Ang pagiging nanay ay isang responsibilidad na hindi ka pwedeng magsabi na mamaya nalang, bukas nalang, day off muna, di ko na kaya, break muna, etc. Mahirap maging nanay pero masaya. Masaya ako dahil may mga bago akong natutunan sa buhay ko na may pinatutunguhan.
Unang una, magdadala ka ng sanggol sa tiyan mo ng 9 na buwan, yung hirap na may dinadala ka sa tiyan mo, sa lakad, sa pagdidyeta na kapag sumobra ka sa kain maraming lumalabas na sakit, yung iisipin mo ang mga dapat mong gawin dahil kailangan mong protektahan ang sarili mo at yung dinadala mo sa sinapupunan mo, atbp. Unang stage palang yun.
Pangalawa, kapag nanganak ka na. Pagle-labor, yung sakit na hindi mo maintindihan. Sabi nga sa nabasa ko dati sa isang site, "Ang panganganak ang pangalawa sa pinakamasakit na mararamdaman ng isang tao sa buong buhay niya. Ang una ay ang sinusunog ka ng buhay." Sabi din ng nanay ko dati, kapag nanganganak ang isang nanay parang nauna na sa hukay yung isa niyang paa. Parang ibig sabihin ata nun ay hindi mo malalaman kung pagkatapos mong iluwal yung bata ay mabubuhay ka pa o mamamatay na. Ganoon ang hirap at sakit ang naranasan ng Nanay mo/natin. (so wag niyo away awayin yung nanay niyo isipin niyo naman yung hirap niya.)
Pangatlo, pagbabantay sayo habang buhay hangga't kaya niya pa. Napakahirap pero masaya ang mag karoon ng anak, yung pagka gising mo sa umaga makikita mo yung anak mo, tapos bigla siyang ngingiti sayo. Bilang isang nanay napakasarap sa feeling ng ganoon nawawala lahat ng pagod mo.
Habang lumalaki tayong mga anak mas lalong nalalayo minsan ang loob natin sa mga magulang natin. Yung mas nagiging masaya tayo sa mga kaibigan natin, yung hindi natin alam na nasasaktan na pala natin yung mga magulang natin lalong lalo na yung mga nanay natin.
May mga nanay na nagtatrabaho malayo sa mga anak para lang matustusan ang pangangailangan ng mga anak. Yung sakripisyo, yung homesick nila, yung pagkamiss nila sa mga anak at pamilya nila kaya nilang tiisin para matugunan lang ang mga kailangan ng anak.
Pero kahit anong gawin natin, kahit anong sakit ang naidulot natin sa mga nanay natin mahal na mahal parin nila tayo at hindi pinapabayaan. Unconditional love ika nga nila.
Kaya sa mga anak diyan, hindi pa huli ang lahat para iparamdam sa mga nanay at tatay natin na mahal na mahal natin sila. Hindi matutumbasan ng kahit anong materyal na bagay ang pagsasakripisyo at pag aalaga nila sa atin. Tayong mga anak ang kaligayahan nila. Wala tayo kung wala sila, kulang ang pagkatao natin kung wala sila. Walang magulang na makakatiis sa anak nila. Mahal nila tayo katulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin at sa kanila din.