Kritikal na sanaysay
May mga akda na binuo hindi upang patuloy na aliwin ang madla kundi para gisingin ito at imulat sa katotohanan na ang lipunan ay tumatakbo sa sistemang bulok at di patas. Ayon kay Nadine Gordimer, “ang sining ay nasa panig ng mga binubusabos.” Mabili man ang ilang manunulat upang sumulat ng mga akda na nakapagpapahimbing ng pusong naghihimagsik. May matitira pa rin na susulat upang hindi lubusang malunod sa kawalan ang kasaysayan at kasalukuyang hirap ng sambayanan.
Ang Literatura ng uring anak pawis ang unang halimbawa. Sa akdang ito tinampok ang iba’t ibang manunulat at akda na lumaban sa ilang dekadang panunupil ng naghaharing uri. Ang mga akda ay naglalaman ng masisidhing damdamin ukol sa kahirapan, bulok na pagpatatakbo ng gobyerno, inhustisya at pang-aapi ng mga negosyanteng dayuhan. Ayon kay Dr. Bienvenido Lumbera, “Sapagkat ang mga bagong manunulat ay kasapi sa mga kilusang bayan, kaya ang pinapaksa ng kanilang mga akda ay ukol sa karapatan at kapakanan ng uring anak pawis.”
Di masyadong nakapagtataka na ilang dekada na ang lumipas ay parehas pa rin ang hinihiyaw ng masa. “Kulang sa ulam, kulang sa damit, kulang sa kaalaman, kulang sa pera, walang yaman, walang lupa, walang-wala.” Ang pangungusap na ito ay hango sa akdang “Kulas” ni Chit Balmaceda Gutierrez. Sa kuwentong ito ipinakita kung paano napwersa si Kulas na isang ordinaryong tao na gumawa nang masama. Si Kulas ay nagrerepresenta sa libo-libong Pilipino na kung hindi man sa kulungan ang bagsak dahil sa pagtugon sa kalam ng sikmura ay sa tabi na lamang at wala ng buhay. Isa lamang itong kapiranggot na parte ng bunga ng bulok na sistema ng gobyerno.
“Bawat karanasan ay naiimpok na hibla sa dibdib.” Tama si Fidel Rillo sa sinabi nya dahil lahat ng nakita, naramdaman at naranasan ko simula noong musmos pa lang ako ay taban taban ko pa rin hanggang ngayon. Magmula sa mga prinsesang laging nililigtas ng prinsipe, sa nanay ko na inaapi ng tatay ko hanggang sa mga research at isyung panlipunan ukol sa Feminismo. Ang opresyon sa kababaihan at ang dulot nito ay nakatatak na sa kukote ko.
Unang taon ko sa PUP, sa aming asignaturang kasaysayan naging paksa namin ito. Egalitaryo ang sistemang pangkasarian na umiiral bago dumating ang mga tinapay. Di tulad ng ibang bansa sa Pilipinas noong panahon na iyon ay mahalaga at mataas ang pagtingin sa babae. Sa kababaihan nakareserba ang kapangyarihan ng relihiyon at kasaysayan dahil ang mga babaeng babaylan ang gumagawa nito. Malayo sa kasalukuyang panahon.
Mahirap umangat at magtamo ng pagkilala sa panahon ngayon lalo na kung babae ka. Talamak ang diskrimanasyon at represyon sa lahat ng lugar at antas ng pamumuhay. Masasalamin ito sa akda ni Babeth Lolarga na “ Ang himas ni Ricardo.” Sa kuwentong
ito binigyang diin ang sexual politics, ang pagwaksi ng kumbensyunal na pagtingin sa pagpapamilya at isteryutipo ng babae bilang sunud-sunuran sa lalaki.
Hindi naman nga kasi parausan ang kababaihan. Lalong hindi inutil ang babae kung wala syang anak. At mas lalong hindi kami anino o sunod-sunuran ng kalalakihan.
Mabuti na lang at noong dekada ’90 ay isinilang ang isang akdang may feministang paninindigan at nagkaroon ng mga pagkilos ukol dito dahil kung wala baka iniisip ko ngayon na mali ang aking mga paniniwala. Nakakalungkot lamang na ang mga institusyon na dapat magtuturo na iwaksi ang sistemang patriyarkal ay siya pa ang nagtuturo nito.










