Ang Peke
Pambungad
Klinika ni Dr. Casas. Pagbukas ng tabing, makikita si Pilar na nakaupo sa mesa bilang nars na tagapaglingkod sa araw na iyon.
Eksena 1 (Pilar at Dr. Casas) Pilar: Kay tagal nang nakalabas ng doktor. Siguro'y mahirap ang operasyon. (Magpapatuloy sa kanyang gawain- si Dr. Casas mula sa Operating Room) O, natapos na palá, Doktor? Successful ba? Casas: Oo. Pastilan, napakahirap na operasyon. Parang dalawang operasyon. (Ang nars ay magdunol ng tuwalya at kukunin ang guwantes matapos itong hubarin ng Doktor.) Pilar: Anong orders, Doktor? Casas: Liquid diet, ha! Pilar: Kung sakaling lagnatin, ipaaalam ko na lang dito! Casas: Oo. At kung hindi lalagnatin, huwag bibigyan ng gamot. (Sa sandaling ito, mauunang aalis ang nars ngunit babalik din.) Pilar: Meron pa pala akong gustong sabihin sa inyo, Doktor. Naghihintay ho sa labas si Don Felix Gomez. Casas: Ha! Bakit hindi mo pinatuloy agad? Pilar: Hindi ko na muna pinatuloy dahil may ginagawa pa kayo. Casas: Puntahan mo agad. (Aalis si Pilar at babalik din kaagad, kasama si Eling)
Eksena 2 (Dr. Casas, Eling, at Pilar) Eling: Magandang umaga, Doktor! Casas: Magandang umaga naman! Tuloy kayo! (Tutuloy at uupo si Eling sa silyang itinuro sa kanya.) Ano po'ng maipaglilingkod ko sa inyo? Eling: Kasi ho, Doktor, matagal na po itong sakit ko at hindi ho gumagaling. Casas: Ano ba'ng nararamdaman mo? Eling: Kuwan... itong kung isasalaysay ko'y hindi ko kayang ilarawan ang aking dinaramdam. Aywan ko ba kung ano ito parang may sakit ako, parang wala... Hindi naman ako nilalagnat, pero ada! Aywan ko nga! Hindi ako makatulog sa gabi. Ang bituka ko ay ayaw tumanggap ng pagkain. Wala nang kasiyahan sa daigdig na makakalibang sa akin... Lagi na lamang akong nalulumbay. (Titigil). At wala na yatang gamot sa botika na di ko natikman sa dami ng ipinainom sa akin. Kilala mo ba ako? Casas: At sino ba'ng hindi nakakakilala sa iyo, Don Felix! Eling: Kaya nagsadya ako dito. Baka sakaling maalis itong aking karamdaman. Ano nga kaya ang sakit ko? Casas: Sinabi mong hindi ka makatulog... hindi makakain at para kang napapangitan sa mundo... Ngayon, meron akong itatanong sa iyo na baka sabihin mong walang kaugnayan sa iyong sakit, pero sagutin mo na rin. Puwede? Eling: Sige, magtanong ka lang at sasagutin ko. Casas: Magkano ang kinikita mo buwan-buwan sa iyong bahay at lupain? Eling: Hindi ko alam, Doktor, dahil ang administrador ko lang ang nakaaalam nito. Casas: Gayon ba? A, tatlong libo kaya? Eling: Baka higit pa dahil hindi naman iyan magkakasiya sa akin. Casas: Kung gayon! Aha... Maglakbay ka sa ibang dako ng daigdig... Makagagaling 'yan sa iyo. Eling: Huwag ka nang magsabi nang ganyan wala nang lugar sa mundo na hindi ko napasyalan. Dalawang taon ako sa Amerika... limang taon sa Europa.... nakarating na ako sa India... Ay, sa lahat! Sawa na ako riyan. Casas: Ganoon ba? Ano naman ang ginagawa mo araw-araw? Eling: Ako... wala. Laging tanghali na ang bangon ko. At saka, nakaupo lang ako buong araw. Hindi na ako namamasyal, dahil naguguluhan ako sa maraming tao. Ayaw kong magpunta-punta sa mga kasiyahan, at ako'y nababanas sa mga nagsasayaw at nagsasaya. Casas: Ilang taon