Maluwag Pa Sa Eskinita
Maikling Kwento Category
SA PANULAT NI JELLY CHRONOLOGY
* * *
0. ANG PANIMULA
Hindi ko close si Yñaki. Maliban sa nahihirapan akong bigkasin ang pangalan niya kaya “Aki” na lang ang tawag ko sa kanya (at hindi rin naman ako nag-iisa), tahimik lang akong tao in general.
Pero si Aki ang unang kaklase ko na bumisita sa’kin simula no’ng nawala ako sa eskwelahan.
Baka dahil sa sobrang lapit lang naman ng bahay niya sa’min o baka napag-trip-an niya lang talaga. Nahiya kasi sa araw-araw ba namang dadaan siya sa eskinita, na mismong sa labas lang ng bahay namin, e hindi pa ba niya magagawang kumatok sa bintana namin para kumustahin ako?
Pero malapit lang din naman ang bahay ni Vanessa at close ko pa ‘yon.
“Kumusta ka?”
“Okay naman ako.”
“May sakit ka ba?”
“Wala.”
“Ba’t hindi ka na pumapasok?”
“E bakit ang dami mong tanong?!”
“Bakit—“ at makaka-ilang bakit pa siya hanggang sa huli, wala rin naman siyang nahihita sa’kin. Kahit ilag akong sagutin siya, patuloy lang siya sa pagbato ng mga katanungan. Kumain na ba raw ako? Gusto ko raw ba ng kopya ng assignment namin sa Math? Ayaw ko ba raw sa Math?
Kahit ang sikip sa eskinita at marami na siyang nakakabungguan, hindi pa rin siya umaalis hanggang sa hindi ko siya kinikibo. Pinipilit ko si Mama na harangan na lang ‘yong bintana dahil naiilang ako, pero sabi niya na maganda raw sa’kin na makasalamuha ng mga tao kahit papaano. Saka pa, natutuwa siya kay Aki kaya binibigyan niya ng libreng banana cue kahit kuripot naman talaga si Mama. Isang beses, tinangka ni Mama na papasukin siya ng bahay… kung hindi pa ako inatake, baka katabi ko na si Aki sa sofa at mapipilitan talaga akong kausapin siya.
Pero kahit gano’n, hindi kasing-kitid ng eskinita ang isipan ni Aki. Hindi niya ako pinipilit na sumagot, pero magtatanong pa rin siya, hanggang sa malalaman niya kung ano’ng mga tanong ang gusto ko lang sagutin.
Mga dalawang linggo niya rin yatang ginawa ‘yon. ‘Di ko sigurado. Pero dahil do’n, kahit hindi ko lubos na kilala si Aki ay may isang bagay na sigurado ako tungkol sa katangian niya.
Palatanong si Aki. Kaya tuluyan akong inatake nang sabihin nilang “walang tanong-tanong” no’ng nahuli nila si Aki at tinutukan ng baril.
“Walang tanong-tanong” no’ng pinaputok na raw nila at bumulagta ito sa eskinita.
* * *
I. ANG UNANG PRUWEBA: ANG MGA SAKSI
“Lagi nga ‘yang nakatambay d’yan eskinita kahit na dis-oras na ng gabi. Minsan nga nila-lak na ‘yong geyt d’yan sa may lagusan, pero madalas na nahuhuling inaakyat.”
Tinutok naman ang camera sa babaeng reporter. “Ano ho bang rason kung bakit laging ginagabi si Aki?”
Napakamot si Ate Bebang sa nunal niya bago sumagot sa harapan ng camera. “Baka kasali sa praternity. ‘Yong mga gang-gang. Uso kasi ‘yon sa mga binatilyo dito sa may amin, lalo pa galing si Aki sa eskwelahan na pablik. Maraming naba-baranggay na mga binatilyo ro’n kasi pakalat-kalat sa kalsada kahit madaling araw na. Hindi na naawa sa mga magulang, akala mo-“
“Na-baranggay na rin ho si Aki?”
Napakamot ulit siya sa nunal niya bago sumagot ang matabang ale na tindera ng ihaw. “Oo yata. No’ng last mant. Yata, kasi tanda ko pinaglinis sila ng basketbol kort.”
Marami pang tinanong kay Ate Bebang kaya mukhang hindi na ‘to makakabenta buong hapon. Natatakam pa naman ako sa isaw ng manok.
