Pag-usbong ng Forever sa Sitio Pungayan
Sikat na sikat at dinarayo ng maraming Pilipino ang lugar ng Baguio at Benguet, na matatagpuan sa rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), lalo na tuwing bakasyon at araw ng tag-init. Nagdaragsaan ang mga tao dahil sa taglay na lamig na temperatura sa lugar at dahil na rin sa magagandang tanawin at pasyalan na makikita. Dagdag pa rito, Benguet ang tinaguriang “Strawberry Capital of the North” kaya naman isa ang strawberry sa bentang-benta na nagpapahatak sa mga tao, lalo na sa mga taga-luzon na malapit lang dito.
Simula Disyembre 2014, isa sa patok na patok ngayong pasyalan sa Benguet ay ang Sitio Pungayan o mas kilala sa tawag na Sitio La Presa. Ito ay matatagpuan sa kabundukan ng Mount Kabuyao, na sinasabing pangalawa sa mataas na bundok ng probinsya ng Tuba, Benguet at makikita rin sa kalungsuran ng Baguio. Nakilala ang dating tahimik na baryo dahil sa teleseryeng tinututukan ng mga Pilipino gabi-gabi sa primetime bida ng ABS-CBN, ito ang “Forevermore”. Ang palabas ay pinangungunahan ng mga karakter nina Agnes Calay (Liza Soberano) na isang residente ng Tuba at isa ring strawberry farmer, at Xander Grande (Enrique Gil) na anak naman ng may-ari ng Camp John Hay Hotel Chain, ito ay sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina. Nakilala ang lugar dahil dito sa lokasyon na ito kinukuhanan ang mga eksena ng teleserye.
Bago pa man makilala ang Sitio Pungayan, isang mapayapang lugar lang ito at wala pang mga turista ang pumupunta rito. Isa lang itong ordinaryong baryo na taniman ng strawberry. Ngunit nang maipalabas ang Forevermore noong October 2014, marami ang nabighani sa ganda ng lokasyon na ginamit sa palabas. Gabi-gabing trending sa social media ang teleserye, ibig-sabihin marami talagang nakatutok dito kung kaya’t hindi nakapagtatakang ganoon na lamang ang dagsa ng mga taong nagsisipuntahan sa Baguio at Benguet, na kung saan naging bida na rin sa mismong palabas, lalo na ang Sitio Pungayan/La Presa. Gayundin, nagbabaka sakali rin ang ilan na baka maabutan ang mga tauhan sa Forevermore at makapagpakuha sila ng litrato sa mga ito. Nakadagdag pa sa hiwaga ng lugar ang paglalapat ng gawa-gawang pangalan na “La Presa” dahilan kaya mas kilala ang lugar sa tawag na ito.
Kaugnay nito, nagkaroon ng dagdag na kabuhayan ang mga residente sa lugar dahil sa patuloy na pagdami ng mga turistang pumupunta sa lugar nila. Ginagamit ng mga residenteng nagtitinda sa lugar ang gawa-gawang pangalan ng palabas, na ‘La Presa’ – La Presa Strawberries, La Presa Vegetables, La Presa Jam, La Presa Souvenirs, etc. – upang mas dumami ang bumili at tumaas ang kanilang benta. Sinabi ni Gobernador Nestor Fongwan na ang makabagong pamamaraan nang pagbebenta ng mga strawberry ay malaki ang naitutulong sa pagpapaunlad ng industriya sa lugar. Dagdag pa niya, wala namang problema sa paglalapat ng pangalang ‘La Presa’ ng palabas dahil marami naman ang naitutulong nito probinsya. Ayon naman kay Benny Alhambra, Baguiot City Tourism Officer, malaki ang naitulong ng palabas sa mabilis na pagyabong ng turismo sa Baguio at Benguet. Noong taong 2013, umabot sa 700,554 ang bilang ng mga turista na bumisita sa probinya, mapalokal at ibang bansa man kaya umaasa silang sa mga susunod na taon ay umabot ito sa isang milyon.
Kuwento ng mga residente ng Baguio at Benguet, sa tuwing may mga turistang pumapasyal sa lugar, unang-una na ngayong tinatanong ay kung saan at kung papaano pumunta sa Sitio La Presa. Dito na lamang nalalaman ng mga tao na hindi talaga totoong may “La Presa” dahil ang tunay na pangalan ng lugar ay Sitio Pungayan. At kung dati, sa sentro lang ng Baguio at Benguet pumupunta ang turista, ngayon dumadayo at pumupunta na sila sa bundok para lamang masilayan ng personal ang tanawin ng Sitio Pungayan. At siyempre, para rin makita, maranasan, at makakuha ng litrato sa mahiwagang lugar ng Sitio La Presa. Sa kabilang banda, may mga iilan pa ring binabalikan ang mga turista na dati pa man ay pasyalan na sa Baguio at Benguet gaya ng Burnham Park, Wright Park, at The Manor Camp John Hay (na kung saan Pagmamay-ari ng pamilya ni Xander), na naging lokasyon din sa ilang eksena ng palabas.