na po ba kayo? Eling: Tatlumpu. Casas: Bakit naligaw kayo rito samantalang mayroon ka namang sariling doktor? Eling: Pumunta na ako sa lahat ng manggagamot at walang nakagaling sa akin. Casas: Ilang tanong na lang... huwag ka lang mainip, ha? Eling: Hindi. Tanungin mo ang nais mong itanong. Casas: Sinong mga kamag-anak mo? Eling: Ako?.. Malapit na kamag-anak, wala. Kaisa-isa akong anak. Patay na ang mga magulang ko. Mayroon akong mga kamag-anak, pero malalayo na. Pero anong kaugnayan nito sa aking sakit? Casas: Sandali lang... E, ... Hindi mo naisipang magkaroon ng sarili mong pamilya? Ayaw mo bang mag-asawa? Eling: Huwag mo na lang banggitin iyan sa akin! Casas: Makinig ka. Isa kang pasyenteng walang sakit. Iyang sakit mo'y hindi nakukuha sa gamot. (Nais tumayo ni Eling.) Makinig ka muna, kung hihingi ka ngayon ng gamot wala akong maibibigay sa iyo. Eling: Kaya? Kung wala akong sakit, bakit ako may sakit? Casas: Iyan ang sinasabi ko sa iyo. Ika'y may sakit pero walang sakit. Pero ang sakit mo'y higit na malala kaysa pinakamasahol na sakit. (Magtatangkang tumayo si Eling) Makinig ka na lang muna... Hindi ito biro. Ang sa iyo'y sakit ng lubhang pagiging mayaman. Wala kang bagay na ninanais dahil ang lahat ng bagay ay mapapasaiyo sa isang bigkas mo lang, sa pamamagitan ng iyong salapi. Sa mundo'y wala kang ni isang bagay na hinahabol, iyan ang dahilan kung bakit ang kalooban mo'y mahina at ang iyong katawa'y parang kasangkapang kinakalawang... Dito sa mundo'y kailangan natin ng isang hangarin. Kailangang ang bawat isa sa atin ay may minimithi sa buhay. Ang buhay ay hindi lamang pagkain, pagtulog, at pagbibigay sa katawan. Kailangan ng bawat isa ang isang pinapangarap na nais magkatotoo. Ngunit ikaw, dahil sa salapi mo'y matutupad kaagad ang iyong kagustuhan. Tigib ka man sa lahat-lahat, ang pinakamabuti sa iyo'y magkaroon ng isang tinitingalang pangarap na karapat-dapat sa iyo. (Titigil.) Eling: Siya nga? Ha ha ha... Kung mangangarap lang
ako'y gagaling na ako kaagad? Casas: Huwag kang tumawa at hindi ito katatawanan. Alam mo, kahit mayaman ka ay hindi ka magkakahalaga ng isang sentimo. Eling: Ha! (Tatayo) Hindi ako nagpunta rito para insultuhin mo! Casas: Magalit ka na nang magalit, pero ang sinasabi ko'y totoo. Kahit sino riyan sa mga kargador sa daungan ay mas mahalaga kaysa iyo. Sila'y may pakinabang sa kanilang sarili, sa kanilang pamilya, sa kanilang bayan. Pero ikaw liban sa pagkain, pamamasyal, at pagtulog, wala ka nang silbi. Eling: (Tatayo, sisinga-singa sa galit) Dr. Casas, mag-ingat ka sa iyong dila, at baka may mangyari sa iyo ngayon din! Casas: Sige! Magalit ka! Buntal! Sugod! (Susugod si Eling, pero siya'y mapapaupo sa silya, hahawak sa ulo) Ha ha ha... nakita mo na? Nariyan ang iyong sakit. Ang kawalang-sigla, ang kawalang lakas-loob, ang pagiging duwag! Bakit duwag ka? Sapagkat ika'y walang lakas. Ang mga bisig mo'y mahihina. Alam mong kung binuntal mo ako'y mabubulagta ka sa sahig sa aking ganti. Bakit ka mahina? Sapagkat wala kang ginagawa. Eling: Totoo ba ang sinasabi mo? Casas: Sadyang totoo, ka'mo! Kung magiging mahirap ka, halimbawa, walang magkakamaling magsasahod sa iyo kahit ilang