PAGLILIHI: ANG PANINIWALA NG MGA PILIPINO
“Saan ka pinaglihi ng Nanay mo?”
“Sa asukal, kaya napaka puti ko. Ikaw ba?”
“Buti ka pa, ako kasi sa alimango kaya ganto ang mga kamay ko parang sipit din ng alimango.”
Simula noong ako’y bata pa, madalas ko na marinig ang mga tungkol sa paglilihi, hindi lamang sa aking mga kaibigan kundi maging sa aming mga magulang. Sa kagustuhan ko rin malaman kung saan ako pinaglihi, tinanong ko ang aking ina. Sabi ni Ina, pinaglihi raw niya ako sa pakwan kaya bilugin ang aking mukha. Ako naman ay natuwa sa sinabi ng aking ina kaya ibinahagi ko ito sa aking mga kaibiggan at tinanong ko rin silang lahat. Ngunit isa sa aking mga kaibigan ang ayaw magsabi kung saan siya pinaglihi. Pinipilit namin siyang sabihin kahit nahihiya siya. Ang pangalan niya ay Dan, meron siya kapansanan hindi kumpleto ang kanyang mga daliri kaya nahihirapan siya magsulat. Sabi raw ng kanyang ina, siya ay pinaglihi sa alimango. Madalas inaasar si Dan ng aming mga kaklase, tinatawag siyang “alimango.” Kaya lagi siyang nalulungkot at nagtatanong kung bakit ganoon.
Marami sa ating mga Pilipino ang naniniwala na ang paglilihi ay may direktang epekto sa bata na nasa sinapupunan ng kanyang ina. Ang ibang termino sa paglilihi ay nangingidam sa Bikol, magli’i sa Kapampangan, man-nginginew sa Pangansinan, nagalihi sa Masbateño, at ag-in-inaw sa Ilocano – halos lahat ng etno-linggwistikong grupo ay may sari-sariling konsepto ng paglilihi.
Sa kultura ng mga Pilipino, ang “paglilihi” o lexicon sa Ingles ay matinding pagnanais ng nagbubuntis sa espisipikong pagkain, maaring prutas, gulay, ulam, at iba pa. Sa mga panahong ito may mga pagkain o amoy na iniiwasan ang nagbubuntis.
Totoo nga ba ang paglilihi?
Ayon kay Dr. Joan Tan-Garcia , isang obstetrician-gynecologist ang paglilihi pero hindi lahat ng sinasabi tungkol dito ay dapat paniwalaan. Paliwanag niya na , nangyayari ang paglilihi sa unang 3 hanggang 4 na buwan ng pagbubuntis ng isang babae kung saan nagkakaroon aniya ng "hormone surge" o biglaang pagdami ng hormones sa loob ng katawan ng isang babae sa mga panahong ito.
Ayon naman kaya Dr. Salamat, maaring makaapekto ang mga pagkaing kinaain ng Ina sa kalusugan ng bata ngunit pinapatunayan ng genetics na ang genes at hindi ang pagkain ang magdidikta sa physical attributes at traits na makukuha ng bata kanyang mga magulang.
Ang paglilihi ay nananitiling kontobersiyal na issue sa ating mga Pilipino kung pipiliin ba natin na tugunan o hindi ang paglilihi ng mga nanay. Ngunit una sa lahat ay dapat alagaan ang nagbubuntis upang maging malusog at walang komplikasyon ang bata sa kanyang sinapupunan.
Dahil sa paniniwala nating ito, madalas tayong mapaisip na kaya ganoon ang itsura ng isang tao ay maaring pinaglihi siya sa isa pagkain o bagay na maaring maihalintulad sa kanya. May mga batang may kapansanan na tulad ni Dan, ang maaring dumaranas ng pangunugtya dahil dito.
Tandaan natin, na anoman ang dahilan sa likod ng kapansanang tinamo ng ating kapwa hindi tama sa sila’y husgahan at wala tayong karapatan upang sila ay maliitin. Wala silang kasalanan sa mga bagay na ito at kailangan nila ang ating pagmamahal at kalinga.
Oo, wala tayong kakulangan at karapat-dapat tayong mahalin.
Oo, sila’y may kakulangan at karapat-dapat silang mahalin.
Maaring higit tayo sa maraming bagay dahil meron tayo ng mga bagay na wala sila ngunit pantay-pantay tayo sa halaga at pagmamahal na dapat matamo ng isang tao.
Kung tayo ay isa sa mga taong napakaraming prebilihiyo, mapalad tayo. Kaya kung tumanggap tayo sa kaliwang kamay, magbigay tayo sa kanang kamay. Maging daluyan tayo ng pagmamahal at pagpapala sa kapwa natin Pilipino.