kung saan mapagbibigyan ang mga pusong umiibig. Sa mga sandaling iyon, niyakap ng mga karakter ang gabi, anuman mangyari ay itinabi ang oras na ito para sa kanila lamang dalawa. Ang pag-ibig nga ay tunay na masarap, hindi ito basta-basta malulupig. Ngunit sa kanilang socioeconomic conditions mapupunan ba ng pag-ibig ang gutom nila hindi lamang sa tyan pati na rin sa pagkamit ng mga ambisyon? Sapat na nga ba ang pag-ibig?
Ang pag-ibig ay m̶a̶d̶a̶l̶i.
Ang salitang madali ay mayroong dalawang kahulugan ito ay ang mabilis o quickly at magaan o easy. Sa pelikulang ito ipinakita kung gaano kabilis nabuo ang pagmamahalan ni Gio at Joanne. Hindi masasabing hindi pinagisipan ngunit hindi rin naman sapat upang mapagkakilanlan. Kung mabilis ang mga pangyayari sa isang relasyon ay maari itong magresulta sa hindi lubusang pagkakilanlan sa isa’t isa. rito sinusubok ang kanilang relasyon hindi lamang sa kanilang istado sa buhay pati na rin ang kanilang mga pagkakaiba. Si Gio ay may komportableng buhay na may suporta ng kanyang ama mula sa ibang bansa. Nayanig lamang ito nang bigla siyang hindi na susustentahan dahil sa maraming rason. Lumabas ang kanyang ugali na ikinagulat ni Joanne kung papaano hinarap ni Gio ang sitwasyon.
“I just want to be happy. That’s it. Choose to be happy…ganun lang yun.” ika nga ni Gio nang tanungin siya ni Joanne kung ano ang mga pangarap niya. Maaring ganun lamang kadaling sabihin iyon kung ikaw ay may pribilehiyo. Tipong hindi mo iniisip kung may kakainin ka pa ba kinabukasan. Kabaliktaran naman ito kay Joanne na may malaking ambisyon sa buhay. Bilang babae na hindi naman nakapagtapos sa magandang eskwelahan gaya ng UP o Ateneo at hindi rin nakapagtapos ng may karangalan, tuwid at tiyak ang kanyang mga plano o pangarap na maging isang brand manager, magkaroon ng isang itim na sasakyan at mabigyan ng magandang pamumuhay ang kaniyang pamilya. Si Joanne ay isang breadwinner. Siya ang inaasahan ng kanyang pamilya na parte ng isang lower to middle class mula sa Zambales. Tanging ang pagiging stable at pagsusumikap ang magiging daan upang siya magkaroon ng isang komportableng pamumuhay.
Sa walang pangambang alok ni Gio na bumuo ng panibagong buhay magkasama, ito’y tinanggap ni Joanne nang buong-buo. Nakilala ng lubusan ang isa’t isa, nalaman ang kanilang mga pinagkaiba, nanatili, at nagkasunod sa gitna para sa isa’t isa. Ang pag-ibig ay tunay na hindi lamang purong paru-paro sa tyan. Mayroon din itong sigawan, alitan, malulutong na mura at hindi pagkakasunduan. Ang pag-ibig ay kompromiso. Nakatanggap si Gio ng alok na trabaho bilang Graphic Designer sa London. Isa sa nagbukas nang hamon para sa dalawa sapagkat ayaw ni Gio na malayo kay Joanne. Hindi naging madali o magaan ito para sa magkasintahan ngunit sa huli, isinakripisyo ni Joanne ang kanyang sarili at tuluyang isinantabi ang pangarap para sa pag-ibig. Habang si Gio ay may regular na trabaho, si Joanne naman ay patuloy na sinubukang maghanap ng trabaho sa kabila ng mga pagtanggi dahil sa kanyang kakulangan sa karanasan. Umabot sa punto na tinanggap niya ang pagiging café assistant na sa kasamaang palad ay nakatanggap pa siya ng diskriminasyon dahil sa kanyang kulay.
Katulad ng mga pelikulang Sana Maulit Mulli (1992), Milan (2004), Barcelona: A Love Untold (2016) at iba pang nagpapakita ng diaspora sa pelikula, ang mga millennial na karakter ay pinipiling magtrabaho sa ibang bansa at magpatuloy ng kanilang pag-iibigan bilang overseas workers. Subalit ang pag-iibigan na ito ay maaring manatiling buo ngunit ito rin ay isang bagay na maaring magbago, hindi inaasahan at nakakapagpabagabag kahit na nagmula sa isang lugar na pinagmulan ng kanilang tiwala at katapatan.
