Nagsimula nang humuni ang mga kuliglig. Tila isang koro ng karagatang umaalpas sa aplaya, lumulukso sa baybayin at humahagikgik kasabay ang mga puno dito sa kabundukan. May lamig at lumbay ang pag-iisa. May pagkandiling bitbit ang paglubog ng araw ngunit naglalaho rin ang init.
Naglalaho rin ang init.
May espasyo pa rin sa sulok ng isipan na naghihintay na mapunan. Umuugong ang katahimikan na kumakalas sa harana ng gabi. Nangungulila pa rin ako sa hindi matukoy, sa hindi mawari. Tila hangin na umaalpas mula sa mga daliri ang ulirat at ngayon, sinusubukan kong tiisin ang kati ng pagkabalisang kumukutkot sa anit.
Mahirap bigyang kahulugan ang ganitong pakiramdam. Tila hindi maipinta o maitala sa kuwaderno. Kulang ang mga titik at talata upang tukuyin, at sukatin, ang estrangherong espasyong ito na sinusubukan kong kilalanin.
Tila ba may sikretong pagbayle ang mga anino sa sulok ng isipan, alinsunod sa hindi mawaring pag-indak ng kamalayan. May awit na hindi matiyak. May pagkislot na hindi masulyapan.
Mailap ngang tunay ang mga nagliliparang mga dalangin. Nalulusaw ang oras kasabay ng pag-aninag sa kalangitan. Wala nang patumpik-tumpik, magsisimula na ang paghudyat sa pagwawakas.
At sa gabing iyon, tumigil ang gilingan ng laman. kumalma ang mga umaalulong na ulol, may banayad na pamamaalam sa paghalik ng hangin.
- Kung saan ang mga kuliglig ay malaya 6.24.2020














