KASAL
Paano ba mapapanatili ang isang relasyon? May relasyon nga bang nagtatapos kahit walang pagibig na natatapos? Lahat nga ba ng relasyong nagtatapos ay kailangang malungkot?
Isa lang naman yan sa mga tanong na masasagot mo kapag nabasa mo ang maikling kuwento na isinulat ni Eli Rueda Guieb III na pinamagatang Kasal. Dadalhin tayo ng kwentong ito sa realidad na wala nga talaga sigurong forever na isa sa mga sikat na linyahan ng mga kabataan ngayon. Ang mga kwentong may kinalaman sa pagibig ay nakakapukaw ng atensyon sa mga kabataang katulad ko. Para sa akin, ito na siguro ang isa sa pinakamagandang kwento ng pagibig na nabasa ko. Binigyan nito ang pagibig ng bagong mukha na napapanahon sa ating henerasyon. Ano nga bang bagong mukha ang makikita natin sa kwentong ito? Hayaan niyo na pahapyawin ko kayo sa nilalaman ng isang obra-maestra na magbibigay satin ng aral tungkol sa pagibig.
‘Yung mahalin kita habambuhay, hindi ko yata iyon puwedeng ipangako sa iyo. Pero ‘yung iisipin kita habambuhay, iyon, baka iyon ay puwede ko pang ipangako sa iyo, kahit papaano.
Ang masakit na linyang ito ang sasalubong sayo pag binasa mo ang kwento. Sino ba naman ang hindi gaganahan na basahin ang buong kwentong ito sa ganitong linya? Masakit pero totoo. May mga bagay na nangyayari na di ayon sa ating inaasahan. Gayunpaman, sa unang parte ng kwento, binibigyang-kahulugan dito ang kontrata ng relasyon. Sinabi ng tagapagsalaysay na hindi kayang bigkisin ng kontrata ang relasyon. Magiging epektibo pa nga ba ang kontrata kung wala na kayong pagmamahalan sa isa’t isa? May saysay pa nga ba ang kasal kung ang masayang pagmamahalan ay tapos na?
Si Joanne at ang tagapagsalaysay ng kwento ay pumunta sa Bundok Pulog, hindi para makapagsaya kundi iyon ang magsisilbing pamamaalam nila sa isa’t isa. Tinanong nila sa isa’t isa kung bakit nga ba iyon ang naging kahantungan ng kanilang relasyon. Sino ba sa kanila ang nagkulang o dapat sisihin? Sa kanilang paguusap, sinabi ni Joanne na di nila kailangang magsisihan o magalit sa isa’t isa para tapusin ang kanilang relasyon. Pwede namang matapos ang ugnayan nila sa isa’t isa na masaya, na walang galit at pusong masasaktan. Dagdag pa rito ay sinabi ng tagapagsalaysay na may mga bagay naman talagang nawawala na kahit gaano pa kahigpit ang hawak mo dito at gagawa ito ng paraan upang kumawala sayo. Inihalintulad sa kwentong ito ang saranggola sa kanilang namatay na anak. Pinapalipad nila ang saranggola nang biglang itong pilasin ng hangin.
‘Siguro kung kami ang gumawa ng saranggola, hindi ganoon kadaling pakawalan iyon.’ Ito nalang ang kanilang nasabi sa sitwasyong iyon.
Ang buhay na sayo nanggaling ay hindi ganon kadaling pakawalan. Nasambit ng tagapagsalaysay na tumutukoy sa kanilang namatay na anak. Gayunpaman, maaaring isa ito sa mga naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Ang sakit na naging sanhi ng pagkawalan ay mahirap pagalingin kung hindi ito aagapan sa simula pa lamang. Palaging may mga pagsubok na dumadating sa isang relasyon, di naman iyon mawawala, pero kayo mismo ang magtatakda kung paano kayo maaapektuhan ng mga pagsubok na ito. Maaaring isa ito sa mga magpapatatag sa inyo o marahil maging katapusan ng inyong relasyon.
Sa kabilang banda, maraming taong naniniwala na seguridad ang kasal para mapanatili ang relasyon ng isang magkasintahan. Naniniwala ako na pagmamahal ang tanging paraan upang mapanatili ang ugnayan sa isa’t isa. Sinabi nga sa kwentong ito na higit na malaking kahangalan ang ikulong ang kapwa sa legalidad ng pagsasama. Walang saysay ang legal na pagsasama kung wala itong pagmamahalan.
Higit kong hinangaan ang kwentong ito dahil ang pagkakaayos ng kwento ay hindi mahirap maintindihan. Madaling maunawaan ang mga salitang ginamit at kakaiba ang pagkakakwento ng tagapagsalaysay. Masakit ang nilalaman at nakapagbigay ng bagong konsepto sa pagibig. Ito ay ang masayang pagtatapos ng relasyon. Nakapagbigay din ito ng mensahe, hindi lang tungkol sa pagibig kundi pati na rin sa sarili. “Kilala na ng iba ang iyong pagkatao batay sa mga kategorya kung saan ka nila ibubulsa”. Totoo naman at napapanahon sa ating lipunan, titignan tayo ng tao base kung paano nila tayo gustong tignan at wala tayong magagawa upang baguhin ang mga ito. Ang mahalaga ay kilala natin ang ating mga sarili. Binanggit nga sa kwento na ang sarili lang ang makakapagpaliwanag sa sarili.
Bilang katapusan, ang pagpapanatili ng relasyon ay hindi base sa mga materyal na bagay o kontrata, kundi sa pagpapahalaga at pagmamahal sa isa’t isa. Marami mang dumating na pagsubok, hindi ito dapat maging dahilan upang magwakas ang isang relasyon. At dumating man ang oras na hindi ka na niya mahal, masakit pero kailangan mo na siyang pakawalan. Sa pagtatapos ng relasyon niyong dalawa, paano kung mayroon na siyang pupuntahang iba at ikaw ay nananatili pa ring walang malay kung saan pupunta? Kung sino pa nga talaga ang totoong nagmamahal, siya rin ang higit na nasasaktan.