sentimos bawat araw. Walang laman ang iyong ulo. Walang lakas ang iyong mga bisig. Hindi sanáy sa paggawa. Maniwala ka. Ang dahilan ng iyong sakit ay ang kayamanan mo mismo, iyang yamang hindi pinagpaguran ng iyong katawan. Eling: Ngayon? Anong kahihinatnan ng taong kagaya ko? Casas: Kung minsa'y mabuang, kung minsa'y magpatiwakal. Eling: Totoo? Casas: Hindi ba kung minsa'y may maligaya sa paningin natin, pagkatapos, basta na lang nagpapakamatay? Naalala mo 'yong isang taong mataas ang katungkulan sa Maynila na pinatay ang sarili sa gitna ng kanyang halamanan, sa harap ng kanyang palasyo? Iyan, ang magiging katapusan mo! Mayaman ka nga ngayon, pero hindi mo nalalasahan ang tunay na kapalaran sa mundo. Gusto mong kumain, hindi ka makakain, dahil hindi mo masikmura ang pagkain. Nais mong matulog, hindi ka makatulog, dahil ang pagtulog ay para makapagpahinga at bakit magpapahinga ang katawang walang ginagawa? Gusto mong mag-asawa, hindi mo magawa sapagkat lagi kang nagsususpetsa na ika'y iibigin lang nang dahil sa salapi mo... Eling: Totoo 'yan! Casas: Hindi ka minamahal ng lipunan sapagkat ang iyong puso'y wala ni katiting na pitak ng pagmamahal para sa kanya. Ang lipuna'y walang utang-na-loob sa iyo, at ika'y walang sisingilin sa kanya. Nakikita mo ba iyang malaking punongkahoy? Mayabong ang kanyang mga sanga't dahon pero sa kanyang lilim, mamamatay pati ang mga damo; walang tanim na nabubuhay! Ikaw iyan! Eling: Subalit nais kong maging totoong tao. Ibig kong lumigaya...anong dapat kong gawin? Casas: Kumain ka ng pagkaing pinagpawisan mo. Sa ngayon, ika'y isang taong "peke"... huwag kang magalit sa aking sinasabi. Ako'y isang manggagamot... ang isang may sugat na nagpapagamot ay talagang masasaktan sa paglalagay ng gamot. Ganyan ka ngayon, kailangan sa tao ang may hinahabol na bandila sa unahan... na may tinitingalang bituin; at para sa kanya ang tagumpay ay wala sa pagkakamit ng bituin ni sa pag-agaw ng bandila, kundi nasa pagsisikap at paghahangad kanila. Eling: Dr. Casas... ganyan pala? Magsalita... magsalita ka pa... Casas: Eto pa. Pumili ka ng babaeng tunay na iniibig mo at tunay ding nagmamahal sa iyo, sapagkat ang pinakadalisay at masiglang pag-ibig ang isang malaking lakas na makaaahon sa iyo sa pag-agos nito tungo sa maruming pusali... siyang tunay na ilaw na tatanglaw sa daang paakyat sa kaitaasan. At saka, kung may anak ka man, lalong mabuti at magkakaroon ka ng banal na kasiyahan: ang pag-aaruga sa kanila, pagpapalaki sa kanilang mabubuting taong maaari mong ialay para sa paglilinang ng lipunan, hindi parang putik, kundi parang bulawan. Eling (Tatayo): Dr. Casas, ipakikita ko sa iyong ako'y magiging totoong tao rin. Sinabi mong ako'y "peke"? May araw ding babalik ako sa iyo upang ipakita sa iyong may kabuluhan pa ako. Casas: Anong gagawin mo? Eling: Hindi ko na muna sasabihin. Sinabi mong matamis ang pagkaing binibili sa perang
pinagpaguran? Hahanapin ko ang pagkaing 'yan. Totoo ang sinabi mo, merong bagay sa mundo na hindi nabibili ng salapi... bagay na pagsisikap lang talaga ang kapalit... hahanapin ko ang mga bagay na iyan! Casas: A!... Ngayo'y masasabi ko sa iyong may maaasahan pa pala.