Sa kabilang banda, nagbukas man ng maraming trabaho at kabuhayan ang teleserye sa sitio, hindi naman na ito makontrol na nagiging dahilan upang masira na ang ganda, appeal, at sariwang amoy ng lugar. Isa sa mga naging problema rito ay ang hindi makontrol na pagdagsa ng mga tao sa lugar, na nagiging dahilan ng pagkadismaya ng ilan at pagkakaroon ng mahabang trapiko. Dahil dito, umabot na rin sa puntong kinailangan nila ng mga pulis na magsasa-ayos at gagabay sa pagbubuhol ng mga sasakyan. Dagdag din dito, ang munisipalidad ay naniningil na rin ng 25 pesos kada katao para sa environmental fee at sa mga turistang pumupunta na may dalang sasakyan (awas na rito ang driver at mga bata).
Ang Cabuyao Garage Association (CGA) ay nagpuwesto ng sampung van na sasakyang sa baba ng Mount Cabuyao sa Compac Police Station, kung saan dito ang simula ng paakyat papuntang Sitio, ito ay upang gabayan ang mga turistang patungong La Presa. Sa haba ng pila ng mga sasakyan makikita ang simula nito mula sa Marcos Highway samantala nakikitang oportunidad naman ito para sa mga residenteng nagtitinda, dahil daw sa tagal ng trapiko at pagkainip ng mga tao sa sasakyan, bumababa ang mga ito para bumili ng mga tinitinda nila. Ayon sa kanila, lumakas daw nang sobra ang kita nila kumpara noon na wala pang Forevermore, kung kaya’t malaki ang pagpapasalamat nila sa teleserye.
Hindi talaga maiiwasang may mga negatibong epektong naidudulot sa turismo lalo na kapag unti-unti itong nakikilala. Sa kaso ng Sitio Pungayan, malaki ang naging sakop ng teleserye; ang social media at nanunuod ng telebisyon. Maganda at malakas man itong materyal sa pagpapaunlad ng turismo sa isang lugar, mabilis din ang maaaring maging epekto nito sa turismo. Kaya kinakailangang maging handa atmag-isip ng alternatibong solusyon at pamamaraan sa kung papaano lilimitahan ang pagpapakilala sa turismo ng lugar. Kinakailangan na parating tandaan ang pagpapanatili ng kaayusan, kalinisan, at kagandahan ng lugar. Huwag nating biglain kung hindi kaya ng kapasidad ng lugar, kaya nararapat na alamin ang limitasyon at bilang ng taong maaaring bumisita at pumunta rito.
Sadyang malaki ang naitulong ng teleserye sa mabilisang pag-usbong ng turismo sa lugar lalo pa’t isang midyum na pinupuntahan nito ay ang Social Media na kung saan mas mabilis na naipalalaganap ang mga impormasyon. Sinabi rin ng mga taga- City of Tourism Council ng Baguio at Benguet, na hindi lamang iniaangat ng palabas na Forevermore ang turismo sa lugar kundi nagbabahagi rin ito ng kulturang mayroon sa mga tao roon.
Masasabing hindi lang si Agnes at Xander ang naging bida sa palabas na Forevermore, kung hindi pati na rin ang Sitio Pungayan, kaso nga lang nagtatago siya sa screen name na “Sitio La Presa”. Ngunit kahit ano pa man ang bansag o tawag sa lugar na ito, ang importante ay nagkaroong linaw na ang Mount Kabuyao, kung nasaan ang La Presa, at ngayong nasa mapa na siya ng mga turista, na iba ang La Trinidad sa Tuba, Benguet, at hindi na mananatili sa kasaysayan na isang destinasyon lang ito sa Baguio o Benguet. Malalaman nila Forever ang Sitio Pungayan, hindi lang dahil sa La Presa ito, ngunit dahil sa natatagong ganda ng tanawin at kakaibang kapaligiran. Matapos man ang Forevermore, mananatili naman ang forever na ang pangalang “La Presa” ang naging daan tungo sa pagpapakilala ng Sitio Pungayan.
Sources:
http://www.ourawesomeplanet.com/awesome/2015/05/sitio-la-presa-forevermore.html
http://www.businessmirror.com.ph/teleserye-creates-popular-tourist-destination-in-tuba-benguet/








