P A G T I G I L
ISANG MAIKLING REBYU/KWENTO (ATA) SA ‘COMTEMPORARY AESTHETICS’ NI ALICE GUILERMO.
Nang minsang mapunta ka sa isang museo, o isang exhibit na hindi na mahalaga kung ni-required o ginusto mo ba talagang pumunta, madalas ang pagkatitig sa pupukaw sa’yong atensyon. Tatagal iyon, waring nag-iisip. Waring naghahanap ng isang kwentong kikitil sa oras, o sa pagkabagot (dahil nga napilitan ka lang). Hindi mo ‘yon maiintindihan, kaya makalipas ang ilang minuto’y aalis. Maghahanap pa ng iba na mas kapansin-pansin, something makulay, ‘yung talagang IG worthy, ‘yung kay gandang lagyan ng caption. Kalauna’y makakahanap ka, titigil ka roon. Mas matagal. Tapos mangingiti dahil suwak sa ninanais ng mata at pangangailangan ng isip. Naintindihan mo ito ng mahusay, malaki ang epekto nito sa sarili. Kumikinti sa sensibilidad. Saka ang paulan ng appreciation sa iba’t-ibang plataporma ng media. Bigla mong mararamdaman ang pagiging makabayan, hindi titigil ang pangingiti. Mahal mo na ang sining, kaya sa paglabas ay pinangako sa sarili na ang pagtangkilik sa mga ito’y hindi lang doon matatapos.
Maagaan ang ‘yong paglalakad sa pag-uwi, kasabay ng malamlam na panahon. Pagkuwa’y kinakampay pa ang mga kamay sabay sa hakbang ng mga paa. Sa dulo ng kalsada’y makakasalubong mo si kaibigang Alice Guilermo, pagkuwa’y kinuwento mo sa kanya ang mga naging karanasan at naging hakbang mo sa loob ng exhibit. Hindi ka pa man natatapos sa pagkukwento’y binatukan ka niya.
“It is not enough to patronize, collect and encourage fashions in indigenous art if one does not take part in the movement to obtain a better quality of life for them!”
Saka mo mapapagtanto na hindi nabubuhay ang sining sa mga wow ng tao. Sa pagkolekta nito, o sa paghikayat sa pagtangkilik sa mga ito. Hindi lubusang nabubuhay ang sining sa pagtitig sa mga ito ng matagal, sa pag-iisip nang malalim sa kung ano ang ibig sabihin nito. Hindi lubusang nabubuhay ang sining sa dami ng mga taong nagugustuhan ito, dahil ang sining ay mananatiling patay hangga’t patay ang mga gumagawa sa mga ito.
Maririnig sa boses ni kaibigang Alice ang tapang at buong pusong paghihikayat na maging parte ng hakbang o mas mainam na ikaw mismo ang maging hakbang para makamtan nila ang buhay na mas lalong higit sa kung ano ang buhay na nararanasan nila.
Karamihan sa mga sining na ito ay nagmula sa mga indigenous people na maipagmamalaki na’ting talagang atin. Sa paglaban nila sa Espanya, Amerika at sa mga bansang kanluranin sa pananakop (o mas tamang sabihing panggagahasa) sa pilipinas sa pamamagitan ng pag-isolate sa kabayanan upang mapanatili ang kanilang kultura, musika’t tradition (sa kaso ng T’bolis, Mangyans at Ifugaos). Ito rin ang naging dahilan upang mapanatili ang sining na malayo sa mga sining na dinodomina ng mga kanluranin dahil sa colonization na nangyari sa bansa.
“Kaibigang Alice? Ano bang klaseng hakbang ang sinasabi mo? Paano ang better life ang tinutukoy mo sa mga ito? Paano? Enlighten me, friend!”
Sandaling titigil si kaibigang Alice, pipigilan ang pagtawa na mababakas ang pagkagiliw sa kausap. Buong puso niya itong sasagutin.
Ang sagot ay hindi makukuha sa kasikatan at pagkilala lang sa kanilang sining bagkus ay sa pantay na karapatan sa edukasyon, higit na mas maayos na pamumuhay na hindi papatay sa kanilang kultura’t tradisyon bagkus ay tutulong sa mga ito upang marespeto at mas lalong palaguin. Higit sa lahat, ang kanilang kaligtasan ay dapat na natitiyak. Mas mainam na tanggalin sa kanila ang mga pangamba. Ang mga taong ito na nagpatuloy at nangalaga ng tradition at sining hanggang sa ngayon ay nararapat lamang na bigyang gantimpala na higit na mas hihigit sa matagal na pagtigil at pagtitig sa kanilang mga likha na madalas ay nasa mga museo o inilalagay sa mga exhibit. Ang pagtulong sa paghakbang sa pagkamit ng mga ito ay higit na mas hihigit sa pagiging makabayan.
Muling matatahimik ngunit muli ring mangingiti, bibigyan mo si kaibigang Alice ng kakaibang ngiti na alam mong alam niya— na hindi lang magtatapos sa isang pagtigil.