Ang pag-ibig ay f̶o̶r̶e̶v̶e̶r.
Hindi sapat ang pagbibigay ng kompromiso para sa isa’t isa. Lalong lalo na kay Joanne. Inabandona niya ang kanyang trabaho sa Pilipinas at sumama kay Gio sa ngalan ng pag-ibig. Sinubukan niyang ipagpatuloy ang kanyang pangarap, nagsumikap siya sa paghahanap ng trabaho, ilang beses tinanggihan at tinanggap ang trabahong hindi marapat. Ika nga ni Joanne, “Masaya ako ‘pag magkasama tayo, masaya ako pagnakikita kita, pero ‘pag mag-isa na ako, Love. Na-rerealize ko na hindi na ako masaya eh.” Ang pag-ibig ay hindi kinakailangan katumbas ng kasiyahan. Dito nagkaroon ng gusot sa mga pangarap at hangarin ni Joanne kaya’t hindi na siya masaya lalo na’t kapag mag-isa na lamang siya. Mayroon siyang sariling pangarap para sa sarili niya na dapat abutin. Itinaas sa pedestal ang kababaihan na dapat ay hindi nanatili lamang sa kung ano ang inihain para sa kanila. May puwang sila sa mundo na kayang kaya nilang abutin, anuman at saan man. Ninais ni Joanne na bumalik ng bansa, masakit at mahirap man. Sa kanyang pag-uwi, sumiklab lalo ang mga problema at hidwaan ng magkasintahan. Bukod sa long distance relationship, iba na rin ang mga priyoridad nilang dalawa at yun ay ang trabaho hindi na ang kanilang relasyon. Naging hamon sa kanila na panatilihin at mamalagi ang pagiibigan kahit na magkalayo sila at may mga namumuong problema sa hinaharap. Ang pag-ibig ay hindi na kasing tulad ng dati.
Sa pelikulang ito, isinagad ang pagpapakita ng realidad – mumurahing airlines, maliit na tirahan, video calls, pampublikong sasakyan, mga taong naglalakad ng naka-earphones, pag-angkas, alak at iba pa. Isa sa espesiyal din dito ay ang editing tuwing naguusap si Gio at Joanne na magkaibang mundo. Makikita sa screen ang isang 16:9 ratio, isang depikasyon ng sukat ng isang screen ng telepono. Mararamdaman ng isang tagapanood na parte siya ng kanilang kwento na para bang ikaw mismo ang kinakausap ng kasintahan. Malinaw rin ang mga gliches at pag-lag o hang ng screen dahil bilang nakatira sa third world country, mabagal ang internet connection.
Ang pag-ibig ay bullsh*t.
Kagaya ng isang mabagal na internet connection, ito’y ay maaring maging malabo at magulo. Kagaya ng pag-ibig, kapag ito ay nababalot na ng mga pangamba at walang kasiguraduhan. Si Joanne, na patuloy na nakakamit ang kanyang pangarap ay onti-onting nagbabago. Malayo sa kung sino siya noon, na minulat ng karanasan at panahon. Ganun din naman si Gio na patuloy na nagiging matagumpay bilang Graphic Designer sa London. Nakukuha na nila ang kani-kanilang mga pangarap at walang humpay ang kanilang pagsibol para sa sarili at maari ring para sa kanila. Malaya si Joanne na gawin ang kanyang gustong gawin. Nakamit niya na ang pinangarap niyang kotse ngunit hindi na ito kulay itim. Malaking bagay para sa kanya ang validation mula sa kanyang ama. Sa patriyarkal na mundo, malungkot man sabihin ay bukod sa para sa kanyang sarili ay para rin ito sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang ama. Gayunman, ang lahat ng pangarap ni Joanne ay nakamit gamit ang sarili niyang mga kamay at paa. Napatunayan niya na kahit nasa ilalim siya ng food chain makakaahon siya mula rito at mapagtatagumpayan niya. Malaking pagbabago ito hindi lang sa kanyang estado pati na rin sa kanyang pagkatao. Produkto lamang ito na ang pag-ibig ay nakabase sa socio-economic conditions pati na rin ang estado sa lipunan. Hindi naman din natin masisisi si Joanne dahil hangarin niya ito simula pa lamang ng una.
