Ang Apat na Buwan Ko sa Espanya ni Rebecca de Dios
Ako si Rebecca, labing-anim na taong gulang, anak ng mag-asawang OFW na kapwa nagtatrabaho sa Barcelona, Espanya. Walong taon na rito sina nanay at tatay subalit ito pa lang ang unang pagkakataong naisama nila ako. Nagkaton kasing nagbago ang school calendar ng unibersidad na papasukan ko. Sa halip na sa nakasanayang Hunyo ay sa buwan ng Agosto pa magbubukas ang klase kaya sinamantala namin ang mahaba-habang bakasyon mula sa Abril hanggang huling linggo ng Hulyo upang sa halip na sila ang umuwi sa Pilipinas ay ako ang pinapunta nila sa Barcelona, isa sa pinakakilalang lungsod sa Espanya.
Sa isang malaking hotel sa Barcelona nagtatrabaho ang aking magulang. Bago pa ako dumating ay inayos na nila ang oras ng kanilang pagpasok upang lagi akong may makasamang isa sa kanila. Magkaiba ang kanilang shift sa trabaho subalit nagawan nila ng paraang tuwing Sabado at Linggo ay maging libre sila pareho para makasama ako. Dahil dito, napasyalan namin ang magagandang lugar sa mga lungsod ng Madrid, Seville, Toledo, at Valencia. Sa apat na buwan ng pamamalagi ko sa Espanya at pamamasyal namin sa iba't ibang lungsod dito ay marami akong natutuhan at naranasan sa kanilang mga kaugalian, kultura, at tradisyon.
Sa unang buwan ng aking pagbisita (Abril hanggang Hunyo) ay nakaranas ako ng katamtamang panahon. Subalit sa buwan ng Hulyo gayundin daw sa buwan ng Agosto (na hindi ko na inabot) na itinuturing na tag-init sa kanila ay sadyang napakainit ng panahong maihahambing sa ating nararanasan sa Pilipinas sa mga buwan ng Marso at Abril. Sa mga panahong ito'y napakaraming turista ang dumarayo sa Espanya lalo na sa Lungsod ng Barcelona upang mapasyalan ang kanilang magagandang dalampasigang nasa baybayin ng Dagat Mediterranean.
Isa sa ipinagmamalaki ng mga Espanyol ay ang kanilang mayamang kultura at tradisyong nag-uugat pa sa malayong nakaraan. Napakarami nilang museo at mga teatro kung saan masasalamin ang kanilang kasaysayan. May mga araw at oras silang nakalaan para sa libreng pagpasok sa mga museo. Halimbawa, napasok namin nang libre ang Reina Sofia sa Madrid, isang museong tanyag sa buong mundo. Libreng nakapapasok dito ang publiko sa mga araw ng Lunes, Miyerkoles, Huwebes, at Biyernes mula ikapito hanggang ikasiyam ng gabi. Libre rin ang pagpasok dito mula 2:30 ng hapon kapag araw ng Sabado at kapag Linggo, libre ito mula umaga hanggang 2:30 ng hapon. Sa pamamasyal namin sa iba't ibang museo nakita ko ang mga obra maestra ng mga tanyag na alagad ng sining tulad nina Salvador Dali, Pablo Picasso, Joan Miro, Antoni Tapies, at iba pa. Ang isa pang tanyag na museong napasok di nnamin nang libre ay ang National Art Museum of Catalonia kung saan ang gusali pa lang ay kahanga-hanga na. Bahagi rin ng kanilang makulay na kultura ang pagsasagawa ng bullfight kung saan ang mga lalaki ay nakikipagtagisan ng lakas sa isang toro gayunding ang pagsayaw ng flamenco, na labis kong nagustuhang panoorin dahil sa kahanga-hangang bilis ng paa ng mga mananayaw na tila nakaangat sa hangin at hindi lumalapat sa sahig.
Ang mga tahanan at Gusali.
Ang isa sa pinakamagagandang bagay na nakita ko sa Espnaya ay ang kanilang mga gusali. Marami na ring makabagong tahanan at gusali subalit ipinagkakapuri nila ang mga gusaling naitayo pa noong gitnang panahon at nagpapakita ng mayamang kasaysayan ng kanilang lugar. Ilan sa mg aito ang Palacio Real sa Madrid, ang Toledo's Ancient Rooftops sa Toledo, isa sa pinakamatandang lungsod sa Espanya kung saan matatagpuan ang lumang bahay at makasaysayang mga gusali, at ang hindi pa natatapos na Basilica de la Sagrada Familia, isang UNESCO World Heritage Site na sinasabing sinimulang gawin sa pamumuno ng tanyag na arkitektong si Antoni Gaudi noon pang 1883. Ang lumang gusaling dinisenyo rin ni Gaudi sa Barcelona tulad ng Casa Vicens, Casa Battlo, Guell Pavillions, at iba pa ay isa-isa rin naming pinasyalan. Ang bawat gusali ay may taglay na kasaysayang maiuugnay sa kasaysayan ng lungsod at maging ng bansa.