Buod ng Iba pang Bahagi ng Dulang "Ang Peke"
Pagkatapos ng pag-uusap nina Don Felix o Eling at Dr. Casas sa klinika kung saan tinanggap ni Eling ang hamon ng doktor na hanapin niya ang kabuluhan ng buhay at patunayang hindi siya "peke", ang sumunod na tagpo ay sa tabing-dagat, sa ilalim ng niyugan kung saan makikita ang bahay ng mga naninirahan sa balangay ng mga mangingisdâ. Sa lugar na ito ng mahihirap nakatira ang mag-asawang Alipio at Ingka gayundin ang kanilang mga anak na sina Quintin, Mayang, at Siyay. Dito rin nakatira ang manliligaw ni Mayang na si Goryo, anak ng pinakamayaman sa lugar na si Pascual, nagmamay-ari ng baling o malaking bangka, limampung punò ng niyog, at kaisa-isang bahay na tabla. Bagama't hindi gusto ni Mayang si Goryo ay mapipilitan siyang pakasalan ang binata dahil sa laki ng utang ng kanilang pamilya sa ama nito at sa pangako nitong hindi silá tatawad sa bugay o dote at bibigyan sila ng kalabaw, isang bagay na pinakaasam-asam ng kanyang magulang. Sa lugar na ito sumulpot si Eling na nagkunwaring naghahanap ng puwedeng mapasukang gawain kahit bilang saop o katulong lang. Tinulungan niya si Mayang sa pagbuhat ng baroto at bilang kapalit, binigyan siya ng dalaga ng bahaw na kanin at daing. Ito ang unang pagkain ni Eling na nagmula sa pagpapatulo niya ng pawis. Naging mabuti si Mayang sa kanya na nagbigay pa ng suhestiyong pumasok siya bilang mananangot sa niyugan ni Pascual. Sa pamamalagi ni Eling sa lugar na ito ay muli silang nagkita ni Dr. Casas. Katunayan, kaya palá pinili ni Eling na rito magpunta ay dahil alam niyang naririto ang asyenda ng doktor. Gusto niyang makita nito kung paano siya magiging totoo at lalayo sa pagiging "peke". Sinabi niya sa doktor na iniwan niyang lahat ang kayamanan at ari-arian sa kanyang mga tauhan at pinagbilinan silang pupunta siya sa malayong lugar sa loob ng isang taon. Wala siyang dinala kahit isang sentimo at nagpasiyang sa loob ng panahong ito ay kakain lang siya ng mula sa kanyang pinagpaguran. Sa pagdaraan ng araw ay naging malapit sa isa't isa sina Eling at Mayang. Nakatagpo ng pagmamahal si Eling kay Mayang at gayundin naman ang naramdaman ng dalaga para sa binata subalit ito ay naging dahilan ng pagseselos ni Goryo. Ayaw rin ng ina ni Mayang na si Ingka na magkalapit sina Mayang at Eling dahil inakala niyang ang binata ay musimos o mahirap pa sa daga at isang hamak na mananangot lamang. Subalit hindi napigilan ang tunay na pag-ibig na nararamdaman nina Mayang at Eling para sa isa't isa. Sa kabila ng pagtutol ng mga tao sa kanilang paligid ay umiral ang wagas na pag-ibig. Kinausap ni Dr. Casas si Eling at ipinaalalang hindi sila magkabagay ng kalagayan ng dalaga subalit binalewala ito ng binata. Sinabihan din ng butihing doktor si Mayang na si Eling ay labis na maralita subalit ipinagdiinan ng dalaga na mas mamatamisin pa niyang tumira sa dampa kaysa sa palasyo at mamatay sa gutom sa piling ni Eling kaysa maikasal sa hindi niya minamahal. Bilang paghahanda para sa pamamanhikan ng pamilya ni Goryo kay Mayang ay ipinadala ng ama niyang si