Ngunit gaya ng sabi ni Joanne, hangga’t nandun pa naman ang pag-ibig pwede pa. Pwede pa ba nga? Ang pag-ibig ay punong puno ng walang katiyakan. Mababalot ka ng mga kwestyon na na ninais mong makuha ang mga sagot. Ang pag-ibig ay walang patlang na proseso ng pagdududa. Kaya’t malinaw rin sa pelikula kung gaano pinatunayan ng magkasintahan ang kanilang pagmamahalan tungo sa hindi mabilang pagpapalitan ng “I love you” sa isa’t isa. Ngunit sa pangatlong act nito, hindi na natin masyado naririnig ang pagsambit ng mga matatamis na salita. Ang katangian ng pag-ibig ay tuluyang nagbago dahil sa pagbibigay kompromiso para sa kanilang mga sarili.
Makikita sa ispesipikong eksena na kung dati ay lumingon si Joanne at Gio kapag sila ay maghihiwalay ng landas partikular sa airport. Napagusapan kasi nila na huwag silang lilingon sa isa’t isa noong paalis ng London si Joanne papuntang Pilipinas, ngunit hindi nila natiis ang isa’t isa kaya naman lumingon ito at tuluyang nagpaalam nang may hinagpis. Ngayon na pabalik si Gio patungong London, nagsimula nang di mawari ang emosyon ni Joanne. Hindi na rin siya lumingon kagaya ng dati at ni walang halong bakas ng luha mula sa kanyang mga mata. Tiyak malungkot si Joanne, at ang airport ay isa pa rin sa pananda ng kalungkutan tuwing mamaalam sa iyong mahal sa buhay. Subalit hindi na ito kasing tulad ng kung papaano lumuwas si Josie (Vilma Santos) patungong Hong Kong sa pelikulang Anak (2000) na nagsisi-awitan ang kanyang mga anak sa pag-iyak dahil sa pagalis at paghiwalay nito.
Sa huling eksena, makikita sila sa loob ng sasakyan, binabalik-balikan ang mga gunita noong sila ay magkasama sa Makati man o sa mga kalsadang sila’y nagbuo ng masasayang alaala. Para bang pinapanood nila ang kanilang mga sarili sa loob ng kanilang relasyon noon at ngayon. Magkahawak ang kanilang mga kamay, habang tumutugtog ang paborito nilang kanta – “Prom”. Ang kanilang mga mukha ay punong puno ng pangamba at walang kasiguraduhan patungo sa hinaharap. Hindi alam kung may galak o may takot. Dati’y nasa motorsiklo lamang sila ngayo’y nasa kotse na. Malaki ang pinagbago. Hindi na tulad ng dati. Ang pag-ibig ay hindi na tulad ng dati. Ngunit ang mahalaga ay sa wakas magkasama na sila. Maraming mga interpretasyon ang nabuo sa pagtatapos ng pelikulang ito. Maraming nagsasabi na happy ending, at ang iba naman ay sad ending. Maaring hindi na sila masaya o kumakapit pa. Unti-unti na silang binabalot ng dilim sa dulo. Dahan-dahan. Para bang kasabay nito ay ang pagkawala rin ng kanilang mga alaalang binalikan. May luha sa kanilang mga mata habang pa-fade to black na ang pelikula. Katulad ng kung paano ito sinimulan sa isang kanta ay itinapos din ito sa isang kanta. Ang kanta na perpekto para ipakita ang walang katiyakan at pangamba. Ika nga sa kantang Prom, “Matapos man ang sayaw, pangakong hindi ka bibitaw… Huwag na huwag kang bibitaw.” Kahit na wala mang kasiguraduhan sa mundong ito, marami mang dumaang pagsubok, huwag kang bibitaw.
Ang istorya ay umiikot sa buhay ng isang magandang babae na nagngangalang Serena Marchesa-Ibarra, o sa pagusad ng panahon ay kilala rin bilang si Monica Urtola (Liza Soberano). Si Serena ay inampon ng isang mayamang italyanong ama at ina noong siya ay isang munting sanggol pa lamang. Noong nalaman niya na siya ay magiging parte ng isang napagkasunduang kasal, sinubukang niyang tumakas sa kaniyang masamang kapalaran at pumunta sa Pilipinas. Simula pagkabata, malaki na ang pagkainterasado ni Serena sa Pilipinas, sapagkat ang kaniyang yaya ay isang Filipina at gawa narin ng mga istoryang ikinuwento sa kanya ng kaniyang “Penpal Friend” na taga Pilipinas din. Doon, natagpuan niya at nagustuhan ang kaniyang “Penpal Friend”, na si Tenten (Enrique Gil), isang mahirap at matiyagang ampon na lalaki sa Tondo. Siya ay napilitang magtrabo ng mahihirap na trabaho para lamang sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Sa kanilang pagkakakita sa isa’t isa, ano na nga ba ang mangyayari?