Pero hindi rin naman ako kumain. Dalawang araw na rin simula no’ng tinigil kong kumain. Dalawang araw na rin simula no’ng unang nagpunta ‘yong babaeng reporter at cameraman, at iba pang mga reporter at mga cameraman. Dalawang araw na rin simula nang mabalita sa TV ang isang binatilyong nahulihan ng pakete ng shabu at nanlaban sa mga pulis.
Pero sa akin, dalawang araw at isang gabi na rin simula nang huli kong narinig ang boses ni Aki.
“Huling katanungan na lang po, sa tingin niyo ho ba ay magagawa ni Aki ang binibintang sa kanya patungkol sa pagiging runner ng droga?”
Nagkamot ulit ng nunal bago sumagot si Ate Bebang ng pinakamaiksi niyang sagot.
Isa lang si Ate Bebang sa mga ilang tao na ini-interbyu tungkol kay Aki. No’ng isang araw, tinanong din si Mama ng mga parehong katanungan. Tapos si Kuya Landing din, ‘yong gwardya sa may subdivision sa harapan ng eskinita. Saka si Kapitan. Pati na rin ang ilan sa mga kaibigan at guro ni Aki, na mga guro ko rin.
Halos pare-pareho naman ang mga bersyon nila: mahilig tumambay si Aki sa eskinita, madalas ginagabi at inaakyat pa ang gate, minsan pinagco-community service, at may mga kaibigang kasali sa gang. Pero sa lahat ng mga detalye na ‘yon, hindi ko makita kung ano’ng naging konekta sa paghuli kay Aki o sa pagiging runner niya kuno. Marami namang mahilig tumambay sa eskinita. Marami namang gabi na nakakauwi. Sigurado ako, may mga ilan ding umaakyat sa gate. Halos lahat naman kaibigan ni Aki.
Pero sa dinami-rami, bakit si Aki?
Hindi ko alam. Wala naman kasing naging saksi maliban sa isa—
Maliban sa’kin.
* * *
II. ANG PANGALAWANG PRUWEBA: FAMILY BACKGROUND
Sa ikatlong araw simula ng pagkamatay ni Aki, dumami pa ang mga galing sa media na nakatambay sa eskinita. Hindi rin naman pinalampas ‘to ni Ate Bebang para magbenta ng mga ihaw. Si Mama naman, namakyaw ng banana cue at sinamahan pa ng softdrinks. Blockbuster na naman kasi ang eskinita ngayon.
Hindi pa rin ako kumakain kahit na halata naman ni Mama. Hindi ko rin sinabi sa kanya na hininto ko na rin ang pag-inom ng gamot, kaya minsan nakakakita ako ng mga nakakasilaw na ilaw kahit pa ang dilim sa salas.
Hindi na rin ako makatulog. Natatakot ako na baka may isa ulit na binatilyo na mahuli sa eskinita at walang sinuman na magiging saksi kapag nakatulog ako. Hindi ko alam, iniisip ko rin naman na sana natulog na lang ako sa kwarto no’n para hindi ko na narinig ang pag-uusap nila Aki at ng mga pulis.
Sana hindi ko na narinig na tumawa ‘yong mga pulis habang pinipilit si Aki na paputukin ang baril…
Sana hindi ko na rin narinig si Aki na magtanong kung “Bakit”, at nang hindi siya sagutin ay magtatanong na naman siya hanggang sa malaman niya na kung bakit nga ba. Pero may mga sakit din yata ang mga pulis, kasi hindi rin nilang nagawang sagutin si Aki.
Sa ikatlong araw na pag-iimbestiga ay lalo kong nakilala si Aki. Narinig ko, habang ini-interbyu ‘yong Tita Myrna niya, na siyang kumupkop sa kanya. Nakulong daw pareho ang mga magulang ni Aki. Parehong drug addict. Noong bata pa raw si Aki, ginagamit siya para makipag-ugnayan sa mga suppliers, sa mga druglords, kasi sino ba naman daw ang mag-iisip nang masama sa isang bata?
Pero bata pa rin naman din si Aki. Matanda na ba ang 17?
“Pero noon ‘yon, mga 12 years old palang siya no’n. Simula no’ng nakulong ‘yong mga magulang niya e sa akin na siya nanirahan at ni minsan man ay hindi ko nahulihan ‘yon na may tinatagong droga.”
“E bakit ho laging gabi umuuwi?”
Natahimik si Tita Myrna niya. Nagtanong ulit ang reporter. Tahimik pa rin siya hanggang sa ang pag-iyak niya na lang ang naging sagot.