Ang kanilang wikang pambansa ay Spanish o Castilian na tinatawag naman nating Espanyol. Mayroon din silang ilang diyalektong ginagamit ng ilang pangkat tulad ng Galician, Catalan, at Basque. Ang Ingles ay nauunawaan ng ilang subalit ang pagsasalita nito ay hindi gaanong laganap. Sabi ng aking magulang, mas kakaunting Espanyol daw ang nakapagsasalita ng English kompara sa ibang mga bansa sa Europa. Gayunpaman, sa hotel kung saan sila nagtatrabaho ay mahuhusay sa Ingles ang kanilang mga katrabahong Espanyol dahil ang karamihan sa kanilang mga bisita ay mga turistang mula sa iba't ibang panig ng mundo. Kung titira ka sa nang matagalan sa bansang ito ay kailangan mong matuto ng wikang Espanyol dahil ang halos lahat ng mababasa tulad ng mga babala sa daan, mga paskil o signages, mga pangalan ng produkto, at mahahalagang dokumento ay nasusulat sa kanilang wika. Natuwa lang ako dahil may mga salita silang agad kong naintindihan tulad ng mga salitang bano, calle, ventana, coche, at iba pa. Nasakop nga pala nila tayo sa loob ng mahigit na tatlong daang taon kaya naman marami silang naging impluwensiya sa ating kultura kasama na ang ating wika.
Relihiyon o Pananampalataya
Ang isa sa mga bagay na kapansin-pansin sa Espanya ay ang pagkakaroon ng naglalakihang Simbahang katoliko sa halos lahat ng dako kaya't ang dayuhang manggagawa tulad ng aking magulang na naghahanap ng masisimbahan ay tiyak na hindi mahihirapan. Nakararami pa rin sa mga Espanyol ang Katoliko na nasa humigit kumulang na 80% hanggang 90% ng populasyon subalit marami na ring ibang relihiyon o pananampalataya ang laganap dito tulad ng Islam at ng ibang pananampalatayang Kristiyano gaya ng mga Protestante, Jehova's Witnesses, Mormons, at iba pa. Gayunpaman, sa aming pagsisimba ay napansin kong di tulad ng ating bansa, hindi napupuno ang mga simbahan. Ayon sa aking magulang, kahit malaki ang bilang ng mga Katoliko ay marami sa kanila ang hindi regular na nagsisimba at nagsasagawa lamang ng mga ritwal ng simbahan tulad ng pagbibinyag, pagpapakasal, at pagbabasbas sa namatay.
Ang Kanilang Pagkain at Iba Pang Kaugalian
Kung may isang bagay na labis na naiiba o natatangi sa mga Espanyol, ito ay ang kanilang mga kaugaliang kaugnay ng pagkain. Ang kanilang almusal na tinatawag nilang El Desayuno ay karaniwang kapeng may gatas at tinapay lang. Magaan lang ito dahil sa bandang ikasampu o ikalabing-isa ng umaga ay muli silang kakain. Karaniwang tapas ang kinakain nila s aoras na ito. Ang tapas ay mga pagkaing nakalagay sa maliliit na lalagyan tulad ng platito na maaaring damputin lang (fingerfood) tulad ng pritong maliliit na pusit, tinapay na may nakapatong na kamatis at keso, nakatuhog na tuna at olive, at iba pa. Sa kanila pala natin nakuha ang nakaugalian nating pagkain sa pagitan ng agahan at tanghalian.
Ang kanilang tanghalian na tinatawag nilang la comida ang pinakamalaki nilang kain sa maghapon. Maraming putahe ang nakahanda para sa kanilang tanghalian at hindi sila nawawalan ng tinapay sa kanilang hapag. Tinapay ang kanilang pinakakanin at ito ang ginagamit nila upang masimot ang sarta sa kanilang pinggan. Ang ilang putaheng paborito nila ay kilala rin natin tulad ng paella, gambas, conchinillo asado (na kahawig ng ating lechon de leche), at iba pa. Naglalaan sila ng dalawang hanggang tatlong oras para sa pananghalian dahil bukod sa marami silang nakahandang pagkain para rito ay nakaugalian din nilang magkaroon ng siesta o sandaling pagtulod o pagpapahinga pagkatapos kumain. Ang buong bansa ay nagis-siesta kaya't karaniwang nagasasara ang mga tindahan, paaralan, at pagawaan mula ikaisa hanggang ikaapat na hapon para sa mahabang pananghalian at siesta. Gayunpaman, napansin kong sa Barcelona at sa Madrid na pinakamalaki nilang lungsod at may pinakamaraming dayuhan ay bukas ang malalaking supermarket at mga tindahan maging sa mga oras na ito.
