Makabagong kabataan, Pag-asa pa ba ng bayan?
Ako. Isang kabataan. Simbolo ng pag-asa. Sumasalamin sa pagbabago ng bayan. Ako na isang kabataan, saan ko nga ba ihahatid ang bayan? Sa liwanag ng pag-asa o sa dilim ng kabiguan?
Kabataan. Pag-asa. Bayan.
Mga salitang kumakatawan sa kasabihang nagmula kay Gat Jose Rizal. Kasabihan na pinaniniwalaan noon ngunit ngayo'y tila naglalaho at binubura na ng panahon. Unti-unti nang nawawala ang pag-asa. Ang ilan ay nagpapatangay, ang ilan ay nagtatago sa diskurso ng makabagong panahon. Mabibilang na lamang sa daliri ang nagpapatunay na sila ang pag-asa. At kung titingnan sa panahon ngayon, bihira nang makakita ng kabataang taglay ang pag-asa na hinahanap ng bayan.
Kabataan ako. Kabataan akong lumaki sa makabagong henerasyon. Kabataan akong mulat sa makabagong teknolohiya. Mulat sa makabagong pamamaraan ng pamumuhay. Parte ng sinasabi nilang Henerasyon X. Tawag sa amin ay kabataang techie. 'Yan ang makabagong kabataan ngayon.
Kabataan ako. Kabataan akong sumusunod sa uso o trending. Walang oras na hindi hawak ang cellphone o laptop. Maghapong nakatutok sa virtual na mundo ng telebisyon o mass media. Unti-unti nang nawawala ang mga larong pinoy at pinapalitan na ng kinahuhumalingang online games. Tutok sa social media basta makasabay sa usapang showbiz at mga viral videos. Kinukulong kami ng makabagong teknolohiya sa realidad ng mundo.
Kabataan ako. Kabataan akong limot na ang tradisyon ng pagmamano at pagsasabi ng po at opo. Walang alam sa gawaing bahay dahil maghapong nakahilata sa higaan. Walang oras sa pamilya dahil laging nasa galaan at lakwatsa ng barkada.
Kabataan ako. Kabataan akong tamad gawin ang mga bagay na dapat ay tapusin na sa takdang araw at panahon. Nag-aaksaya ng oras. Walang pagkukusa. Hindi nakatuon sa pag-aaral. Walang konsentrasyon. Walang disiplina at determinasyon.
Kabataan ako. Kabataan akong nagmamahal nang sobra kaya ikamamatay ko ‘pag nawala siya. Mahal ko siya, mahal niya ako, mahal namin ang isa’t isa. Walang forever! Mga kataga na laging bukang bibig ng mga kabataan. ‘Yan ang paraan nang pagmamahal na mayroon kaming kabataan ngayon. Nagpasakop sa bugso ng damdamin kaya’t puso ang pinapairal at kinalimutan na ang isip.
Kabataan ako. Kabataan akong sangkot sa mga krimen at karahasang nagaganap sa bayan. Sangkot sa kawatan, panggagahasa, pagpatay at mga ilegal na droga. Isa na rin sa mga peste ng lipunan na hindi tumitigil ang pagdami at patuloy na nadadagdagan.
Ako. Isang kabataan. Simbolo ng pag-asa. Sumasalamin sa pag-asa ng bayan. Ako na isang kabataan, saan ko nga ba ihahatid ang bayan? Sa liwanag ng pag-asa o sa dilim ng kabiguan?
Ako nga ba ang pag-asa? O pasakit ng lipunan? Ako pa rin ba ang kabataan na tinutukoy ni Rizal na pag-asa ng bayan?
Naguguluhan ako. Naguguluhan ako sa kaparehong naguguluhan din ang kapwa kabataan ko. Naguguluhan ako sa sitwasyong hindi ko na matukoy kung alin ang tama at alin ang mali. Nilalamon na kaming kabataan ng sistemang pilit na sinisira ang imahe ng pag-asa. Nagpapatangay kami kaya’t ang karamihan sa amin, hindi na alam kung sila pa nga ba ang pag-asa ng bayan. Ang iba’y tuluyan nang nagpatianod at ang iba’y nakakapit pa sa sanga at pinipilit pang makaahon.
Pag-asa pa nga ba kami? O isa na rin kami sa aasa at maghihintay ng bayaning mag-aahon sa bayan? May dapat bang sisihin? O dapat bang kaming kabataan ang may pasanin?
Puro tanong ngunit walang mahanap na sagot. Walang solusyon dahil walang nakilos upang gumawa ng aksyon. Lahat nakatunganga. Lahat nakatitig lang. Naliligaw ng landas sapagkat walang nagtuturo ng direksyon patungo sa tamang daang tatahakin.
Pag-asa. Ito ang iisang mithi ng ating bayan. Ang maiahon sila nang pinaniniwalaan nilang pag-asa. Ngunit, ang pag-asa'y hindi lang kaming kabataan. Ang pag-asa'y nakakamtan sa pamamagitan ng bawat isa at sa nagkakaisang bayan. Paanong mahuhubog bilang pag-asa ng bayan ang kabataan kung ang mga taong nasa paligid niya ay gumagawa ng mali at binabaluktot ang sistema ng bayan? Nasaan ang mga huwaran na dapat tularan naming kabataan? Ang tinuturo niyo sa amin ay mali. Ang ipinapakita niyo sa amin ay kaguluhan at kalituhan. Ang mali ay nagiging tama at ang tama ay ginagawang mali.
Marahil, maraming balakid upang makamtan ang minimithi ng bayan. Siguro nga'y kung babangon si Gat Jose Rizal mula sa kanyang hukay, baka pagsisihan niya pa na ginawa niyang pag-asa ng bayan ang kabataan. Siguro nga'y kung buhay pa si Heneral Luna, susugod at sisigawan niya tayo na "Mas pinili niyo ang sarili kaysa bayan." Marahil, kung hindi tayo nagpadala sa makamundong bagay, marahil hindi magiging malubha ang sitwasyon ng ating bayan at hindi sana tayo ang isa sa mga pasakit sa lipunan.
Mga sana na sana'y nagawa noon pa. Ngunit, dumating na tayo sa panahon na kaharap na natin ang makabagong mundo. Totoong lumulubha ang kalagayan ng kabataan. Lulubha ito kung pababayaan.
Walang masama sa pagtangkilik ng makabagong mundo dahil simbolo ito ng progresibong panahon. Ngunit, sana'y maisip natin na ang paggamit ng mali sa mga makamundong bagay ay siyang wawasak sa ating kamalayan at bayan.
Sa kabila ng lahat, hindi naman dapat masisi sa aming kabataan ang mga negatibong pagtingin sa amin. Hindi dapat kami ang masisi kung bakit ganito kami ngayon. Sumusunod lang kami sa takbo ng panahon at kung ano ang sistemang kinamulatan namin ngayon. Ang mali lang sa amin, nagpatangay kami sa agos, nalulong kami at nawalan ng kontrol. Malaking bahagi ng makabagong sistema sa panahon ngayon ang pagkilos naming kabataan.
Totoo. Isa ako at kabahagi ako ng makabagong kabataan ngayon. Nagkakaroon man nang lamat ang aming henerasyon pero hindi pa ito huli dahil may mga kabataan pa ring patuloy na umaaksyon.
Kaya't maninindigan ako at muling sasambitin:
Ako. Isang kabataan. Simbolo ng pag-asa. Sumasalamin sa pag-asa ng bayan. Ihahatid ko ang bayan sa liwanag ng pag-asa dahil ang kabataan ay hindi lang pag-asa ng bayan, ang kabataan ay dapat nang asahan ng bayan.