No’ng kinagabihan, pinakita sa TV ang maiksing bersyon ng interview ni Tita Myrna. Doon din pinakita ang mga debate sa social media, kung totoo bang runner si Aki o hindi. May mga rally na rin na nagaganap sa Manila, na bigyang hustisya ang pagkamatay nito.
Ikaapat na araw. Bumawas ang mga reporter. Hanggang sa ikalima, na mabibilang na sa kamay ang mga tao sa labas. Sa pagpatak ng ikaanim na araw, nawala na lang silang lahat. Naging matumal na ang benta ni Mama. Mga taga-subdivision na lang ang customers ni Ate Bebang. Balik sa pagtatambay ang mga binatilyo sa eskinita.
Lumuwag na ang eskinita na parang walang katawan na nakahandusay roon anim na araw na ang nakakaraan.
At sa TV, iba na ang headline— mga ilang minutong pag-feature rin sa isang sikat na artista na nahuling nagwawala sa harapan ng camera.
“Mama,” sabi ko bago patayin ang TV.
“Ano ‘yon, ‘nak?”
Nilunok ko muna ang laway ko bago nagsalita. “May alam po ako, Ma…” Nilunok ko ulit pero parang may nakabara. “May alam ako…” Tuloy-tuloy na ang pagluha ko, hanggang sa wala na akong makita kundi ang mga maliliit at nakakasilaw na mga liwanag. Paulit-ulit kong hinahampas ang ulo ko para lang malabas ang gusto kong sabihin.
“Hindi ka na naman ba uminom ng gamot mo anak?”
Hinawakan niya ang kamay ko at pinipilit akong lunukin ang gamot. Natikman ko lang ang luha at uhog ko. “Hindi… Hindi, Ma. Hindi ilusyon ‘to. Totototoo ‘to. May alam ako tungkol do’n.”
Sinundan ni Mama ng tingin ang nakaturo kong daliri sa may bintana, kung saan makikita ang eskinita.
* * *
III. ANG IKATLONG PRUWEBA: ANG BOSES NI AKI
“Bakit ko po puputukin? Hindi po ako marunong nito!”
“Pero bakit niyo po pinapagawa sa’kin ‘to? Hindi na po ulit ako gagabihin.”
“Bakit niyo po binigay sa’kin ‘yong shabu? Hindi po ako adik.”
“Bakit niyo po ako pinagtatawanan?”
“Bakit hindi niyo ako sinasagot?”
BANG.
Ilang araw rin bago ko nagawang lumapit sa mga pulis at sa media, kasama si Mama at ang doktor ko. No’ng una ay nagbuhos na sila ng mga tanong, at halos atakihin na ako kaya agad ko nang pinindot ang ‘Play’ sa recording files. Nang marinig nila ang boses ni Aki, humupa ang lahat ng mga katanungan.
Hiningi nila sa’kin ‘yong file, bago inimbestiga nang maigi. Bago kinumpirma na boses nga ni Aki ‘yon.
Ilang mga mata rin ang nanood sa’kin at ilang mga tainga ang nakinig. Ilang beses sumigaw nang “Break muna!” dahil sa panic attacks na nararanasan kada bato ng tanong. Hanggang sa minsan, nagiging personal na rin ang mga ‘yon.
“Bakit ngayon mo lang s-in-urrender ito?”
“Matalik ka bang kaibigan ni Aki?”
“Gaano katagal ka nang may sakit?”
Pero sa mga pagkakataon na ‘yon ay hindi ko sila kinikibo, at kung nagiging mapilit sila ay nand’yan si Mama at ang doktor para maging sangga ko. Mga ilang araw rin bago naging maluwag ang eskinita at naging masikip sa bahay. Mga ilang araw ring napakyaw ang benta ni Mama, at ilang araw rin bago ako nakahinga nang maluwag. Ilang araw rin na may sumisilip sa eskinita, bago pa harangan na lang ‘to ni Mama.
Simula no’n, binisita na ako ni Vanessa at iba ko pang mga kaklase. Kinumusta. Dinalhan ng mga pagkain. May mga guro rin akong nagboluntaryo na maging home tutor… hanggang sa napansin kong sa akin na ang atensyon at wala na kay Aki.
Pero higit sa lahat, hindi doon nagtapos ang lahat. Ginigisa ang dalawang pulis, na sila namang dumidipensa at sinasabing hindi sapat ang recording para patunayang hindi runner si Aki.