Pagsapit ng ikalima o ikalima't kalahati ng hapon ay muli silang kumakain ng tinatawag nilang La Merienda (sa kanila pala galing ang katawagan nating meryenda). Magaan lang ang pagkaing ito na karaniwang tinapay na may palaman. Ikasiytang naman ng gabi ang karaniwang oras ng kanilang hapunang tinatawag nilang La Cena. Mas kaunti ang pagkaing nakahain na minsa'y pritong itlog o isda at ensaladang gulay lang./ Hindi rin nawawala ang paborito nilang minatamis na karaniwang gawa sa itlog at gatas na tinatawag naman nating leche flan.
Kung ikokompara ang oras ng ating hapunan sa kanila ay masasabing huli na ang ikasiyam ng gabi subalit hindi pa rito nagtatapos ang maghapon ng mga Espanyol. Pangkaraniwan na sa kanila ang lumabas pa pagkatapos ng hapunan at maglakad-lakad (tinatawag nilang paseo) at dumaan sa mga restaurant o bar. Umuuwi lang sila upang matulog kapag maghahatinggabi o lagpas hatinggabi na. Sa mga araw na walang pasok ay inaabot sila ng ikatlo o ikaapat ng umaga sa labas ng tahanan at bago umuwi ay karaniwang kumakain uli sila ng churros o tila pahabang donuts na prinito at binudburan ng asukal. Isinasawsaw nila ito sa mainit at malapot na tsokolate. Naiisip kong ang hilig nating mga Pilipino sa pagkain ay namana natin sa mga Espanyol na sumakop sa atin subalit kahit anong gawin kong paggaya sa kaugalian nila kaugnay ng pagkain at pagtulog ay hindi ko talaga kaya. Maging ang magulang kong walong taon na rito ay hindi rin magawa ang nakagawiang ito ng mga Espanyol lalo na ang oras ng pagtulog dahil na rin sa regular na oras ng trabaho nila sa hotel.
Kung sa Pilipinas ay may basketball court sa halos lahat ng sulok ng barangay, sa espanya ay soccer o football naman ang tanyag na laro at nilalaro o nilalahukan ng halos lahat ng kabataan saanmang bahagi ng bansa. hindi makokompleto ang kanilang linggo kung hindi sila makakapanod ng paborito nilang koponan ng soccer. Ang Real Madrid, isang koponan ng soccer na nakabase sa Madrid, Espanya ang itinuturing na pinakapopular na soccer club sa buong mundo na may mahigit na 228 milyong tagasuporta.
Napansin kong higit na pormal ang pananamit ng mga Espanyol kumpara sa atin. tanging mga kabataan ang nakita kong nakasuot ng pantalong maong at t-shirt lalo na sa Lungsod ng Madrid. Ang mga nakatatandang abbae ay karaniwang nakasuot ng blusa at palda o bestida. Ang kalalakihan ay karaniwan namang nakasuot ng mayu kuwelyong pang-itaas, pantalong slacks (hindi maong), at sapatos na balat. Sa aming pag-ikot ay halos wala akong nakitang naka-rubber o tennis shoes maliban sa mga turistang namamasyal sa mga baybayin ng Barcelona. Sa loob ng simbahan ay pormal ang pananamit. Katunayan, mayoon silang dress code at ipinagbabawal ang mga damit o kasuotang hindi angkop sa simbahang itinututring na banal na lugar. sa pamamasyal nila pagkatapos ng hapunan ay maayos at pormal din ang kanilang pananamit.
Napakarami kong natutuhan sa apat na buwang patira sa Espanya. Marami silang mga kaugaliang nahahawig sa atin dahil na rin sa impluwensiya ng matagal nilang pananakop subalit nanatili silang iba at natatangi sa maraming bagay. Ipinagpapasalamat ko kina nanay at tatay ang pagkakataong ibinigay nila sa akin upang matuto ng maraming bagay at lalong maging bukas at gumagalang sa pagkakaiba-iba ng mga tao at lahi sa mundo.