Gusto Kong Maging...
Mula pagkabata, madalas na akong tanungin ng mga nakatatanda kung ano’ng gusto kong maging paglaki ko. Syempre, gasgas na gasgas ang mga propesyong Doktor, Scientist, Astraunaut, Accountant, Engineer, Manager, President of the Philippines, Singer, Actress at Newscaster sa bibig ng mga batang paslit at may murang isipan. Pero ako, noong bata (daw) ako, kapag tinanong sa akin ‘yan, ang sagot ko ay “gusto kong maging Japayuki.” Madalas ko kasing marinig ‘yun sa kabilang dingding ng bahay namin. (Lumaki ako sa squatters area kung saan iisang dingding lang ang ginagamit ng dalawang magkapitbahay. May siwang pa na pwedeng gamitin para makinood ng TV sa kabilang bahay.) Sa murang isipan, hindi ko naman nauunawaan ang kahulugan ng salitang iyon ngunit sa mata ng isang musmos, nakakaaliw tingnan ang isang maganda at seksing babae na nakukulapulan ng kolorete ang mukha at nagsusuot ng isang maganda at mukhang mamahaling damit. Kaya akala ko dati, kapag naging Japayuki ako, magiging ganoon ang hitsura ko at makakapagpatayo kami ng bahay na hinati sa dalawa at mapapaupahan namin sa iba.
Hindi kami nagtagal sa lugar na iyon dahil laging lasing si kuya Egay, asawa nung Japayuki, kaya lumipat din kami sa ibang lugar. Ayaw ni nanay ng magulo at maingay na lugar. (Pero ngayon ‘pag naiisip ko, eh nasa squatters kami kaya ‘di ba normal lang na maingay ang paligid? Bakit hindi nasanay ang nanay ko?) Hindi na ako ulit nakabalik sa lugar na iyon. At naiwan din doon ang aking pangarap na maging Japayuki.
Sa paglipas ng panahon, habang ako’y nag-aaral na, unti-unti ko nang naunawaan ang kahulugan ng mataginting na salitang iyon. Hindi pala iyon magandang pangarapin, at ang mga nakaranas noon ay hindi pala iyon ang hiniling. Hindi pala ‘yun pangarap na pinagsisikapan bagkus huling alas para mabuhay at malamanan ang kumakalam na sikmura. Kaya naman, nawala na iyon sa listahan ng mga pangarap ko sa buhay.
Habang patuloy akong binubusog ng edukasyon sa paaralan at TV (maraming educational program noong panahon ko na nasa ETV na ngayon), unti-unti ko ring naunawaan ang kalagayan ng buhay namin. Mahirap kami. Anim na magkakapatid. Ako ang bunso, apat na kuya at isang ate. Walang trabaho si tatay (ex-abroad pero naloko ng employer kaya umuwing walang-wala), walang trabaho si nanay maliban sa pag-extra-extra ng mga tahiin (mananahi si nanay, pero sub-con lang). Ang mga kuya ay na-extra sa construction o ‘di kaya’y nakikipasada ng tricycle at nagtitinda ng basahan na tinatahi rin ni nanay. Si ate ay mananahi sa isang garment factory ng isang sikat na tatak ng undergarments. Dahil sa kaliitan ng aming kabuhayan at kahirapan, talagang pinagsisikapan ko ang aking pag-aaral. Kahit halos walang baon, sige lang. Kahit ‘di ko man naeenjoy ang buhay ng isang bata na nakakapaglaro at palaging may bagong laruan at damit, ayos lang. Basta magaganda ang grades ko dahil mataas ang pangarap ko sa hinaharap: maging Flight Stewardess.
Madalas dati kapag hinihilot ko ang likod ni tatay pagkagaling sa trabaho (nakahanap na siya ng trabaho sa may Las Piñas, welder nga pala siya), kinukwento niya sa akin yung mga stewardess na nag-aasikaso sa kanila sa eroplano. Kinukwento niya na nakasuot sila ng magagandang damit, magaling magsalita ng maraming lenggwahe, at higit sa lahat malaki na ang kita, nakakapaglakbay pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Gusto ko ‘yun! Ayoko nang maging mahirap. Ayoko nang nakatira kami sa maliit na bahay. Ayoko nang kumakain kami minsan na ang ulam ay mantika at toyo, o kung malas pa eh wala talaga maliban sa asin at tubig. Ayoko nang may galit na maniningil ng utang sa amin at pagsasalitaan ng masasakit na salita si nanay o si tatay o sino man sa mga kapatid ko dahil hindi kami makabayad ng utang sa tindahan. Ayoko nang mag-aral na ang ilaw ay gasera dahil wala kaming pambayad ng kuryente. Ayoko nang makitang nag-iigib sa balon ang tatay ko at iipunan ng tubig an gaming mga dram dahil wala kaming pambayad sa linya ng Maynilad. Sabi ko sa sarili ko, ayoko manatili sa ganoong klase ng buhay hanggang sa paglaki ko. Kaya sabi ko sa sarili ko, kahit anong mangyari, tutuparin ko ang mga pangarap ko.
