What If?
Habang naghahanap ako ng scanned copy ng passport sized picture sa external drive ko, nakita ko sa files ang isang word format document na pinamagatang “What If?” Nacurious ako kung ano’ng nilalaman ng document dahil hindi ko talaga maalala na isinulat ko iyon. I don’t really remember writing this, but it was dated August 8, 2015. Halos mag-iisang taon na. At hindi ko rin talaga maalala kung ano ang pinanggagalingan ng sulating ito. Gayunpaman, masaya ring basahin ang bittersweet message ng kwento. enjoy! :)
So here it is:
What If?
Huwag mong babasahin ito kung hindi ka handang magmahal.
Lalong-lalo na kung hindi ka handang masaktan.
Buwan ng Agosto. Tipikal na panahon ng pagbubukas ng klase. Nakita kita. Wala namang espesyal o magical na kaganapan. Hindi tulad ng mga napapanood sa pelikula na biglang nag-i-slow motion at hinahangin ang buhok. Hindi tulad sa mga teleserye na magkakabanggaan at tutulungan mo akong pulutin ang mga nalaglag na aklat tapos magkakadikit ang ating mga kamay at slow motion ulit, mapapatitig tayo sa isa’t isa at maiilang. Iiwas ka ng tingin kunwari pero magpapakilala rin sa huli. Walang ganun. Walang spark kumbaga. Tamang nakaupo ka sa tipikal na tambayan ng mga estudyante at tamang dumaan ako sa harapan mo. Ganun lang. Pero hindi ko inaasahan na ang pagkikita palang iyon ang magiging simula ng lahat ng karanasang magtuturo ng napakaraming aral sa buhay.
Setyembre. Magka-org pala tayo. Pero magkaibang linya. Performing Arts ka, Production Team ako. Magkaibang-magkaiba. Pero ang bottom line pa rin, magkasama tayo sa iisang organisasyon. Ibig sabihin, madalas tayong magkikita, madalas magkakasama, madalas magkakausap at madalas magkakasabay. Dahil sa mga pagkakataong iyon, nakilala natin ang isa’t isa.
Ang dating pagkikita sa loob ng org ay nasundan ng pagkikita sa labas. Ang pagtitext tungkol sa gawain ng organisasyon ay naging tungkol sa pangungumusta at pakikipagkwentuhan. Ang pag-uwi nang sabay ay naging madalas hanggang sa naging bahagi na ng sistema ang paghihintayan. Ang dating ngitian sa tuwing magkakasalubong o magkakatabi sa upuan ay naging matutunog na tawanan at halakhakan. Ang dating pagkain nang sabay kasama ang mga kaibigan ay naging pagkain nang ang magkasama na lamang ay tayong dalawa. Ang dating akbayan o apiran ay naging maingat na paghahawakan ng kamay. Maraming nagbago. Sa akin at sa iyo. Bagaman pareho nating alam na tayo’y nabubuhay sa magkaiba at magkataliwas na mundo.
Sa kabila ng lahat ng pagkakaiba natin, pinilit nating maging sapat sa isa’t isa. Sinubukan mong pasukin ang mundo ko. Inalam mo ang mga hilig ko. Inunawa ang lahat ng kahinaan at pagkukulang ko. Inintindi ang mga bagay na hindi kainti-intindi sa akin. Tinanggap pati ang mga bagay na hindi katanggap-tanggap: ang paghihilik kapag natutulog, ang pagtawa nang malakas, ang katakawan, ang katamaran maligo minsan, ang pagiging isip-bata, ang pagiging selosa nang wala sa lugar. Kumain ka ng mga paborito kong pagkain kahit ayaw mo dahil nandidiri ka sa street food. Natuto kang kumain ng kwek-kwek at fishball sa gilid ng daan. Sinamahan mo ako sa mga paborito kong lugar. Nakipagsiksikan sa Divisoria. Nakisimba sa Quiapo. Nakinig ka sa mga sintimyento ko sa buhay. Nakitawa ka, nakiiyak, nakiramay, nakisama, nakipagtawanan, nakipagtalo, nakipag-away, nagmahal.
