“Mahal na mahal kita, at ang sakit-sakit na.”
“Mahal na mahal kita, at ang sakit-sakit na.”
-Popoy, “One More Chance”
Bakit mahirap magmove-on?
Mahirap magmove-on dahil masakit umibig… sa bayan.
Masakit ang pagtaksilan ng minamahal mo. Akala mo ikaw lang iniibig niya ngunit may iba pala siyang nilalandi. Hindi mo alam na siya ay nakikipagrelasyon na pala sa mga bansa at institusyong pansariling interes lang naman ang hinahangad. Niloloko ka lang pala sa mga polisiyang akala mo ay makakabuti para sa iyo ngunit pinapatupad lamang upang pasayahin ang Amerika na siya niyang kabit. Masakit dahil naaakit ang bayang mahal mo sa Amerikang hindi naman talaga siya mahal. Pero ikaw na tunay na umiibig sa kanya ay binabalewala niya.
Masakit ang bigla na lang iwanan ng minamahal mo. Sa umpisa, kung manuyo akala mo’y wagas ang pagmamahal niya sa mga mamamayang nililigawan, binobola ng mga pangakong aalagaan ka niya. Ngunit hindi man lang niya mapanagutan ang kanyang responsibilidad na ipagkaloob ang iyong mga pangunahing pangangailangan tulad ng edukasyon. Pinaasa ka lang pala.
Masakit na sa kabila ng lahat ng panloloko at pang-aabandona ay mahal mo pa rin siya. Umaasa ka pa rin na ikaw ang magpapabago siya. Na dadating ang panahon na hindi ka na niya lolokohin, na hindi ka na niya iiwanan—na mamahalin ka na rin niya.
Mahirap ang umibig sa bayan. Ngunit ang pag-ibig ay hindi lamang isang emosyong nararamdaman kung hindi isa ring desisyong pinaninindigan. Ang mga mamamayan at bayan ay para sa isa’t isa. Ang Pilipinas ay hindi para sa Amerikang tumutugon lamang sa mga makasarili at makamundong pagnanasa ng iilang nasa kapangyarihan. Sa sama-samang pagkilos ay mangahas tayong baguhin ang lipunan upang kailan man ay hindi na niya tayo lolokohin o iiwanan. Bilang mga Iskolar ng Bayan, panindigan natin ang ating pag-ibig sa bayan.
May mga pagkakataong mahirap magmove-on dahil hindi ka dapat magmove-on na lamang. Hanggat hindi napapasaiyo ang mahal mo ay hindi ka dapat sumusuko dahil may mga pag-ibig tulad ng pag-ibig sa bayan na dapat ipinaglalaban. Gaano man kahirap o kasakit, ganoon talaga kapag tayo ay umiibig.
Mga tala mula kay Denise Yalung.