Siya ay isang Filipina na inamanpon ng isang mayamang italyano noong isang sanggol lamang siya. Pinalaki siya na parang isang prinsesa, may magandang edukasyon, madaming lingcod, pati narin ang kaniyang Filipina yaya na nagsilbing parang pangalawang nanay niya. Gayunpaman, kahit maselan man ang pagpapalaki sa kaniya, gusto parin niya ang simpleng buhay na sa kabilang banda ay pinaka ayaw ng kaniyang ina. Sa kadahilanan ng kanyang Filipinang yaya at ng kaniyang ama na nagsasalita ng tagalog tuwing kinakausap, naging interisado sa bansang Pilipinas. Upang matakasan niya ang arranged marriage niya sa kaniyang pinakamatalik na kaibigan na si Gian Carlo (Mateo Guidicelli), pumunta siya sa Pinas at doon niya nakita at nakilala si Simon na tinatawag ding Tenten.
Simon Vicente "Tenten" Ibarra (Enrique Gil) sa kanan
Si Simon ay isang masakitin na bata. Nakatira siya sa isang bahay ampunan hanggang inampon siya ng pamilya Ibarra. Sa kagandahang loob ng mga umampon sa kaniya, ibinenta nila ang kanilang malaking lupa para lamang mapagaling si Simon sa kaniyang malubhang sakit. Upang maibalik ni Simon ang nawalang lupa ng pamilya Ibarra, siya ay nagsimulang magtrabaho ng mahihirap na gawain katulad nalamang ng adbertiser, construction worker, driver, at madami pang iba. Noong sa isang pagkakataon na naging callboy si Simon ay nakita niya si Serena at siya ay ihinire nito.
Giancarlo de Luca ( Matteo Guidicelli) sa kaliwa
Siya ang pinakamatalik na kaibigan ni Serena na taga italya. Siya ay ang kababata at nag iisang kaibigan ni Serena. Sa paglusad ng istorya, siya ang napagkasunduan mapapakasalan ni Serena. Mahigit na nagugustuhan niya si Serena, ngunit hindi kaya ni Serena na mahalin si Giancarlo na mas hihigit pa sa isang kaibigan.
Siya ang italyanong ina ni Serena at ang tunay na ina ni Tenten. Siya ay tutol sa pag ampon kay Serena, gayunpaman ay nagawang mag ampon ng kaniyang asawa ng hindi niya nalalaman. Tutol rin siya sa pangarap ni Serena na magkaroon ng simpleng buhay sapagkat naniniwala siya na ang pagiging ordinaryo ay ang pinakamasamang bagay sa mundo.
Madaming isyung panlipunan ang naitalakay sa teleseryeng ito. Ang unang ehemplo ay ang “Socio-Economic Discrimination” o sa ibang salita ay ang problema ukol sa deskriminasyon ng mayayaman sa mga mahihirap. Sa panahon natin ngayon, laganap parin ang panglalait sa mga mahihirap. Madaming ding mga video ang makikita sa internet tungkol sa isyu na ito. Makikita rin itong isyung ito sa pagtingin ng ibang bansa sa Pilipinas. Maraming bansa na nagsasabi na ang Pilipinas ay isang pulubinging bansa. Laging umaasa sa tulong ng iba katulad nalamang ng US, Tsina, at Russia. Itong isyu na ito ay malala at dapat kailangan na natin ito ayusin sa ating bansa.
Ang pangalawang isyung panlipunan ay ang “arranged marriage”. Lihis sa ating kaalaman na sa hernerasyon natin ngayon ay meron paring nagaganap na mga napagkasunduang kasalan sa ating bansa. Mapa may nakakalamang na rason man o hindi. Madalas na ang mga kasal na ito ay nauuwi sa diborsyo at sirang pamilya sapagkat hindi nagmamahalan ang isa’t isa. Ang isyung ito ay lubhang nakakaepekto sa ating lipunan sa kadahilanan na ang sirang pamilya ang madalas nagiging rason pagkakaroon ng iresponsableng mga anak. Katulad nga ng sabi ni Dr. Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, paano na kaya ang atin bayan o bansa kung ang ipinapakita ng mga matatanda sa mga nakakabata ay pagiging irresponsible.