Creating Rainbows
CHAPTER 2
*SINGLE NANAY ROCKS!*
May sumisigaw. Nanaginip ba ako?
“Kim! Gumising ka na! Mala-late ka nanaman eh!”
Pamilyar ang boses.
“Kimberlyyyyyyy!”
Hay nako, naka loud speaker nanaman si Nanay.
Sino ba ang nag imbento ng paggising ng maaga? Kailangan ba talaga ‘to sa buhay? Yayaman ba ako dito?
“Hindi ka ba talaga babangon? Aantayin mo talagang umakyat pa ako diyan sa taas ‘no? Anak naman, ang laki mo na, kailangan ba araw araw gigisingin kita?” Mataas na boses at maagang litanya ng nanay ko.
“Ito na nga po. Gising na!” Ang aga naman na sigawan ‘to.
Ang Nanay ko at Tatay ko ay iisa. Siya si Erlinda Bautista. O mas kilala bilang Aling Erly. Anak ako sa pagkadalaga ng Nanay ko. Nung nalaman ng saksakan ng tino kong tatay na buntis ang nanay ko, ayun, parang bulang naglaho. Wala. Zero. Kahit anino wala na kaming nakita.
Matapang ang nanay ko. Malakas at maabilidad. Kung hindi dahil sa pwesto niya sa palengke, hindi siguro niya ako mapagtatapos ng kolehiyo. Oo, only child lang ako. Hindi na yata naisipan ng nanay ko mag asawa o mag anak ulit pagkatapos ko dahil hirap na hirap na siya sa katigasan ng ulo ko.
“Kumain ka na diyan, ako’y aalis na. Tignan mo, tanghali na. Ano pang mabebenta ko niyan. Hay nako Kimberly, pinapahirapan mo talaga ako.”
“Nay naman, pahirapan kagad? Hindi ba pwedeng late lang ako nagising. Sana umalis na kayo ng maaga, kaya ko naman sarili ko eh.”
“At ano? katamaran mo nanaman papairalin mo? Crackers lang ang kakainin mo, pagkatapos, paguwi, magrereklamo ka saakin na masakit ang tiyan mo dahil walang maayos na pagkain sa lamesa. Hay nako! aalis na ako. Umuwi ka ng maaga at ikaw ang magluto ng hapunan.” Sabay labas ni Nanay ng pinto.
Ano ba yan. Napagalitan pa ako.
Naiitindihan ko kung bakit ganun na lang ang pagsusumikap ng nanay ko. Unang una, siya lang noon ang inaasahan. Walang ka-partner, lalo na sa pagpapalaki saakin. Nung maliit ako, napipilitan ang nanay na i-habilin ako sa mga kamag-anak sa umaga o kaya naman sunduin ako sa hapon dahil siya lang ang nag hahanap buhay. Nung lumaki na ako, imbes na makipaglaro ako sa kalsada o pumunta sa bahay ng barkada, mga isda at karne ang laruan ko. Sinasama kasi ako ni Nanay sa palengke kapag walang pasok. Para naman makatulong ako sa kanya kahit paano. Pangalawa, kahit na high school lang ang tinapos ng nanay ko, pursigido siyang makapag aral ako. Kaya ganun na lang ang pagpapahalaga niya sa edukasyon. Palagi niya sinasabi saakin na iyon lamang ang mapapamana niya saakin.
Proud ako sa Nanay ko. Dahil siya ang tumayong magulang ko. Hindi man halata, gusto ko magsumikap para makapag relax naman siya ngayon. Isang taon na rin akong nakagraduate ng kurso kong MassCom, pero malabo pa rin ang maayos na trabaho para saakin. Nakadalawa na nga akong trabaho pero contractual lang at napakaliit ng sahod. Sa ngayon, puma-part time lang ako na Wedding coordinator at Singer sa parokya namin.
Buti na lang at may kasal ngayon sa Simbahan, more kasal, more raket.
“Kim, ito na yung share mo ngayon, sa isang linggo ulit maaga tayo ha. Medyo malaki ang entourage, kaya kailangan ko ng tulong mo.”
“Sige Ate Beng, salamat ha. Kita tayo ulit next week.”
“Oo. Alam mo naman, mas maraming kasal, mas marami tayong pera. Oo nga pala Kim, nakita mo na ba ‘to?” Sabay abot saakin ng papel.
ROSEWOOD PERFORMING ARTS CENTER IS SEEKING DANCERS AND SINGERS FOR THIS YEAR’S MAJOR PLAY. MUST BE 18-30 YEARS OLD.
“Teka Ate Beng, Ano ‘to?”
“Papel, papel yan Kim.” Minsan, maayos ka magtanong, lokohan ang sagot.
“Alam ko, shonga lang? Totoo ba ‘to?”
“Hindi, joke lang yan, ginawa ko, baka sakaling matuwa ka lang.” Sabay halakhak ni Ate Beng. Hindi talaga ako tumawa. Nakakadalawa na siya eh.
“Ate naman eh! Seryoso!”
“Oo nga! Siyempre totoo yan. May malaki pa nga na poster sa may Bulletin Board ng simbahan eh. Naisip kasi kita, kaya kinuhanan kita. Baka interesado ka. May boses ka naman, tsaka, malay mo, this is your time to shine!”
“Time to shine talaga, Ate? Hindi naman ako mapipili dito. Dapat yung mukhang artistahin, maputi, makinis, eh tignan mo naman ako.”
“Wow ha! Makababa ka naman sa sarili mo, wagas! Maputi ka naman, tsaka wag ka nga! Ang ganda mo kaya, pilipinang pilipina.”
“Pilipinang hindi matangos ang ilong. Ate naman, pang church choir lang ang boses ko, hindi naman ako pang teatro.”
“Kaya nga susubukan, diba? Si Ate Rose? Naalala mo? Yung dating Choir Leader dito sa parokya? Alam mo ba, diyan din siya sumali, sa Rosewood, at ngayon, nasa abroad na, nagpeperform. Kahit hindi lead role, aba, malaki parin ang kita niya. Nabilhan na nga niya ang magulang niya ng bahay at lupa eh.”
“Talaga? Kaya pala biglang nawala si Ate Rose ‘non. Ang sabi lang nila, may iba ng trabaho kaya hindi na pinagpatuloy ang pagtuturo sa Choir. Nag abroad na pala.”
“Kaya nga Kim, Malay mo lang naman. Ikaw ang isa sa may magagandang boses dito saatin sa parokya, subukan mo lang.”
“Sige Ate, para kay Nanay.”






