Saglit
Saglit! Maaari bang wag ka muna umalis Bagaman aking pagpapasya ay tila kay bilis Hindi maikukubli ang pighati't pagtatangis Sa saglit na panaho'y minahal kita ng labis
Ikaw ang nagbigay sa akin ng pag-asa Payapang buhay mula paggising sa umaga Puso'y ikaw ang laging nais makasama Sa kanlungan mo lamang nadama ang ligaya
(Sa tinagal ng paghihintay, ika'y sumaglit Ninais na sana ika'y di na mawaglit Ngunit tadhana'y sadyang kay pait Ang maangkin ka'y hindi makakamit)
Halika, sinta, pumarito ka muna Sa aking piling ika'y magpahinga Iyong pusong pagal, ako muna ang bahala Makasama lang kita, ako'y kumpleto na
Mga haplos mong pumapawi ng lungkot Mga labi mong nakakawala ng poot Paano nga ba isang bituin aking maaabot Ipagdasal man kita'y alam ko na ang sagot
Kung kaya't ito lamang ang nais isambit Ng aking pusong hindi kayang magalit Hindi na maghahanap ng anumang kapalit Saglit na makasama ka'y akin nang langit
















