Gusto kong mamatay sa paraang ang aking katawan at isip ay maghihiwalay, magiging bahagi ng hangin ang aking isip, saan man nito dalhin nang kanyang pag-ihip ay hindi hahayaang ito’y maglakbay hanggang sa matagpunan nito ang aking katawan na inilibing hindi sa lupa, bagkus sa mga ala-ala ng mga dating nawala, sapagkat ang kamatayang nais kong maganap ay ang pagpanaw ng pagkataong lango sa samyo ng hindi maintindihang lansa ng pagiging balisa, palaging nakatulala at tila pilit na hinuhukay sa malalim na bangin ng kasalaukuyan, ang aking tunay na pagkatao, tangan-tangan ngayon ay hindi ang sariling ninanais at dapat na manirahan sa mundo. Nawawala ako at matagal nang nananabik na mahanap ang sarili, ang katawang may sigla na sa paggawa ng mga bagay na kanyang naging tanahan ng kaligayahan, ang sariling handang magmahal kahit na masaktan pa sa gitna nang tila mahabang biyaheng ito, ang sariling hindi marunong sumuko sa bawat ibigay na hamon, ang sariling hindi na mabubuhay sa pag-iisa at kalungkutan; ni sa pag-iyak ay hindi na niya magiging takbuhan, ang sariling mahahahanap na ang espasyo at halaga dito sa mundo, tulad ng mga ibong walang pagod sa paglipad, ang pagktao ay isang ibong walang kapaguran sa paghahanap ng kanyang punong masisilungan. Sapagkat nais kong humimlay at bigyang oras ang paghahanap pabalik sa sistemang ang aking pagkatao ay masigla at ang mga labi ay marunong nang magpinta ng ngiti, marahil sa kamatayan nang katauhang puno ng dusa at pighati maging kasagutan ito; at hindi ang kabilang-buhay.












