Araw ng Kalayaan? Malaya na ba Talaga Tayo?
Kada taon ay ipinagdiriwang natin ang araw ng kalayaan ng Pilipinas at kada taon, simula noong ako’y namulat sa kalagayan ng ating lipunan ay itinatanong ko din, kailan ba tayo lumaya?
Hunyo 12, 1898 nang ideklara ni Emilio Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na kastila. Para sa mga hindi nakakaalam o nakalimot na, si Emilio Aguinaldo ang umagaw kay Andres Bonifacio ng pamumuno sa katipunan. Isa rin s’ya sa mga nagtakwil kay Bonifacio bilang Supremo at mga tauhan din n’ya ang pumatay kay Bonifacio at sa mga kapatid nito matapos ang moro-morong paglilitis tungkol sa mga gawa-gawang akusasyong pagtataksil daw laban sa mga tagapagtaguyod ng rebolusyon. Siya rin ang nagbenta ng rebolusyon sa mga kastila sa halagang 1,700,000.
Pagkatapos naman ng pananakop ng mga kastila ay sumunod ang mga Amerikano na nagtatag ng puppet government na tinawag na Commonwealth na pinamunuan ni Manuel L. Quezon.
1941 naman ng sinakop tayo ng mga hapon na nagkunwaring mga kaibigan natin na nagdeklara naman ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika noong Oktubre 14, 1943.
Hulyo 4, 1946 ng idineklara ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga hapon. Ipinarehas nila ang idineklarang araw ng kalayaan ng Pilipinas sa petsa ng kanilang araw ng kalayaan mula sa Britanya. Peke rin naman ang kalayaang ito dahil sila pa rin ang may hawak sa Pilipinas lalo na sa aspektong pulitika, ekonomiya at kultura. Halata naman hanggang ngayon.
1963 nang ibinalik ni Diosdado Macapagal, tatay ni dating pangulong Gloria Arroyo na biglang dumami ang sakit noong nalamang ikukulong siya, sa Hunyo 12 ang petsa ng ating kalayaan.
Kalayaan mula sa mga kastila, hapon at amerikano.
Matapos nating balikan nang pahapyaw ang ating kasaysayan, ang tanong; karapat-dapat ba talagang ipagdiwang natin ang kalayaan ng ating bayan? Anong petsa ba talaga tayo lumaya? May petsa ba talaga ang ating kalayaan? Ang isip at puso ba natin ay malaya na mula sa mga mananakop o hanggang ngayon ay sinasamba pa rin natin sila, ang kanilang kultura at lahat-lahat sa kanila? Malaya na ba tayo sa mga mapang-aping mananakop o nagiging mapang-api na rin tayo sa mga mahihina kagaya nila?
Sa aking palagay, ang kalayaan ng bansa ay magmumula sa kanyang mamamayan. Sa puso, isip at gawa ng bawat isa. Hangga’t hindi natin totoong minamahal ang ating bayan at itinataguyod ang kanyang kagalingan, mananatili tayong sakop ng mga dayuhan. Hanggang ang isip at diwa natin ay makadayuhan, hindi tayo lalaya. Hangga’t hindi tayo kumikilos para makawala sa kanilang gapos, hindi na mawawala ang tanikalang patuloy na nag-uugnay sa atin sa kanila.
Kung ganap na ang ating paglaya, maunlad na dapat ang ating bansa at maunlad na dapat ang ating pagiging Pilipino. Tinitingala dapat tayo ng kahit sino.
Ngayon, balikan at sagutin natin ang kaninang tanong, MALAYA NA BA TALAGA TAYO?
12 Hunyo 2014