Mabilis na lumipas ang mga taon, hindi ko namalayan magtatapos na ako ng high school. Sa mga susunod na buwan, papasok na ako sa kolehiyo na magtatakda ng magiging trabaho ko sa hinaharap. Trabaho na magdidikta kung aahon na ba kami sa kahirapan o hindi magkakaroon ng kaganapan. Determinado akong kumuha ng kursong Tourism. Ngunit mahal ang matrikula. Sabi ni nanay, hindi nila ako kayang pag-aralin ng ganoon. Sabi ko kukuha ako ng scholarship. Kahit pa magtrabaho ako habang nag-aaral, uso naman ‘yun noon. Basta makapag-enrol ng kursong gusto ko. Ngunit, naunawaan kong mahirap pala talaga kami nang kausapin ako ni nanay at tatay tungkol sa pagkokolehiyo. Sabi nila, kapag kinuha ko yung kursong gusto ko, baka hanggang 1st sem lang ako. Kasi mauubos na ng isang semestre lang ang lahat ng naitabi nila para sana sa pag-aaral ko. Hindi na nila alam saan kukuha sa susunod kung mauubos agad ang nakalaan sa edukasyon ko. Nahabag naman ako sa mga magulang ko. Naisip ko na, masyado akong makasarili kung ipagpipilitan ko iyong bagay na gusto ko. Kaya napilitan akong humanap ng kursong inooffer sa mga murang pamantasan. Syempre, kursong may murang matrikula. Kaya ako pumasok sa Pamantasang Normal ng Pilipinas at kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education.
Umaga pa lang, maririnig mo na ang mga batang sumasalubong para magmano at bumati ng “Good morning teacher!”, “Good morning Ma’am/Miss” o kaya eh “Magandang umaga po, Binibini.” Sa loob ng pitong taon, araw-araw ko nang naririnig ‘yan. Narinig ko na iyan sa daan-daang batang tinuruan ko. Iba-iba ang bawat isa. Pero iisa ang kanilang pagkakatulad, sila ang mga batang swerte at biniyayaan ng maalwang buhay. Sila ‘yung mga batang kahit anong pangarapin at naisin nilang kurso sa hinaharap ay pwede nilang makuha. Sila ‘yung mga batang hindi na kinakailangan maghanap ng scholarship o murang kurso para makapag-aral. Kung sana’y sa ganoong klaseng pamumuhay ako lumaki. Ngunit sadya talagang may kani-kaniya tayong kinalalagyan sa mundong ito. At ako ay inilagay sa kung saan dapat ako: maging isang GURO.
Hanggang ngayon, nangangarap pa rin ako. At ngayong guro na ako, ngayon ko lang talaga nalaman kung ano’ng gusto kong maging sa hinaharap. Bakit, akala niyo ba na porke’t nakapagtapos na ako at nakapagtrabaho ay wala na akong pangarap? Nagkakamali kayo dahil ngayon ko pa lang natuklasan kung ano ang nais kong maging. Simple lang.
Gusto kong maging INSPIRASYON ng mga mag-aaral na nakakasalamuha ko sa bawat araw. Gusto kong maging inspirasyon nila para magsikap din sila at huwag bumitaw sa kanilang mga pangarap. Gusto kong tularan nila ang determinasyon at patuloy kong pangangarap, hindi lamang para sa sarili ko kundi para sa aking mga magulang. Gusto kong kapag hindi ko na sila estudyante ay ikukwento pa rin nila ako, ang aking mga kwento, ang mga aral na naibigay ko sa kanila, ang kanilang mga natutunan sa akin, sa kanilang mga kaibigan, kapamilya o magiging mga anak. Gusto kong maaalala nila ako bilang isang guro na naniniwala sa kanilang kakayahan at sila’y magtatagumpay. Gusto kong mananatili ang “Binibining Angie” sa kanilang mga alaala sa tuwing makakakita sila ng mga bagay na nabanggit o napag-aralan namin sa aming mga klase. Gusto kong mag-iwan ng marka sa kanila, na kahit kailan ay hindi nila malilimutan.
Hindi ako naging Flight Stewardess, pero nakakabiyahe ako sa ibang bansa. Hindi ko nakuha ‘yung pangarap na gusto ko, pero hindi na kami sa squatters nakatira, hindi na rin kami nangungutang, sapat na ang mga gastusin namin at hindi na kailangan magtrabaho ni nanay at tatay (pareho na silang matanda ngayon). Hindi kami yumaman, pero hindi naman kami nanatiling mahirap.
Hindi ako naging Flight Stewardess, pero meron na akong naging Piloto, Nurse at Magdodoktor. Meron na rin akong Aspiring Writer at Model. Meron na rin akong mga artista sa Teatro at malapit nang maging Newscaster. Meron na rin akong Architect at Engineer, Manager at Singer. At sa kasalukuyan, marami pa akong hinuhubog para maging kung ano silang itinakdang maging sa hinaharap.
Kung tatanungin mo ulit ako kung ano’ng gusto kong maging sa hinaharap, sasabihin kong, gusto akong maging GURO ng Lumikha. At gusto kong maging inspirasyon ng iba pa Niyang nilikha.