Baka hindi nga. Kung papaluwagin ang isip, pwedeng oo at pwedeng hindi… pero bakit kailangang maging isang masikip na eskinita ang isip? Bakit sa iisang direksyon lang?
Oo man o hindi, tama ba ang pagpatay?
* * *
IV. ANG KATAPUSAN
“Kumpleto na lahat ng naimpake mo?”
Tumango ako.
Pang-apat na ayos ko na sa mga bag ko at mukhang naimpake ko naman ‘yong mga mahahalagang gamit. Naghihintay na rin sa may subdivision ang taxi at si Papa, na mukhang nakikipagtalo pa sa driver dahil may patong pa na 100 pesos papuntang airport.
“Nagpaalam ka ba sa mga kaibigan mo?”
“Wala naman akong mga kaibigan.”
Napatitig lang si Mama sa’kin bago umiyak. Hinila niya ako saka hinaplos ang buhok ko.
“Bakit ka umiiyak, Ma?”
Suminga pa siya bago sumagot, “Naalala ko lang no’ng unang beses kang um-absent sa school, no’ng sinabi mong ayaw mo na. Naalala mo ‘yon? ‘Yong nand’yan ka sa may pintuan tapos sumisigaw ng—“
“Gusto ko nang mamatay?”
Tumango siya. “Oo. ‘Yon. Naalala ko pa na hindi kita naintindihan.”
Napatingin ako sa may bintana, kung sa’n naaalala ko pa rin ang mukha ni Aki no’ng unang beses siyang dumungaw at nangumusta. Hindi ko pa rin alam kung bakit niya ginawa ‘yon, pero sa pagkakataon na ‘yon ay may na-realize akong isang bagay na matagal nang nasa harapan ko.
“Maluwag pa naman sa eskinita, Ma.”
Tiningnan ako ni Mama sa mga mata. Pinisil ang mga pisngi ko. “Ayan ka na naman sa pa-deep mo, anak, e. Pero oo. Maluwag pa, at maraming daan pagkalabas.”
Ngumiti ako. “Naks, petmalu. Gets mo na ako, Ma?”
“Hindi na kasi ako sa makitid na eskinita lang nadaan.”
Pagkatapos ng pagda-drama na ‘yon, lumabas na kami ng bahay at dumaan sa eskinita bago makalabas papuntang subdivision kung sa’n naghihintay si Papa. Nalagpasan ko ‘yong bintana namin at pinilit na hindi tumambay ang mga mata ko ro’n. Naglakad sa eskinita kung sa’n nakita ‘yong duguan na katawan ni Aki.
Isang buwan lang din bago tila nakalimot ang lahat. Baka kasi maluwag pa ang eskinita at kailangang magpatuloy ng lahat sa paglalakad. Pero sa paglabas ng eskinita, kailan lalabas ang katotohanan?
No’ng gabi na narinig ko ang mga tanong ni Aki, hiniling ko na sana sinagot ko na lang lahat ng mga katanungan niya. Sa huling katanungan niya, para akong isa sa mga pulis na tumutok at pumutok ng baril.
Hindi ko rin naman kasi inakalang isang araw ay hindi niya na ako tatanungin.
Sumakay ako sa taxi. Si Mama at si Papa, inaayos ‘yong mga gamit sa trunk. Nagyo-yosi ang driver sa labas. Naka-park ang taxi sa mismong labas ng eskinita, dito sa may harapan ng gate. At sa kanang gawi, sa harap ng eskinita ay isang maliit pero magarbong establismento.
POLICE STATION.
Maluwag pa nga sa eskinita, pero tila tinamad yata sila sa paglalakad kaya huminto nang makakita ng nakabukas na pinto. Tinamad ding kumatok kaya nanghimasok na lang ang mga ito.
Bakit kaya, sa mga araw na mainit pa ang isyu, ay sumikip ang eskinita at lumuwag ang police station?
Katulad ng hustisya para kay Aki, siguro ay mababaon na lamang din sa limot ang mga bakit. Pero hindi ako makakalimot, lalo pa na sa pagkamatay ni Aki ay nabuhay ako. Sa pag-alis ko ng eskinita, ngayon, ay alam ko na ang direksyon na tatahakin ko.
Kahit pa kakaunti lang naman talaga ang dumadaan sa eskinita.
* * *
Ang “Maluwag Pa Sa Eskinita” ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang “Maikling Kwento” na may paksang Eskinita.
Sponsors:
Cutural Center of the Philippines
Device Philippines









