Tanong. Tanong. Tanong. "Asan po ang pa-buendia?" "Doon ineng," sabi ng mama. Dumating ang jeep na may karatulang Divisoria, Lawton, Pedro Gil, at iba pa. Ngunit walang karatula para sa patutunguhan ko. Buendia... Buendia... Di ba parehas lang ang Buendia sa Gil Puyat? Kaso Pedro Gil ang nandito. Hirap talaga pag laking probinsya! Pero teka, may narinig ako. Sabi ng drayber, sa Buendia lang daw. Bahala na nga. Sumakay na ko ng jeep, sa may unahan, sa tabi ni manong drayber para madaling makapagtanong kung san pwede bumaba mamaya. Hindi pa rin mawala ang pag-aalala ko na baka, sa pagkatagal-tagal kong pagbyahe, mapunta ako sa lugar na di tiyak, na imbes na makauwi ako, tuluyan akong mawala. Segundo lang nang mapalitan ang pinapangamba ko. Sumakay ka ng jeep, umupo sa tabi ng kinauupuan ko. Sa pangangatawan nating dalawa, maaring tatlong tao ang kumasya sa upuan na kinauupuan ko at kinauupuan mo. Tatlong tao ang pwede kumasya, pero bakit nararamdaman ko ang pagsikip? Bakit tila nawala ang espasyong namamagitan sayo at sakin? Bakit para akong nasa tubig na nagpipigil ng hininga para hindi malunod? "Wala ito," pilit kong sinabi sa isip ko. Nagpatuloy ang byahe na ang tanging naririnig ko ay ang pagharurot ng tambutso. Hindi ako makahinga. Pero sa bawat buntong hininga ko, mapapansin mong napapatingin si manong sa pwesto ko at mo. Ramdam din kaya ni manong ang nararamdaman ko gawa sa ng maliit na distansya ko sa kanya? Kung ramdam ni manong, lagot na! Sa nakadikit na balikat at mga tuhod natin, hindi imposibleng mararamdaman mo din ang tensyon. Dalawampung minuto. Dalawampung minuto para mabuo ko to. Dalawampung minuto para maisip na posible pala yung ganto. Pero di sapat ang dalawampung minuto. Hindi sapat para may manatili. Hindi sapat para sabihin sa mundo na nahanap ko na. Kaya nang makita ko ang estasyon ng tren, itinigil ko na ang kwento. Paalam na. Maaaring sa susunod na mga araw hindi ko na maaalala ito. Pero ngayon, isa lang ang tiyak ko. Minsan sa may Buendia, merong ikaw at ako.