Hanggang Dito Nalang...
Hindi man tayo naghiwalay, tingin ko nama’y lahat din ay nagbago. Nakakapagsalita na ng mga salitang noon ay hindi natin inakalang masasabi natin sa isa’t isa balang araw. Ngunit ganun pa man, pilit parin nating itinutulak ang hangganan, pilit na tinatakpan ang mga sugat, kunwari’y hindi na dumudugo at kunwari’y hindi kumikirot. Dahil sa paniniwalang wala nang iba pang makatatanggap ng mga bagay na tinanggap natin sa isa’t isa noong bago palang tayo.
Aminado man tayong mahal na mahal natin ang isa’t isa, aminado rin tayong palala na ng palala ang sakitan. Dati’y malinaw na malinaw ang daan na tinatahak nating dalawa magkasama, ngunit ngayo’y parang di na natin matanaw. Kaya pilit nalang nating binubuo sa isipan ng isa’t isa ang mga detalye ng tingin natin ay patutunguhan natin.
Ngunit para sa pagmamahalan, para sa pangakuan, pilit paring pagkakapitin ang mga palad na puno ng malalalim na sugat, puno ng dugo. Hindi pumapayag na may iba pang gumamot ng mga sugat mo na dulot ko. Hindi ko kakayanin. Ang puso ko’y disedido nang ialay sa’yo hanggang sa dulo ng mga buhay natin.
Mahal na mahal kita. Oo, mahal na mahal. Kaya’t sana’y hanggang dito nalang.. Hanggang dito nalang ang pagsasakitan, ako sana’y patawarin, mahal.









