kadre sa realidad.
magtatatlong buwan na simula noong nakulong tayo sa ating mga tahanan alinsunod sa ipinatupad na lockdown ng gobyerno upang maiwasan ang mabilisang paglaganap ng virus sa bansa. ibig sabihin, magtatatlong buwan na rin tayong nagtitiis at nabibigo sa mga ginagawa nilang pag-aksiyon sa lumalalang krisis na ito. mula sa kakulangan sa plano, pagmamanipula ng batas at pagpabor nito sa mga naghaharing-uri, pagiging ganid sa kapangyarihan, at pati na rin ang pagsasawalang-bahala sa mga hinanaing at sigaw ng sambayanan. talagang lantaran ang pagpapatupad ng rehimeng ito ng mga polisiyang anti-mamamayan.
dahil sa mga pangyayaring ito, maraming pilipino ang naglahad ng kanilang mga hinanaing sa mga social media platforms na siya namang unti-unting pinupuksa ng administrasyon. bawal daw kasi ang lantarang paninirang-puri sa presidente alinsunod sa bayanihan act na ipinasa kamakailan lamang kung kaya't marapat lamang na ipahiya o padalhan ng subpoena ang mga kritiko.
takot ang rehimeng ito sa masa— iyon ang lumiglig na ligalig sa aking isip dahil sa kabila ng kinahaharap na pandemya ng bansa, niraratsada naman ngayon sa kongreso ang anti-terror bill na siyang magiging legal na kasangkapan upang patuloy na busalan ang bibig ng mga namumuna. hindi na rin naman kasi lingid sa kaalaman ng marami ang pagkakaroon ng negatibong konotasyon sa aktibismo at sa ilang aktibista, lalo na sa mga nagwawagayway ng bandilang pula at nagmamartsa sa kalsada. anuman ang ipinaglalaban, tinitingnan bilang malaking sagabal ang pagkilos at pagbatikos sa pag-unlad ng lipunan. namanayani kasi ang perspektibong dapat panatilihin ang panlipunang kaayusan. at para sa isang mamamayang hindi mulat, ang radikal na pagbabago ay magbubunga lamang ng kaguluhan. sa halip na tingnan ang obhetibong dahilan ng aktibismo, mas binibigyang-diin ang di-umanong subhetibong katangian nito. ang ganitong klaseng pagkilos ay pinagdaraanan lang daw ng kabataan dahil sa bugso ng damdamin.
mahirap panindigan ang pagiging tunay na aktibista lalo na't ang lipunan ay mapanghusga. kumikilos ang isang aktibista sa panahong maraming mamamayang hindi lubusang naiintindihan ang kalagayan ng lipunan. sa puntong ito, mainam na ipaalala ang isang katangian ng tunay na aktibista— ang "mabuhay" para sa kanya ay simpleng pamumuhay kasama ang iba pa, lalo na ang pinagkaitan.
kasabay ng iba't-ibang kaganapan sa ating lipunan, mainam na pagnilay-nilayan ang iba pang gumugulo sa ating isipan.
sa panahong maraming pinapatay sa politikal na dahilan at lantaran ang pagkakaroon ng dalawang mukha ng batas, solusyon ba ang manahimik na lang at manawagang huwag nang ipagpatuloy ang ipinaglalaban?
sa panahong lubos na kinakailangan ang medikal na pagtugon sa patuloy na paglaganap ng pandaigdigang krisis, marapat bang makuntento na lamang sa mala-pagong na pagkilos ng pamahalaan?
sa panahong hindi nabibigyang-solusyon ang napakatagal nang panawagan para maibsan ang paghihirap ng maraming mamamayan, praktikal bang sabihan silang magtiis na lang?
ang panahong ito ay hinihingi na tayo ay nararapat lamang na maging wais sa pagpili ng landas na paniniwalaan at papanigan? hindi. mali ang ganitong kaisipan. dahil tungkulin mo bilang isang pilipino, may pandemya man o wala, na pag-aralan ang lipunan at makisangkot sa panggigiit ng sinisiil na karapatan. ika nga, hindi ang pandemya ang naging ugat ng problema; ang pandemya ang nagsiwalat ng nabubulok na sistema. patuloy mong pangalagaan ang iyong pagkamuhi dahil may paglalagyan iyang galit mo. handa ka na bang kumilos kasama ng iba pang kapareho ng iyong ipinaglalaban?
sumisid, tumakbo, at umalpas mula sa mga kadena at mapagkahong sistema ng pamamahala sa bansa!
kitakits sa lansangan! ;-)