Pascual kay Eling ang tuba na tinatawag na dama juana sa taniman ng dalaga. Sinamantala ng dalawa ang pagkakataong ito para muling makapag-usap. Sa gabi nga ng pamamanhikan ng pamilya ni Goryo ay nagtanan sina Mayang at Eling. Magdamag silang naglakad palayo sa lugar nina Mayang at nang makarating sa lungsod ay nagpakasal. Pagkatapos ay isinama ni Eling si Mayang sa kanyang malapalasyong tahanan. Labis ang pagtataka ni Mayang kung kanino ang tahanang ito at kung ano ang kaugnayan ni Eling sa may-ari nito. Maging ang mayordomo at mga utusan ay nagtaka at nagulat din sa mga pangyayari. Katunaya'y hindi nila agad nakilala si Eling hanggang sa ibulong nito sa kanila kung sino siya. Ipinagtapat ni Eling kay Mayang ang ginawa niyang pagpapanggap at ang katotohanan tungkol sa kanya. Noong una'y nahirapan si Mayang na tanggapin ang ipinagtapat ng asawa dahil alam niyang hindi siya nababagay sa kalagayan nito subalit natanggap din niya ang magandang kapalaran. Maya-maya'y dumating ang humahabol na sina Quintin, Ingka, at Alipio. Nagtaka sila kung ano ang ginagawa ni
Mayang at ng inaakala nilang hampaslupang si Eling sa malapalasyong tahanan. Nang humarap sa kanila ang binata at ipaliwanag ang lahat ay hindi pa rin sila makapaniwala hanggang sa dumating si Dr. Casas at sinabing ang lalaking binusabos nila sa loob ng isang taon ay walang iba kundi ang mayamang si Don Felix.. Dito na humingi ng tawad si Ingka sa binata. Nagpasalamat nang labis si Eling kay Dr. Casas at sinabing utang niya sa butihing doktor ang kanyang magandang kapalaran ngayon. Ipinangako rin niya ang pagpapatuloy sa panggagamot sa kanyang sakit dahil sinabi ng doktor na ang malaking bahagi ng kanyang sakit ay galing sa kawalan ng pangarap na titingalain sa itaas, na ang inatupag niya'y pawang pangangailangang pangkatawan lamang at iniwan ang espiritwal na hangarin, at ang kasawiang kinasadlakan niya'y ang pinakamasahol na maaaring mangyari sa isang tao. Alam niyang marami pa siyang kailangang ayusin at baguhin para maituring na makabuluhan ang kanyang buhay. Sinabi ng doktor na marami pa siyang pagdaraanang paghihirap para maituring na makabuluhan sa lipunan subalit pinanindigan niyang wala siyang kahirapang hindi kakayanin lalo pa't ang mga kamay ng kanyang pinakamamahal na si Mayang at ang kanyang mga kamay ay magkadugtong na. Hindi nagtagal at dumating na rin sina Goryo at Pascual. Sa pagtatapos ng eksena ay ipinaliwanag ni Eling sa lahat ang ginawa niyang pagpapanggap. Humingi siya ng tawad nagawa niyang panlilinlang para maitago ang tunay niyang katayuan. Pinangakuan niya si Pascual na babayaran niyang lahat ang gastos at pagkakautang ng pamilya ni Mayang sa kanya. Habang umiiyak ay akmang luluhod si Pascual bilang paghingi ng tawad sa kanyang dating mananangot subalit pinigilan siya ni Eling. Inaya niya ang lahat para sa isang kasayahan. Sa gitna ng pagsasaya ay ipinaalam niya sa lahat na si Dr. Casas ang naging responsable para magbago ang dating taong "peke" na ngayo'y nagsusumikap at natuklasan ang tunay na kabuluhan ng buhay.