Sinubukan ko ring pumasok sa mundo mo. Inalam ang mga hilig mo. Inunawa ang mga bagay na mahirap unawain sa iyo. Inintindi ang pagiging masungit at tahimik mo. Tinanggap ang mga bagay na boring sa iyo: ang pagiging OCD mo, ang pagiging iritable mo kapag magulo ang mga bagay-bagay, ang pagsusungit mo sa mga waiter at crew, ang pagiging kuripot, ang pagbili ng mga mamahaling gamit na hindi mo naman kailangan minsan, ang pagiging seloso. Kumain din ako ng mga paborito mong pagkain, sumama sa mga lugar na gusto mong puntahan, nakinig ng iyong musika, nangarap kasama ka, nakitawa, nakiiyak, nakipagtalo, nakisaya, nakibahagi sa tagumpay, nakipag-away, nakipaglaban, nagmahal.
Masaya naman tayo sa mundong ginawa natin para sa isa’t isa. Ang mga suliraning ating pinagdadaanan ay matagumpay nating nalalampasan. Habang tumatagal ay lumalalim ang ating pagmamahalan. Walang hadlang sa atin. Walang sagabal. Pareho tayong tapat. Pareho tayo ng daang tinatahak. Sabi nila, iyon daw talaga ang ideyal na pag-ibig, iyon bang hindi kayo nakatingin sa isa’t isa bagkus ay nakatingin kayo sa iisang direksyon dahil doon kayo papunta pareho. Perfect na perfect talaga tayo sa isa’t isa. Ngunit katulad din ng prinsipyo ng daigdig, nothing is permanent but change.
Hanggang unti-unting nagbago ang lahat. Nawalan ng tunog ang masayang halakhak. Nawalan ng oras para magkita at magsama. Naging responsibilidad ang pagkakaroon ng relasyon. Nagbago ang mga prayoridad. Nagbago ang mga pagpapahalaga. Nawala ang lambing, nawala ang pag-aalala, nawala ang saya kapag magkasama. Nanlalamig na ang dating init ng pagmamahalan. Naging sunod-sunod ang away, hanggang sa wala ng away kundi nagkikimkim na lang ng sakit at sama ng loob sa isa’t isa. Nagbago ang mga pangarap. Nawala ang pagkukwentuhan, nawala ang mga simpleng paghahawakan ng kamay at panakaw na paghahalikan, nawala ang mahihigpit na yakap. Nawala ka. Nawala ako.
Pareho tayong naligaw. Pareho tayong nasaktan. Pareho tayong nagmamahal pa rin. Pero pareho rin tayong naging duwag para ipaglaban ang dapat sana’y direksyon na sabay nating tutunguhin. Pareho tayong nanahimik habang pinapanood ang pagkawasak ng bawat isa. Pareho tayong umid ang bibig at tiklop ang sarili habang pinapanood ang paglayo ng bawat isa. Pareho tayong tahimik habang dinudurog ang ating mga puso ng sakit at panghihinayang. Pareho tayong bumitaw kahit alam nating kaya pa namang humawak. Pareho tayong sumuko kahit na alam nating kaya pa namang lumaban. Pareho tayong ma-pride. Pareho tayong umiyak at nasaktan. Pareho tayong walang ginawa para sa taong mahal na mahal natin.
Mahabang panahon na ang lumipas. Ngunit kapag naiisip ko ang mga bagay na hindi natin nagawa, napakaraming tanong ang nabubuo sa akin. May magbabago kaya kung pareho nating ginawa ang mga bagay na alam nating tama? May magbabago kaya kung pareho tayong naghanap ng daan pabalik sa isa’t isa? Kung pareho tayong naghintay sa pagbabalik ng isa? Kung pareho tayong hindi sumuko basta-basta? O sadya bang ito talaga ang itinadhana?
Agosto 8, 2015
Al Khuwair 33












